Arturo Tabara, pusakal na kriminal at kontra-rebolusyonaryo
Si Arturo Tabara, pusakal na kriminal at kontra-rebolusyonaryo, ay nakatakdang arestuhin ng isang espesyal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Setyembre 26 sa Quezon City alinsunod sa kautusan ng espesyal na hukumang bayan. Subalit dahil armado at nanlaban si Tabara, napilitang makipaglaban ang arresting unit ng BHB. Napatay sa engkwentrong ito si Tabara. Napatay din ang kasama niyang si Stephen Ong, na armado at nagtangkang magtanggol kay Tabara.
Ang espesyal na hukumang bayan ay binuo kamakailan upang litisin ang mga kasong kriminal na nakasampa laban kay Tabara, pinuno ng bandido at paramilitar na grupong CAFGU-RPA-ABB. Si Tabara ay ipinadadakip ng espesyal na hukumang bayan upang harapin ang mga kriminal na kasong nakasampa laban sa kanya.
Sadyang napakahaba na ng listahan ng mga kaso ni Tabara laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan, laluna mula nang itiwalag siya sa Partido noong 1992. Kabilang sa mga iniharap laban kay Tabara ay ang pag-uutos ng pagholdap sa isang bangko sa Maninihon, Bayawan City, Negros Oriental noong Mayo 8, 2002 na ikinamatay ng apat na empleyado ng bangko. Ayon sa nakasampang reklamo, mismong si Tabara ang nag-utos sa mga tauhan ng CAFGU-RPA-ABB na isagawa ang panghoholdap na ito.
Noong Agosto 2003, may mga isinampa ring reklamo ng paglabag sa karapatang-tao laban kay Tabara ang mamamayan ng Panay. Nakadokumento ang iba't ibang mga kaso ng pananakot, pangingikil, sapilitang rekrutment sa CAFGU at iligal na pagtotroso. Pinangalanan din sa naturang reklamo ang grupo nina Demetrio Capilastique (Hugo) at Rufino Cadugo (Rocky) ng CAFGU-RPA-ABB, na kapwa mga asset din ng Military Intelligence Group.
Pinangalanan din si Tabara sa mga reklamo ng panggigipit sa mamamayan ng mga tauhan ng CAFGU-RPA-ABB na nagsasagawa ng mga tsekpoynt at mga mapaminsalang operasyong militar sa maraming lugar sa Panay kasama ang Philippine Army. Inirereklamo na ang mga operasyong ito ay tuwirang awtorisado ni Tabara at bahagi ng kasunduan sa pagitan ng gubyernong Arroyo at ng CAFGU-RPA-ABB.
May nakasampa ring mga kaso ng armadong pangingikil laban kay Tabara. Sa mga reklamong nakaharap sa espesyal na hukumang bayan, si Tabara ay nagbigay ng tuwirang kautusan sa CAFGU-RPA-ABB na kumulekta ng hindi bababa sa P1,200 kada buwan sa bawat barangay na saklaw ng kanilang operasyon. Saklaw din ng ganitong kautusan ang paniningil sa bawat byahe ng mga magtotroso sa Panay.
Si Tabara ay inirereklamo ding nagpagamit sa CAFGU-RPA-ABB bilang mga bayarang maton sa mga demolisyon sa Boracay Island, Malay, Aklan laban sa mga maralitang namamahay doon. May reklamo rin laban kay Tabara sa pagpapagamit niya ng kanyang mga armadong tauhan bilang mga bayarang mamamatay-tao at goons sa malalaking pulitiko at negosyante sa Negros at Panay tulad nina Eduardo "Danding" Cojuangco, Gov. George Arnaiz ng Negros Oriental, Nene de la Cruz, dating alkalde ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental, Mayor Santiago Barcelon, Jr. ng Escalante, Negros Occidental at kay Congressman Ignacio Arroyo, bayaw ni Gloria Arroyo.
Ayon sa mga dokumentong hawak ng espesyal na hukumang bayan, pinagamit ni Tabara ang CAFGU-RPA-ABB kay Cojuangco sa paghahasik ng terorismo at panunupil laban sa mga magsasaka sa malalawak na plantasyon ng mangga, cassava at mais sa Negros.
Inirereklamo rin si Tabara na nagbigay awtorisasyon sa kanyang mga tropa na patayin ang 70-taong-gulang na si Pedro Trabajador (Tay Pedring) noong Marso 1, 2002 habang papauwi sa Sityo Tanquinto, Barangay Mabini, Escalante City. Si Trabajador ay myembro ng National Federation of Sugar Workers na aktibong lumalaban sa malawakang pang-aagaw ng kampong Cojuangco sa lupa ng mga magsasaka sa lugar para sa pinalalawak nitong plantasyon ng kamoteng kahoy at mais.
Bukod sa Negros at Panay, iniimbestigahan din ang mga reklamo na binibigyan ng armadong proteksyon ni Tabara ang Red Vigilantes Group, isang sindikato ng iligal na droga, kidnap-for-ransom at iba pang gawaing gangster sa Nueva Ecija.
Nakaharap din sa espesyal na hukumang bayan ang napakaraming reklamo ng mga gawaing kriminal at gangster laban kay Tabara noong siya'y nakapaloob pa sa rebolusyonaryong kilusan. Tampok sa mga ito ang pagnanakaw ng mahigit P15 milyon noong 1990. Ayon sa imbestigasyon, ang perang ito ay nasa pangangalaga ng isang kaibigang tinyente-koronel ng AFP at kasalukuyang nakadeposito sa US.
Nakasampa rin sa espesyal na hukumang bayan ang reklamo ng pagkidnap kay Roger Florete, may-ari at presidente ng Bombo Radyo-Philippines, noong 1989 sa Iloilo City. Ang pagkidnap kay Florete ay isinagawa ni Tabara kasabwat ni Romulo Kintanar. Nagbayad ng P15 milyon si Florete bago siya pinalaya.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|