![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Isa na namang pusakal na berdugo ng batas militar na hinusgahan na ng kasaysayan ang ibinangong-puri ni Estrada. Nitong katapusan ng 1999, ginawaran ni Joseph Estrada ng presidential pardon at iniutos ang pagpapalaya kay Norberto Manero, ang lider ng isang kilabot na pwersang paramilitar na naghasik ng terorismo sa timog-silangang Mindanao noong kasagsagan ng batas militar. Sinintensyahan si Manero ng habambuhay na pagkabilanggo kasama ng pitong iba pa noong 1987 sa makahayop na pagpatay kay Fr. Tullio Favali, isang Italyanong pari. Si Favali, na kura paroko ng Kidapawan, North Cotabato, ay pinagbabaril nina Manero noong Abril 11, 1985 sa La Esperanza, Tulunan, North Cotabato. Ipinagyabang nila na pinatay nila si Favali upang magsilbing halimbawa sa mga pari at iba pang taong simbahan na pinararatangan nilang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Si Manero, pati na ang kanyang amang si Norberto Sr. at pitong kapatid na lalaki, ay naging kasapi ng kilabot na Ilaga na namayagpag noong dekada '70 hanggang kalagitnaan ng dekada '80.
Nagsimula ang Ilaga bilang isang grupo ng mga ordinaryong magsasaka na nais magtanggol sa sarili laban sa terorismo ng Black Shirts/Barracuda na itinatag ng mga reaksyunaryong pulitiko at panginoong maylupang Moro noong huling bahagi ng dekada '60. Sinakyan at ginatungan ng mga lider ng Black Shirts/Barracuda ang tensyon sa pagitan ng mga magsasakang Moro at setler na Kristiyano kayat ginamit ang grupo upang maghasik ng terorismo laban sa mga setler. Pagsapit ng batas militar, sistematikong ginamit ng pasistang rehimen ang Ilaga bilang teroristang pwersa laban sa Moro National Liberation Front (MNLF) at Bagong Hukbong Bayan. Alinsunod rito, isinanib ang Ilaga sa Integrated Civilian Home Defense Force o ICHDF . Bahagi ng madugong rekord ni Manero ang pagmasaker noong 1977 sa humigit-kumulang 200 katutubong Singgil, Kalagan (mga tribung Moro), B'laan at Manobo sa hangganan ng Davao del Sur at South Cotabato. Naganap ang masaker pagkatapos ng isang laban sa pagitan ng MNLF at pinagsanib na mga pwersa ng 5th at 7th IB ng Philippine Army at mga Ilaga-ICHDF. Pinaniwalaan ng militar na may kampo ang MNLF sa lugar at baseng masa ng huli ang mga naninirahan doon.Tinipon ni Manero sa isang eskwelahan ang mga sibilyan para magdaos umano ng usapang pangkapayapaan. Karamihan ng mga natipon ay mga bata, matatanda at kababaihan, kabilang ang ilang buntis. Nang paulanan sila ng bala ng mga sundalo at Ilaga, halos sabay-sabay na nangabuwal ang mga biktima na parang mga saging na pinatumba ng malakas na bagyo. Ang karamihan ng mga minasaker ay pinugutan ng ulo at tinanggalan ng tainga na ginawang anting-anting ng mga salarin. Pagkatapos ng masaker na ito pormal na binansagan ng militar si Manero bilang Kumander Bucay, isang kilabot na mamamatay-tao na kinamumuhian ng mamamayan, Moro man o hindi. Samantala, dahil sa kanyang pagiging pusakal na mersenaryo, inupahan na rin si Manero ng mga pulitiko at mga korporasyong multinasyunal upang takutin ang mga magsasakang nais nilang agawan ng lupa. Kasabay ng "Lost Command" na pinamunuan ni Col. Carlos Lademora, ang Ilaga- ICHDF sa ilalim ni Manero ay naging instrumental sa pagpapalayas at paghasik ng terorismo laban sa mga magsasakang inagawan ng lupa ng NDC-Guthrie sa Agusan del Sur at Surigao del Sur at Prosperidad Agricultural Corp. ni Danding Cojuangco sa Agusan del Sur.
Sangkot din ang mga Ilaga sa maraming kaso ng arson, panggagahasa, pananakot at iba pang paglapastangan sa mga karapatang-tao. Sa isang panayam, inamin at ipinagmalaki ni Manero na umaabot sa 500 na ang bilang ng taong kanyang pinatay. Mariing kinundena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagpapalaya kay Manero at iginiit kay Estrada ang pagbawi sa presidential pardon. Binatikos din ito ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Marami ang naniniwalang kahit medyo may edad na si Manero ay maaari pa rin itong makapaminsala sa mamamayan. Hindi maitatatwa ang buktot na hustisyang pinaiiral ni Estrada. Dapat ay pawiin sa alaala, aniya, ang malagim na karanasan sa ilalim ng batas militar. Alinsunod rito ang tangka niyang baligtarin ang katotohanan at parangalan bilang isang bayani si Marcos at ang pagpapawalang-sala niya sa pamilya at mga alipures ng kinamumuhiang diktador. Iniluluklok din niya sa matataas na katungkulan ang mga dating nanilbihan sa batas militar, at binibigyang-pabor ang mga nakinabang sa diktadura. Walang nakapagtataka sa paggawad niya ng pardon sa berdugong si Manero. Samantala, 139 na bilanggong pulitikal ang patuloy na pinagdurusa ni Estrada sa piitan at kakutsaba niya ang pamilyang Marcos sa pagkakait ng indemnipikasyon sa mga direktang biktima ng batas militar. Tunay ngang walang katarungang maaasahan sa ganitong pamahalaan. ![]()
| ||||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|