Binabati ng mamamayang Pilipino ang mamamayan ng East Timor at tinutuligsa ang mga atake laban sa kanila ng mga pasistang Indones
Pambansang Konseho Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas Ika-5 ng Setyembre 1999
Sa ngalan ng mamamayang Pilipino, binabati namin sa Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (NDFP) ang mamamayan ng East Timor at lahat ng kaniLang rebolusyonaryong pwersang lumalaban para sa pambansang kalayaan dahil sa kanilang lubos na tagumpay sa reperendum na pinangasiwaan ng United Nations.
Hinahangaan namin ang determinasyon at pagsisikhay ng mamamayan ng East Timor sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan. Nakikiisa kami sa kanilang kaligayahan sa matagumpay na paggigiit at pagpapamalas ng malayang kapasyahan laban sa mga pwersang mananakop ng reaksyunaryong estado ng Indonesia.
Kailangang igalang ng estado ng Indonesia ang reperendum na nagresulta sa 80% ng 97% ng populasyong ng East Timor na bumoto at malinaw na pumili sa kanilang kalayaan sa kabila ng kampanya ng karahasang pinakawalan ng mga pasistang Indones at ng kanilang mga tuta. Kasama ang mamamayan ng buong daigdig, iginigiit naming huwag hadlangan ang mamamayan ng East Timor at ang mga demokratikong pwersa nito sa mapayapang pagtatayo ng kanilang sariling malayang estado at gubyerno at sa pagpapaunlad sa kanilang bansa.
Kinukundena namin ang mga desperadong aksyon ng mga pinakareaksyunaryong upisyal na Indones at pwersang militar na kinatawan at ekstensyon ng nagpapatuloy na pasistang diktadurang militar ni Suharto, upang pahirapan, iantala, o pigilan ang mamamayan ng East Timor sa pagtatayo ng kanilang sariling independyenteng estado at gubyerno.
Kinukundena namin ang mga masaker, mga asasinasyon, pandarambong at panununog laban sa mamamayan at mga lider ng East Timor na isinasagawa ng mga pasistang hukbo at pulis na Indones, na nakabalatkayong mga pwersang milisya at nakahalo sa ilang mga hudlum. Kinukundena namin ang pagpapataw ng batas militar sa East Timor tungo sa dagdag na kapinsalaan ng mamamayan ng East Timor.
Sobra-sobra na na kahit ang obispong Katoliko na si Belo at mga taong simbahan at mga tauhan ng United Nations, International Committee of the Red Cross, mga diplomatikong misyon at mga internasyunal na mamamahayag ay tinatarget ng mga pinakamalupit na atakeng pisikal at pinupwersang lumikas. Hindi namin kailanman malilimutan kung paano sinakop ng mga pasistang tropang Indones ang East Timor at kung paano minasaker ang libu-libo noong 1975. Simula noon, ipinataw na nila sa East Timor ang pinakabrutal na paraan ng pananakop, pang-aapi at pagsasamantala na naging dahilan ng pagkamatay ng 200,000 o ng sangkatlo ng mamamayan ng East Timor.
Tinutuligsa namin ang kabiguan ng UN na maagap na bumuo at magpatupad ng mga epektibong hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan ng East Timor at hayaan sila sa kanilang pagnanais ng kasarinlan at independensya. Maaaring gumamit ang imperyalistang kapangyarihan ng kanilang pinansyal na presyur para pwersahin ang pagbibitiw ng pasistang diktador na si Suharto at pangasiwaan ang tinatawag na transisyon sa �demokrasya� upang pagtakpan ang kanilang pananagutan sa pandarambong sa Indonesia. Pero sa kaso ng East Timor, binibigyan nila ng buong laya ang mga pasista upang pahabain ang pananakop sa East Timor at lantarang magsagawa ng mga pinakaduwag na krimen laban sa mamamayan.
Kung gugustuhin, maaaring gamitin ng mga imperyalistang kapangyarihan ang pangalan ng UN upang salakayin o sakupin ang mga nagsasariling estado tulad ng Iraq at Yugoslavia. Ngunit sinadya nilang maging mabagal sa pagpwersa ng kanilang estadong tuta sa Indonesia upang irespeto ang resulta ng reperendum.
Ang mga imperyalistang kapangyarihan na pinangungunahan ng US ay maliwanag na nagbabalanse ng kanilang mas malaking pang-ekonomya at pampulitikang interes sa Indonesia laban sa pambansang soberanya ng East Timor at nagsisikap na makakuha ng mga bentahe kapwa sa Indonesia at East Timor kahit na ito ay minamasaker, ninanakawan at pwersadong pinalilikas ang mamamayan ng East Timor.
Kinukundena namin ang anumang pakana upang ang East Timor ay gawing isang tutang estado ng mga imperyalistang kapangyarihan at ng karatig estado ng Indonesia. Lagi�t lagi, sinusuportahan namin ang mamamayan ng East Timor sa kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|