Ilang matitingkad na kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa Basilan
Brutal na Pagpatay
Pinagbabaril ng mga sundalo ng 32nd IB noong Hulyo 11 nang wala man lamang tanung-tanong sina Pilot Hamajin, 25; ang kanyang kapatid na si Roque, 17; kanilang ina na si Jaang Pulaan, 50; at kanilang ama, pawang taga-Barangay Pipil, Tipo-Tipo, Basilan. Ginawa ito nang makita ng mga tropa ang pamilya malapit sa kanilang sakahan sa Barangay Camamboringan ng parehong bayan. Unang bumagsak si Roque, kasunod ang ina niya. Nang tutulungan sana ng ama ang ina niya, binaril ang ama sa dibdib. Umuwi si Pilot Hamajin para humingi ng saklolo. Ngunit pagbalik niya kasama ang mga kapitbahay, ang bangkay ng ina na lamang ang natagpuan nila. Isinakay pala ang bangkay ng ama at kapatid niya sa helikopter patungong Zamboanga City at iniharap sa midya bilang mga myembro ng Abu Sayyaf na napatay diumano sa labanan.
Tinortyur at sinalbeyds si Nuramum Asunum, 27, taga-Camamboringan. Pauwi siya mula sa ospital ng Lamitan nang patigilin ang kanyang sinasakyang dyip sa tsekpoynt ng 18th IB. Pinababa siya at pinapasok sa detatsment, pinagsusuntok sa tiyan at iba pang bahagi ng katawan. Makaraan ang ilang minuto, narinig na lamang ng ibang pasahero ang putok ng baril. Si Asunum ay pinagsuspetsahang tagasuporta ng AbuSayyaf dahil sa mga dala niyang gamot.
Sinalbeyds si Jasan Linungan, 22, noong Hunyo 10. Sina Linungan, Benjie Dilong, 20, Totong Dilong, 18 at Misar Rizal, 23, ay sakay ng pampasaherong dyip patungong sentro ng Isabela nang nirekisa ito ng mga sundalo at CAFGU sa Malige, Isabela. Inakusahan silang myembro ng Abu Sayyaf. Binaril ng mga sundalo si Linungan, na kaagad niyang ikinamatay. Ang tatlo pa niyang kasama ay iligal na ibinimbin nang isang linggo sa isang detatsment sa Isabela. Ginapos sila, pinaso ng sigarilyo at hiniwa ng kutsilyo ang iba't ibang bahagi ng kanilang katawan.
Pagtortyur, Iligal na pag-aresto at Detensyon
Si Didoy Otong, 26, ay dinampot sa tsekpoynt at tinortyur upang paaminin na siya'y myembro ng Abu Sayyaf. Sinuntok siya sa dibdib, tiyan at tagiliran. Hinubaran siya at sinunog ang kanyang ari gamit ang lighter. Dinala siya sa Seaborne Camp sa Maluso, Basilan at doon pinwersang uminom ng alak (ipinagbabawal ng Islam ang pag-inom ng alak-AB). Nang itapon niya ang iba nito sa semento, pinadilaan sa kanya ang natapon na alak. Noong Hulyo 30, isinakay siya sa trak para dalhin sa Tabiawan Brigade sa Isabela. Habang tumatakbo ang trak, kinulata ang kanyang likod. Kinabukasan, piniringan ang kanyang mata, dinala sa labas ng kampo, muling pinaaamin at binubugbog kapag hindi sumasagot. Sa sobrang pagpapahirap ay apat na beses siyang hinimatay.
Si Abubakar Asahlin, 45, konsehal ng Barangay Sinangkapan, Tuburan, ay piniringan at pilit ding pinaaamin na myembro ng Abu Sayyaf habang sinusuntok, sinasampal, sinisipa at binubugbog. Nilagyan ng sili ang kanyang kili-kili at ari at ipinasok ang huli sa bote. Sinaksakan din ng bote ang kanyang puwit.
Si Gafar Mundi, 19, ay inaresto noong Hulyo 13 habang nagdarasal sa moske. Ibinilad siya sa init ng araw. Ipinipilit ng militar na isa siya sa mga lumusob sa Lamitan. Tuwing tumatanggi, siya ay pinapalo at sinisipa. Siya ay pinahiga, binuhusan ng gasolina at binantaang susunugin. Nakapiring siyang isinakay sa helikopter tungong Zamboanga City. Sa buong byahe, iniuuntog siya sa gilid ng helikopter. Ang siko niya ay hinahampas ng kahoy at ang ulo ay paulit-ulit na pinapalo ng mahabang piraso ng bakal.
Halaw sa Initial Report on the Fact-finding on Human Rights Violations, Relief and Medical Mission, September 9-16, 2001, Basilan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|