"Ipagbunyi ang Ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" � Armando Liwanag
Ipinagdiwang nitong Disyembre 26 ng mga kadre at kasapi ng Partido, kasama ang rebolusyonaryong mamamayan ang ika-30 anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Iba't ibang laki ng pagtitipon ang isinagawa sa mahigit 80 larangang gerilya at daan-daang komunidad sa kalunsuran, na tinampukan ng mga pag-aaral at pangkulturang pagtatanghal. Nagdaos din ng mga pagdiriwang ang mga lihim na grupong nakatalaga sa iba't ibang espesyal na linya ng gawain, gayundin ang mga kasamang nasa ibayong-dagat.
Tinalakay sa mga pagdiriwang ang mga maningning na tagumpay ng Partido sa pamumuno sa rebolusyon sa nakaraang 30 taon, laluna mula nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Namamayaning paksa ang paglilinaw sa mga tungkulin para mapangahas na mapalawak at mapalakas pa ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa harap ng napakalubhang krisis ng sistemang kapitalista sa daigdig at ng lokal na sistemang malakolonyal at malapyudal. Tampok din ang muling pagpapatibay sa paninindigan at pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan.
Inilabas ni Kasamang Armando Liwanag, tagapangulo ng Komite Sentral ng Partido, ang kanyang mensahe na pinamagatang "Ipagbunyi ang ika-30 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas!" Nilinaw dito sa masaklaw pero kongkretong paraan ang mga pangunahing tagumpay ng Partido, ang kasalukuyang sitwasyon sa daigdig at sa bansa, ang kasalukuyang kalagayan ng Partido at kilusan, at ang mga tungkulin ng Partido, kabilang ang matagalang mga tungkulin sa demokratikong rebolusyong bayan.
Tumanggap ang Partido ng mga mensahe ng pagbati at pakikiisa mula sa mahigit 50 Marxista-Leninistang partido at organisasyon mula sa iba't ibang rehiyon ng daigdig. Nagkakaisa ang mga mensahe sa pagpansin at pagpuri sa mga tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, sa matatag na muling pagsulong ng Partido at rebolusyon, at malalaking ambag ng Partido sa pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, pakikitunggali sa modernong rebisyunismo, kritika sa imperyalismo, partikular sa mga patakarang neoliberal at pandaigdigang krisis na nilikha ng mga ito, at pagsusulong ng muling pagtitipon at pagpapanibagong-lakas ng mga proletaryong rebolusyonaryong pwersa sa buong daigdig.
Sa mensahe ni Kasamang Armando Liwanag, itinanghal ang PKP bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa na ginagabayan ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Sa pamamagitan ng 30 taon ng tuluy-tuloy, magiting at makulay na rebolusyonaryong praktika, naitindig ng Partido ang pamumuno nito at ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa uring manggagawang Pilipino at sa bagongdemokratikong rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Binigyang-pugay at pinarangalan sa pahayag ang mga rebolusyonaryong martir, mga pultaym at lokal na kadre at kasapi ng Partido, mga Pulang kumander at mandirigma, mga aktibista at militanteng kasapi ng mga organisasyong masa, mga alyado at ang malawak na masa ng sambayanan. Ang kanilang puspusang pakikibaka at mga sakripisyo ang dahilan kung bakit patuloy na umaani ang pambansa-demokratikong rebolusyon ng mga tagumpay.
Komprehensibong sinuri ni Kasamang Armando Liwanag mula sa punto-de-bistang Marxista-Leninista ang walang kaparis na pandaigdigang krisis, ang mga pagbabago sa kalagayan at operasyon ng imperyalismo at ang mga implikasyon ng mga ito sa muling pagsulong ng proletaryong rebolusyon. Ipinakita niya na ang pandaigdigang krisis ay ibayong nagpapalala sa sosyoekonomikong krisis sa bansa, lalong nagpapabilis sa pagkabulok ng reaksyunaryong naghaharing sistema at ibayong nagpapatindi ng mga alitan sa hanay ng mga reaksyunaryo.
Binaybay din niya ang pagpapanibagong-sigla ng mga pwersa ng rebolusyon bunga ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Nanawagan siya sa ubos-kayang pagsusulong ng mga gawain at pakikibaka at ang matatag na pagtataguyod sa mga pangmatagalang tungkulin sa pakikibaka na halaw sa sampung punto ng pangkalahatang Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan.
Sa kanyang paglalagom, mariin niyang idineklara na: "Tiwala ang Partido na ang teorya at praktika ni Mao hinggil sa nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado ay gagabay dito sa pagpapanday ng sosyalismo, paglaban sa rebisyunismo at paghadlang sa panunumbalik ng kapitalismo hanggang sa magapi ng mamamayan ng buong daigdig ang imperyalismo at maisakatuparan ang ultimong layunin ng komunismo."
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|