Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Bangis ng digmang anti-Moro

 Read this article in English

Patuloy na pinipinsala ng mabangis at todo-largang digmang anti-Moro ng rehimeng US-Estrada ang daan-daan libong mamamayan sa Gitna, Timog at Timog-Kanlurang Mindanao.

Sa desperasyong gapiin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayang Moro sa pangunguna ng MILF-BIAF, ibinasura ng gubyernong Estrada ang usapang pangkapayapaan at itinambak ang mahigit 50 batalyon ng pandigmang pwersang militar at pulis sa mga teritoryo ng MILF-BIAF.

Laging kaakibat ng pananalanta ng mga tropang reaksyunaryo ang ibayong pagtindi at walang patumanggang paglabag sa mga karapatang-tao.

Ayon sa mga ulat, mula Enero hanggang unang linggo ng Hunyo, di bababa sa 187 sibilyan na ang namatay, 225 ang nasugatan at lima ang nawawala bunga ng mga operasyong militar. Nitong unang linggo ng Hunyo, mayroon nang naitalang 113,706 pamilya o 598,929 mamamayang napalikas ng sunud-sunod na pambobomba at mararahas na pagsalakay ng mga reaksyunaryong tropa. Hindi pa kabilang dito yaong mga hindi sumukob sa 268 mga evacuation center.

Aabot sa 648 tahanan ang winasak ng tuluy-tuloy na pagsalakay sa mga komunidad gaya ng Balo-i, Lanao del Norte at Balabagan, Lanao del Sur. Karamihan sa mga ito'y sinunog, tinadtad ng bala o winasak ng mga bomba ng AFP, PNP at mga grupong vigilante habang tinutugis ang mga pinaghihinalaang myembro o tagasuporta ng MILF. Sa ilang pagkakataon, isinagawa ito ng militar sa mga komunidad na di-Moro at ibinintang sa MILF upang maghasik ng isteryang anti-Moro.

Patuloy na nadaragdagan ang bilyun-bilyong piso nang halaga ng mga ari-arian, pananim, hayop at kagamitan sa hanapbuhay ng mamamayan na sinasalanta ng walang pakundangang gera ng reaksyunaryong hukbong sandatahan.

Sa mga evacuation center na marumi, masikip at salat sa suplay ng tubig at pagkain, mahigit 80,000, na karamiha'y mga bata, kababaiha't matatanda, ang nangagkasakit ng tigdas, kolera, sakit ng tiyan, sakit sa balat, sipon at ubo. Naagasan naman ang 23 kababaihan.

Bukod sa nabanggit nang mga kaso ng paglabag sa internasyunal na makataong batas, ilegal ang ginagawa ni Estrada na pagblokeyo sa pagkain. Mismong pagkain para sa mga nagsilikas ay kinukumpiska ng mga sundalo sa paratang na ito ay suporta sa MILF. Hinaharang din ng mga tropang militar ang mga manggagawang pangkalusugan at social worker sa mga tsekpoynt, bagay na nakaaantala sa mga relief operation sa mga evacuation center.

Sa kalunsuran, ang pagtatanim at pagpapasabog ng mga bomba ng AFP, PNP at mga kasabwat nila upang ibintang ito sa mga Moro ay nagbubunga ng pinsala at ligalig sa hanay ng ordinaryong mamamayan.

Noong Mayo 28, iligal na inaresto ng PNP, sa pangunguna ng PAOCTF ni Hen. Panfilo Lacson, ang 26 na kalalakihang Moro sa Barangay Maharlika, Bicutan, Taguig at ipinagpilitang sila'y myembro ng MILF at siyang utak ng mga pambobomba.

Nito namang unang linggo ng Hunyo, dalawang migranteng manggagawang Moro ang walangawang pinaslang at pinagnakawan sa Quiapo, Maynila ng mga kagawad ng Western Police District. Dahil sa tindi ng batikos ng mamamayan, hindi na nagawang pagtakpan ng National Bureau of Investigation ang tunay na pangyayari.

 


Previous articleBack to topNext article

06 Mayo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang digmang anti-Moro ng rehimeng US-Estrada!

Bangis ng digmang anti-Moro
Paglulustay ng rekurso sa digmang anti-Moro
Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas
Panayam kay Ka Roger

Todo-todong pagsasakatuparan ng mga imperyalistang dikta sa ekonomya
Gula-gulanit na lambat pangkaligtasan
Sa kilusang manggagawa
Umiigting na mga pakikibakang masa

Lumulubhang pang-aapi at panunupil sa kabataan estudyante
Mensahe ni Ka Roger para kay Jenina Buan
Kautusan para sa pagpapalaya sa bihag ng digma, pinawalambisa ng NDFP
Patuloy na istagnasyon ng ekonomya ng Japan
Balita
Mga pakikibakang masa sa Timog Katagalugan, sumusulong

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.