Balita
Mga protesta sa anibersaryo ng CARP, inilunsad
Ginunita ang ika-15 anibersaryo ng huwad at inutil na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa pamamagitan ng mga aksyong protesta sa Maynila at iba pang dako ng bansa.
Isang linggong aksyong protesta ang isinagawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa pambansang tanggapan ng Department of Agrarian Reporm (DAR). Iginigiit nila na bumaba na sa poder si Pres. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa laganap na pang-aagaw ng mga lupa at matinding militarisasyon.
Nagkaroon din ng mga kilos protesta sa Iloilo City, Cebu City, Bacolod City, City of San Fernando sa Pampanga at iba pang mga lugar. Noong Hunyo 2, nakipagdayalogo ang mga kasapi ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan (AMB) kay DAR Sec. Roberto Pagdanganan tungkol sa laganap na agawan ng lupa sa kanyang probinsya.
Mga rali laban sa PPA sa Panay at Negros, idinaos
Naglunsad ng mga aksyong protesta sa Panay laban sa power purchased adjustment (PPA) kasabay ng paggunita ng "Araw ng Kalayaan" nitong Hunyo 12.
Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at ng Archdiocese ng Jaro, Iloilo, nagtipon ang 4,000 demonstrador sa Iloilo City. Maliban sa isyu ng PPA, binatikos sa rali ang planong pagbabago sa konstitusyon ng 1987.
Nagdaos ng gayon ding mga aktibidad sa Roxas City, Capiz at Kalibo, Aklan. Sa Bacolod City, nanawagan si Bishop Vicente Navarra na ibasura na ang PPA at Electric Power Industry Reform Act (Epira).
Bagong koalisyon laban sa "chacha," binuo
Bilang tugon sa panawagan ni Vice President Teofisto Guingona, binuo nitong Hunyo 12 ang isang bagong koalisyon ng 36 na organisasyon upang tutulan ang mga pagbabago sa saligang batas ng bansa. Isang manipesto ang kanilang nilagdaan sa Club Filipino na pinamagatang "Preserve, Protect and Promote National Patrimony."
Ilan sa mga organisasyong nakiisa ay ang Council of Philippine Affairs, Plunder Watch, Bayan Muna, Free Trade Alliance, BAYAN, Silent Protest Movement at Bagong Bandila.
RPA nanggahasa, protektado ng gubyerno
Binatikos ng mga militanteng grupo sa Negros ang ibinibigay na proteksyon ng reaksyunaryong gubyerno sa mga elemento ng RPA-ABB na dumukot at nanggahasa sa isang 15 taong gulang na babae.
Ang biktima ay kinidnap ng isang yunit ng RPA sa pamumuno ni Jecky "Maitan" Casiple mula sa kanyang pinagtatrabahuang restawran sa Silay City, Negros Occidental noong Mayo 11. Mula rito ay dinala siya sa isang palaisdaan sa Talisay City na nagsisilbing safehouse at armory ng RPA, kung saan siya pinahirapan at ginahasa.
Mga biktima ng pagsabog sa barko, ginigipit ng POEA
Pinaaatras ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga pamilya ng siyam na seaman na biktima ng pagsabog ng barko ang kanilang demanda laban sa may-ari ng barko. Ang mga seaman ay kabilang sa anim na namatay at limang nasugatan nang sumabog ang boiler room ng barkong Norway noong Mayo 25 habang papadaong ito sa Miami, Florida sa US.
Ayon sa abugado ng mga seaman, binalaan ng POEA ang mga biktima na hindi sila bibigyan ng tulong para sa pagpapalibing kung itutuloy nila ang demanda laban sa Norway.
Mga iskandalo sa simbahan, tinuligsa
Tinamaan nitong mga huling araw ang simbahang Katoliko ng sunud-sunod na iskandalo hinggil sa sexual harassment. Inakusahan ang ilang upisyal ng simbahan ng paggamit sa kanilang nakatataas na pusisyon para pagsamantalahan ang kanilang mga biktima. Kabilang sa mga pinuno ng simbahan na sinentruhan ng kontrobersya ay sina Bishop Teodoro Bacani, Crisostomo Yalung at Teodoro Buhain.
Sa harap ng mga kontrobersyang ito, ihinarap ni Fr. Joe Dizon ng Kairos, isang makamasang samahan ng mga Katoliko, ang mas malalaki pang mga iskandalo at problemang panlipunan na dapat binibigyang-pansin ng simbahan. Kabilang dito ang mataas na gastusin sa edukasyon, mababang sahod at kawalan ng lupa.
Paglikha ng armas nukleyar, ipinagtanggol ng North Korea
Inihayag na ng North Korea na may programa ito sa paglikha ng mga armas nukleyar. Ayon sa pahayag ng gubyerno noong Hunyo 9 ang layunin sa pagkakaroon ng nukleyar na pamigil ng atake ay upang makapagbawas ng mga kumbensyunal na sandata at paliitin ang hukbo. Layunin umano nitong "mailaan ang lakas-tao at mga pondo para sa konstruksyon ng ekonomya at pagpapabuti sa kabuhayan ng mamamayan."
Patuloy na binabatikos ng North Korea ang bantang pananalakay ng US sa bansa. Tinuligsa ng Rodong Shinmun, upisyal na pahayagan ng gubyerno, ang plano ng US na ilipat palayo sa demilitarized zone ang mga tropang Amerikano sa Korean Peninsula at magbigay sa South Korea ng $11 bilyong halaga ng kagamitang pandigma.
Palatandaan umano ito na pinag-iibayo ng US ang paghahanda para salakayin ang North Korea.
Lider oposisyon sa Myanmar, muling ikinulong
Patuloy na nakakulong sa isang kampong militar si Aung San Suu Kyi, nangungunang lider oposisyon sa Myanmar (dating Burma, isang bansa sa Southeast Asia). Si Suu Kyi ay muling dinakip noong Mayo 30 nang guluhin ng mga tagasuporta ng gubyerno ang isang rali ng oposisyon. Pinangangambahang patay na ang iba pang lider oposisyon.
Nanalong presidente si Suu Kyi sa halalan noong 1990 ngunit hindi ito iginalang ng militar ng Myanmar at sa halip ay ipinakulong pa siya.
Pagpapawalambisa sa batas ng Belgium laban sa krimen sa digma, iginigiit ng US
Pinipilit ng US na ibasura ng Belgium ang batas nito na nagpapahintulot na litisin sa bansa ang mga krimen laban sa sangkatauhan saan mang dako ng mundo ito ginawa, sinuman ang gumawa nito. Ito'y sa kabila ng malaki nang pagpapalabnaw dito bilang konsesyon sa US. Batay sa ginawang amyenda noong Abril, maaari nang mailipat ang paglilitis sa sariling bansa ng isang akusado kung mayroong sistemang ligal doon na "maayos na makahaharap sa kaso."
Dahil sa pagpapalabnaw na ito, ang mga isinampang kaso nitong Hunyo 18 laban kina US Pres. George W Bush, UK Prime Minister Tony Blair at mga nangungunang upisyal ng US na sangkot sa pananalakay sa Iraq at Afghanistan ay agad na ipinasa na sa US, kung saan tiyak na mababalewala ang kaso.
Gayunpaman, kahit simboliko na lamang ang kabuluhan ng batas, ikinagagalit pa rin ito ng US dahil daluyan pa rin ito sa paglalantad ng kanilang mga krimen laban sa sangkatauhan. Binalaan ni US Defense Sec. Donald Rumsfeld ang gubyerno ng Belgium na hindi aaprubahan ng US ang pagpopondo ng bagong hedkwarters ng NATO sa Belgium kung hindi maibabasura ng batas.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|