Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ilang kwento sa likod ng mga taktikal na opensiba sa Bikol

 Read this article in English

Ang bawat taktikal na opensibang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan ay bunga ng matagumpay na pagtutulungan ng masa't mga mandirigma. Sa likod ng ibinabalitang karaniwang mga detalye-petsa, lugar, reaksyunaryong pwersa na tinarget ng BHB, bilang ng armas na nasamsam - ay ang walang-kupas na mga kwento ng rebolusyong Pilipino. Narito ang ilang salaysay mula sa mayamang karanasan ng mga kasama sa Kabikulan.


Espesyal na taktikal na opensiba sa Barangay Sta Elena, Jose Panganiban, Camarines Norte; Disyembre 28, 2000.

Nagpamalas ng galak ang mga residente ng Sta. Elena nang parusahan ng BHB si Francisco "Ike" Villafuerte at si Anatolio "Hudas" Villablanco, dalawang sagadsaring reaksyunaryo na may mga kasalanan sa taumbayan. Si Villafuerte, despotikong asendero at ahente ng Military Intelligence Group, ay responsable sa paglalatag ng lambat-paniktik, panonortyur at pagpatay sa mga inosenteng magsasaka. Si Villablanco naman ay dating pulis ng Jose Panganiban, Camarines Norte, masugid na kontra-rebolusyonaryong ahente at kasosyo sa sindikato ng droga sa lugar.

Isang platun ng BHB na nakakumpletong kamoplahe at nagkunwaring mga sundalo ang pumara ng dalawang dyip at nagpahatid sa bungad ng kalsadang papunta sa bahay ng dalawang target. Isang tim ng mga kasama ang nagtindig ng tsekpoynt doon.

Mula roon, isang pormasyon ng BHB ang dumiretso sa bahay ni Villafuerte. Pinatuloy sila ng napaglalangang maybahay. Mabilis na isinagawa ng BHB ang pagpaparusa. Sinamsam ang tatlong .45, combat boots at iba pang gamit-militar ni Villafuerte. Sa labas, ipinaliwanag nang mabuti ng mga kasama sa masa sa paligid ang dahilan ng pagparusa kay Villafuerte. Nagpamudmod rin ang BHB ng ilandaang polyeto na nagpapaliwanag ng batayan ng pagpaparusa. �Dahil ilang panahon na ring hindi nakikilusan ang lugar, may ilang natakot. Ngunit ang karamihan ay nakinig nang mabuti't nagbunyi.

Samantala, ang isa pang pormasyon ng parehong tropa ng BHB ay tumuloy sa bahay ni Villablanco na mabilis ding pinatawan ng kaparusahan. Kasabay ng mga ito, isa pang pangkat ng BHB ang lumusob sa dalawang kalapit na bahay ng mga pulis at doo'y nakakumpiska ng isang .357 at iba pang mga gamit-militar.

Matamang binasa ng masa ang mga polyetong ipinamahagi ng BHB. Sinalubong nila ng ngiti ang mga kasama. Ang iba pang taumbaryo'y humalili sa pagbabantay sa pansamantalang tsekpoynt ng mga kasama at paglao'y namahagi na rin ng mga polyeto. Nang malaman ng mga naghatid na drayber na mga Pulang mandirigma pala ang nakisakay sa kanila, nagpasya silang maghintay at nagprisintang maghatid sa mga kasama kahit saan.

Ang matagumpay na operasyon ang humawan ng daan sa muling pagbabalik at tuluy-tuloy nang pagkilos ng hukbong bayan sa lugar.

Reyd sa Munisipyo ng Caramoan, Camarines Sur: Nobyembre 18, 2000

"Mabuhay ang mga kasama! Mabuhay ang CPP/NPA!" ang masigabong pagsalubong ng masa sa kalsada habang taas-kamaong binabati ang mga Pulang mandirigma na nagmamartsa mula sa matagumpay na reyd sa munisipyo. Mahusay na nagamit sa pagsalakay na ito ang elemento ng sorpresa. Napatay ang isang pulis at isang CAFGU at nasugatan ang dalawa pa. Nakakumpiska rin ng ilang matataas na kalibreng armas.

Malaking sampal sa AFP ang tagumpay ng taktikal na opensibang ito ng BHB. Bago nito, ipinangangalandakan ng mga pasista na said na ang BHB sa lugar. Katatapos pa lamang suyurin ng mga tropa ng 42nd IB at 18th Scout Ranger Company ang kabundukan ng Caramoan at mga karatig na bayan. Sa tulong at suporta ng masa at ng ilang nakakaalyadong elemento ng AFP, mahusay na nakaiwas sa kaaway ang BHB. Buong-pasensya nitong hinintay ang tumpak na pagkakataon, at napawalang-saysay at nagawang katawa-tawa ang busog-sa-pondo na mga operasyong intelligence at pangkombat ng AFP.

Reyd sa Munisipyo ng Gainza, Camarines Sur; Abril 27, 2001

Napatunayan ng BHB na kaya nitong maglunsad ng taktikal na opensiba nang malapit sa lunsod. Palibot ng malawak na kapatagan at malaking ilog ang bayan ng Gainza, na 10 minutong sakay lamang mula sa Naga City.

Lampas 30 minuto nang nakapwesto sa palibot ng munisipyo ang isang platun ng BHB bago nito aktwal na ikinasa ang opensiba. Madaling nadikitan ang munisipyo at napasok ng mga Pulang mandirigmang pawang naka-shorts at T-shirt lamang. Naitago nila ang kanilang mahahaba't maiikling armas sa mga bayong na may kudkudan at niyog, sako na may gabi, basket na may dahong pambalot ng suman at iba pa. May ilan ding nagpanggap na magpapakasal sa munisipyo, at ang iba'y nag-astang "tambay" sa malapit na tindahan.

Wala nang nagawa ang dadalawang pulis na nasa himpilan, kabilang ang hepe, nang salakayin ng mga gerilya ang istasyon ng PNP. Tatlong M16; isang 9 mm; mga RPG; magasin; uniporme; printer; kompyuter; dalawang mobile phone; dalawang base; isang portable at dalawang hand-held vhf radio ang nasamsam sa reyd. Nakakumpiska rin ng armas sa bahay ng dalawang pulis, na walang 100 metro ang layo sa munisipyo.

Ligtas na nakaatras ang mga kasama makalipas ang mahigit lamang 10 minuto mula nang ikasa ang taktikal na opensiba. Ang isang iskwad ay umatras sa malawak na kabukiran (limang oras na babagtasin bago marating ang kagubatan) at ang isa pa'y sa mayor na ilog na dumadaloy patungong San Miguel Bay. Tinahak nito ang direksyon sa dagat, taliwas sa inaasahan ng kaaway. Nabigo rin ang kaaway na tuntunin ang mga Pulang mandirigmang umatras sa bukid dahil epektibo silang humalo at naglaho sa masang nagsisipag-ani ng palay doon.

Sa loob ng humigit-kumulang dalawang buwan bago pa itong reyd sa munisipyo, ang mga elemento ng BHB na nagsagawa ng paniniktik ay nagkaroon ng mga bagong ugnay sa lugar sa tulong ng mga aktibistang masa mula sa mga konsolidadong lugar. Sa loob ng mahabang panahong ito ng pagpapalawak ng ugnay, pagpapakilos sa masa sa paniktik at paghahanda para sa taktikal na opensiba, mahusay na napanatiling lihim ang plano.

Ambus sa tropa ng PNP sa sityo Dilingkwente, Barangay Kitang, Pasacao, Camarines Sur; Oktubre 24,2000.

Matagal nang hindi nababalikan ng mga kasama ang erya. Gayunman, matagumpay ang paglulunsad ng taktikal na opensiba ng BHB doon. Pumusisyon at nag-abang sa di mataong lugar ang 16 na kasama at tatlong myembro ng milisya. May dalawang sibilyan na nakasumpong sa nag-aabang na BHB, subalit nanatiling lihim ang pagpakat doon ng mga kasama. Sa ikalawang araw, dumaan ang patrol car ng PNP na lulan ng dalawang pusakal na pulis na siyang target ng operasyon. Agad silang napatay. Dalawang 9 mm at iba pang gamit militar ang nasamsam ng mga gerilya.

Nasiyahan ang masa sa matagumpay na paglulunsad ng opensiba. Kinumpirma nila na ang dalawang tinarget ay mga mananalbeyds, lasenggo at nagwawala nang sige ang pamumutok ng baril. Tanda ng kanilang kasiyahan, nagrekomenda pa ang masa ng iba pang target na dapat parusahan ng hukbong bayan. Naging tuntungan ang mainit na pagtanggap ng masa upang madaling makabalik sa erya ang mga kasama at muling maibuwelo rito ang pag-oorganisa.

Ambus sa tropa ng Bravo Coy ng 31st IB sa Sityo Patag, Brangay San Isidro, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte; Oktubre 10, 2000.

Isang malaking breyktru para sa isang platun ng BHB ang pagwasak sa isang armored personnel carrier (APC) ng kaaway at pagkakuha mula rito ng kalibre .50 at kalibre .30 na mga masinggan. Ang APC, lulan ang 18 tropa ng B coy ng 31st IB, ay pinasabugan ng land mine. Namatay ang dalawang tropa ng kaaway, sugatan ang anim, at ang 10 pa ay nagtakbuhan at namutok nang patalikod.

Ang mga tropang ito ng kaaway ay binitag ng mga kasama sa pamamagitan ng pagharas muna ng pito-kataong pwersa ng BHB sa pito-kataong detatsment ng naturang tropa ng kaaway na naggugwardiya sa PNOC. Ang mga sundalo mula sa main body ng 31st IB ay magrereimpors sana sa hinaras na katropa nila, ngunit sila ang naambus ng BHB. Bukod sa mga masinggan, nasamsam din ng BHB ang isang M16, daan-daang bala ng .50 at .30 na masinggan at isang radyong URC.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Ibayong isulong ang pakikidigmang gerilya sa buong bansa!
Ilang aral mula sa mga kamalian at kabiguan ni Misuari
Mga punto hinggil sa itinakbo ng mga kasunduan sa pagitan ng MNLF at GRP
Kulang na kulang ang pagbaba ng presyo ng langis
Mga ulat koresponsal: Pagtindi ng militarisasyon sa TK
Kampanyang militar laban sa Abu Sayyaf: Naghahasik ng lagim sa Basilan
Ilang matitingkad na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa Basilan
Pinakamatitinding operasyong militar sa Cagayan Valley sa loob ng kalahating dekada
Paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Catanduanes: Nang masa�t Hukbo�y magkaisa
Ilang kwento sa likod ng mga taktikal na opensiba sa Bikol
Bagong papet na pasistang rehimen sa Afghanistan at ang estratehikong interes ng imperyalismong U.S.
Mga balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.