US, niyayanig ng mga iskandalong pampinansya
Walang patid ang serye ng malalalang iskandalong pampinansya na yumayanig sa ekonomya ng US mula pa noong huling bahagi ng 2001. Kinatampukan ang mga ito ng mga anomalya sa accounting (pagkukwenta) at panloloko sa publiko at sa mga nagmamay-ari at bumibili ng sapi sa ilang pinakamalalaking korporasyon sa US.
Pinakahuli sa serye ang kaso ng WorldCom, ang ikalawang pinakamalaking kumpanya ng telepono sa US at nangungunang kumpanya sa internet sa buong mundo. Nabunyag noong Hunyo 25 na inilingid ng WorldCom sa mga maysapi rito ang $3.8 bilyong gastos ng kumpanya mula noong nakaraang taon. Pinalabas ng pamunuan nito na ang naturang mga gastos ay nagamit bilang puhunan.
Lumilitaw ngayon na nalulugi nang malaki ang kumpanya taliwas sa ipinakikita nito sa publiko. Bunga ng kontrobersya, bumagsak sa $0.21 ang presyo ng sapi sa kumpanya mula sa dating mahigit $64. Kapag nagkataon, ang kaso ng WorldCom ang siyang magiging pinakamalaking pagkabangkrap sa kasaysayan ng US. Ngayon pa lamang, 17,000 na o humigit-kumulang 20% ng mga empleyado nito sa buong daigdig ang sinesante ng kumpanya. Pinangangambahan din ang posibleng implikasyon ng pagbagsak ng WorldCom sa pambansang seguridad ng US dahil dito nakasalig ang mga pangangailangan sa telekomunikasyon ng mga estratehikong ahensya ng gubyerno, kabilang ang Pentagon at ang Department of State.
Bukod sa mga pinuno ng WorldCom, kabilang sa mga pangunahing maysala ang Arthur Andersen, ang accounting firm (kumpanyang tagasuri sa katayuang pinansyal) ng WorldCom sa panahong saklaw. Ang Arthur Andersen din ang sangkot sa kaso ng Enron, isang kumpanya sa enerhiya at ikapitong pinakamalaking korporasyon sa US at ika-16 sa buong mundo bago tuluyang bumagsak.
Nagsimula ang serye ng mga iskandalo nang mabunyag noong Oktubre 2001 ang pagsisikap ng pamunuan ng Enron na pagtakpan sa pamamagitan ng mga pandaraya sa kwenta ang tunay na katayuan nito upang pataasin ang presyo ng mga sapi rito. Nalugi at nabaon sa utang ang higanteng korporasyon dulot ng malakihan at sistematikong pagdispalko ng salapi ng mga pinuno nito. Kamakailan lamang ay nahatulan ng korte ang Arthur Andersen sa salang obstruction of justice (paghadlang sa hustisya) dahil sa pagsira nito sa mga dokumentong magsisilbi sanang ebidensya laban sa Enron.
Dawit din sa kaso ng Enron ang administrasyon ni George W. Bush. Kilalang malapit sa presidente si Kenneth Lay, tagapangulo ng kumpanya. Pangapat siya sa mga nag-ambag ng pinakamalaking halaga � $623,000 � sa kampanya ni Bush para sa pagkapangulo. Naiulat ding 35 upisyal ng administrasyong Bush ang may pag-aaring malalaking sapi sa Enron at ilang iba pa ang nagsilbing consultant ng korporasyon. Kapalit ng mga ito, naging maimpluwensya ang Enron sa pagbabalangkas ng patakaran sa enerhiya ng kasalukuyang gubyerno ng US. Pinaniniwalaan ding may papel ang White House sa pagtatakip sa anomalyang naganap sa Enron.
Mula nang sumambulat ang kaso ng Enron, pang-10 na ang WorldCom sa malalaking korporasyon sa US na nasangkot sa iskandalong pampinansya. Ang iba pang mga kumpanya ay ang Tyco, Rite Aid, Merrill Lynch, Waste Management, Cendant, Sunbeam, Global Crossing at Adelphia Communications. Nitong huli ay nalantad naman ang bagong mga kasong kinasasangkutan ng Xerox, Apple Computer, at Walt Disney.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|