Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pang-aapi sa mga migranteng manggagawa

 Read this article in English

Walang interes ni kakayahang lumikha ng trabaho ang gubyernong Estrada dahil masugid nitong ipinatutupad ang mga patakarang anti-industriyalisasyon alinsunod sa dikta ng imperyalismo at interes ng lokal na naghaharing uri. Kung kayat patuloy pang lumalaki ang napakalaki nang hukbo ng mga walang hanapbuhay. Gaya ng mga nagdaang rehimen, itinuturing ng rehimeng US-Estrada bilang susi sa paglutas ng suliraning ito ang pag-eeksport ng mga manggagawa. Patuloy na ibinubwelo ni Estrada ang paglako sa mga dayuhan ng kontraktwal at napakamurang paggawa ng mga manggagawang Pilipino.

Ang Pilipinas ay isa sa pinakamalalaking taga-eksport ng mga manggagawa sa buong mundo. Mahigit pitong milyon na ang mga migranteng manggagawa; at paparami pang mamamayang itinutulak ng masidhing kahirapan ang handang magpaalipin sa ibang bansa at tiisin ang mga pasakit nito, mabuhay lamang ang kanilang mga pamilya. Matatagpuan sila sa may 180 bansa sa buong mundo.

Mahigit 60% ng lahat ng migranteng manggagawang Pilipino ay kontraktwal lamang kayat karaniwang dumaranas ng lalong aping kalagayan: sahod na pambusabos, kawalang seguridad sa trabaho, pagmaltrato at sagadsagarang pagkakait ng mga karapatan bilang manggagawa at bilang tao.

Matatagpuan ang karamihan ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa Middle East (isang milyon; kalahati'y nasa Saudi Arabia), Japan (250,000) at Hong Kong (180,000). Halos tatlong milyon lamang sa kanila ang dokumentado. Sila'y mga manggagawa sa mga pabrika, konstruksyon, ospital, barko, oil rig at iba pa. Marami ang namamasukan bilang mga katulong at entertainer na bulnerable sa pang-aabuso. Mayroon ding mga propesyunal.

Noong huling kwarto ng 1999, sumirit sa $8 bilyon mula $2 bilyon (1998) ang naipasok na salapi ng mga migranteng manggagawa sa Pilipinas. Sa mga nakaraang taon, ito ang pinakaimportanteng salik na nagpalutang sa naghihingalong pambansang ekonomya. Hindi ito maitanggi ng upisyal na estadistika ng gubyerno kung kayat pampalubag-loob na tinaguriang "mga bagong bayani" ang mga migranteng manggagawa. Sa kabila nito, ang reaksyunaryong rehimen ay numero unong kasabwat ng mga dayuhan sa pagsasamantala sa mga migranteng manggagawang Pilipino.

HABANG LUMALALA ANG SULIRANIN NG DISEMPLEYO SA MGA BANSANG KAPITALISTA, TULUY-TULOY ANG PAGDAMI NG MGA MIGRANTENG MANGGAGAWANG ARBITRARYONG TINATANGGAL SA NALULUGING MALALAKING DAYUHANG NEGOSYO.

Mga koleksyon. Bago pa man nakapangingibang-bansa, ang mga migranteng manggagawa ay tinataga na ng gubyerno ng samutsari at kadalasa'y kalokohang bayarin katulad ng "voluntary membership fee", placement fee, bayad sa "passbook", travel tax, airport fee at marami pang iba. Bukod pa ito sa mga hinihinging suhol mula sa kanila.

Dahil dito, umaabot sa P76,000 ang koleksyon ng gubyerno mula sa bawat migranteng manggagawang papunta sa Taiwan. Kayat madalas silang nalulubog sa utang laluna ang mga manggagawang napipilitang umuwi kahit wala pang sapat na naiipon.

Sa Hong Kong, mahigit P14,000 kada buwan ang kinakaltas sa sahod ng mga migranteng manggagawang Pilipino kapwa ng gubyernong Pilipinas at Hong Kong.

Limpak-limpak na salapi ang nakakamal ng tusong gubyerno subalit hindi ito kailanman pinaki-kinabangan ng mga migrante ni ng kanilang mga pamilya.

Mababang sahod na, binabawasan pa. Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga balon ng pinakamurang lakaspaggawa sa buong mundo. Bukod sa relatibong napakababang sahod, may samutsari pang paraan ang mga dayuhang amo at gubyerno upang ibayong huthutan ng salapi ang mga manggagawang Pilipino.

Kabilang ang mga manggagawa na namamasukang katulong sa Hong Kong sa mga Pilipinong migranteng tumatanggap ng pinakamababang buwanang sahod (HK$3,670 o P18,000). Masahol pa, dahil sa mga koleksyon, ang napakaliit na halagang natitira upang iuwi nila sa Pilipinas ay kulang na kulang pang panustos sa buwanang batayang pangangailangan ng isang karaniwang-laking pamilya.

Sa Asia, laganap ang pagkolekta ng forced savings na paniyak umano ng mga dayuhang amo na hindi tatakas ang empleyado. Umaabot ito sa sangkatlo ng buwanang sahod at ibibigay umano sa migrante sa katapusan ng kontrata. Depende na sa kapritso ng amo kung makukuha pa ito o hindi ng migrante. Halimbawa, sa Ching Yang Tech Co. sa Taiwan, NT$6.8 milyon (P95.2 milyon) nang forced savings ang naipon ng kumpanya mula sa 94 migranteng Pilipino.

Kawalang-seguridad sa trabaho. Habang lumalala ang suliranin ng disempleyo sa mga bansang kapitalista, tuluy-tuloy ang pagdami ng mga migranteng manggagawa na basta na lamang tinatanggal sa mga naluluging dayuhang negosyo. Katunayan, ang mga migranteng manggagawa ang unang-unang pinatatalsik. Ngayong taon, may 40,000 migranteng Pilipino sa Japan at 7,000 pa sa South Korea ang pinauuwi sa ngalan ng pagtugis sa mga di dokumentadong migranteng manggagawa.

Pagsikil sa mga karapatang manggagawa. Tahasang ipinagbabawal sa mga migranteng manggagawa ang pagtatayo ng unyon saan mang dako ng daigdig. Dahil mga kontraktwal na manggagawa lamang, wala silang karapatang makipagnegosasyon para sa dagdag na sahod, seguridad sa trabaho at mga benepisyo. Napipilitan silang tanggapin ang mga kundisyon sa trabaho na isinasaad sa mga mapang-aliping kontratang inaareglo ng mga placement agency dito sa Pilipinas.

Sa Saudi Arabia, ikinukulong kundiman binibitay ang sinumang nagtatangkang magbuo ng anumang grupong naglalayong isulong ang mga karapatan ng mga migranteng manggagawa.

Ang mga nangangahas na tumindig at magreklamo sa kanilang mga aping kundisyon ay ibinibilang sa blacklist. Sinumang ilista rito ay hindi na kailanman mabibigyang-pagkakataong makapaghanapbuhay sa ibang bansa.

Pagpapabaya ng reaksyunaryong estado. Umabot na sa 3,007 (1999) ang bilang ng mga kaso ng mga migranteng manggagawa na pinabayaan ng reaksyunaryong gubyerno, patunay na wala itong pakialam kahit na lalong lumalala ang pang-aapi sa mga migranteng manggagawa at nilalabag na ang maraming pandaigdigang kumbensyon sa paggawa na pinirmahan nito. Maraming migranteng manggagawa ang nagtatangkang tumakas sa amo dahil sa pagmamaltrato, pisikal at sekswal na pangaabuso, paglabag sa kontrata, makahayop na kundisyon sa paggawa, mahahabang oras sa paggawa, walang bayad sa obertaym at matinding diskriminasyon.

Nagdudumilat ang katotohanang naghuhugas-kamay ang reaksyunaryong gubyerno sa responsibilidad nitong proteksyunan ang mga migranteng manggagawa. Noong katapusan ng 1998, may 2,000 migranteng manggagawang nakapiit sa Malaysia, Saudi Arabia at Japan ang pinabayaan ng gubyerno. Sa katapusan ng 1999, may 200 dating migranteng manggagawa ang ginagamot sa National Center for Mental Health dahil sa iba't ibang sikolohikal na sakit na ibinunga ng grabeng pahirap sa kanila. May 700 migranteng manggagawang Pilipino ang namamatay taun-taon, 25% sa kahinahinalang mga sirkunstansya. Sampung bangkay ng mga migranteng manggagawang Pilipino ang iniuuwi sa Pilipinas bawat buwan.

Ang pambubusabos sa mga migranteng manggagawang Pilipino ay tiyak na magpapatuloy sa implementasyon ngayong taon ng todong deregulasyon ng pandarayuhan ng paggawa alinsunod sa Migrant Act of 1995. Dito, tahasan nang binibitawan ng gubyerno ang anumang responsibilidad kaugnay ng sahod ng mga migranteng manggagawa, termino ng kontrata at mga kundisyon sa paggawa; at isinasaad na ang mga ito ay usaping "eksklusibo sa pagitan ng amo at empleyado."

Mismong ang kanilang karanasan ang nagtuturo sa mga migranteng Pilipino na wala silang maaasahang maaliwalas na bukas para sa kanilang mga pamilya sa kasalukuyang reaksyunaryong sistema. Hindi katakatakang patuloy na dumarami ang mga migranteng manggagawang umaanib sa rebolusyonaryong pakikibaka.

Marapat at kinakailangang tuluy-tuloy na pukawin, organisahin at pakilusin ng Partido ang mga migranteng manggagawa sa rebolusyonaryong landas. Gayundin, dapat puspusang imulat ang kanilang mga pamilya hinggil sa kainutilan ng naghaharing sistema na tugunan ang interes ng mamamayan at ipakitang tanging ang rebolusyon ang makapaglalatag ng pundasyon para sa matatag na kabuhayan.

 


Previous articleBack to topNext article

Marso 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Wakasan ang rehimeng US-Estrada!

Ipagtagumpay ang armadong rebolusyon sa ika-21 siglo
- Armando Liwanag

Hinggil sa rebolusyonaryong pagbubuwis
Aksyong pagpaparusa sa mga kumpanya at negosyo, inilunsad ng BHB
Pang-aapi sa mga migranteng manggagawa
Pagkakaisa at pakikibaka ng mga migranteng manggagawa
Krisis sa sistema ng pagbabangko
Ipagdiwang sa Mayo Uno:
Ibayong militansya at paglaban ng uring manggagawa

Rebolusyonaryong pakikibaka sa Negros, patuloy na sumusulong
Pananalanta ng pasistang estado
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.