Pananalanta ng pasistang estado
Marso 15. Pwersahang pinalikas ng mga sundalo ng 1st IB ang hindi kukulangin sa 10 pamilyang Dumagat mula sa kanilang mga tahanan sa Sityo Tayabasan, Barangay San Jose, Antipolo City. Binantaan silang papatayin at susunugin ang mga bahay nila kung sila ay babalik. Binastos din ng mga sundalo ang isang babaeng Dumagat, si Carmelita de la Cruz, nang pilit itong pinaghubad sa harap ng kanyang mga anak.
Marso 1. Pinatay ng mga tropa ng Revolutionary Proletarian Army (RPA) si Pedro Trabajador, 70. Ang RPA ay nagsisilbing armadong goons ni Danding Cojuangco at pwersang paramilitar ng AFP. Si "Tay Pedring" ay pinatay habang pauwi sa Sityo Tanquinto, Barangay Mabini, Escalante City, Negros Occidental. Myembro siya ng National Federation of Sugar Workers na aktibong lumalaban sa malawakang pang-aagaw ng kampong Cojuangco sa lupa ng mga magsasaka sa lugar para sa pinalalawak nitong plantasyon ng kamoteng kahoy at mais.
Samantala, nitong Marso 7 ay arbitraryong pinalayas ng RPA at inalisan ng karapatan si Arden Edem, sa lupang kanyang binubungkal sa Hacienda Pandanon III, Don Salvador Benedicto, Negros Occidental.
Pebrero 15. Walang-awang pinatay ng mga tropa ng berdugong 74th IB si Adriano Custodio, 95 taong gulang, dating myembro ng Hukbalahap at iginagalang na residente ng Barangay Mabini, Mulanay, Quezon. Pinag-initan ng militar ang matanda nang matagpuan sa kanyang bahay ang bangkay ng isang mandirigma ng BHB na inihahandang dalhin sa punerarya. Maraming beses siyang binaril ng mga berdugo, pinagsasaksak at tinaga ng itak sa paa. Matapos ito, ipinarada ng mga pasista ang bangkay ng Pulang mandirigma sa baryo habang pasigaw na nagbababala laban sa pag-aruga sa BHB.
Unang linggo ng Pebrero. Dinemolis sa utos ng mismong City Housing Land Management Office ang bahay ng 465 pamilya sa Sogod, Barangay Apopong, Cebu City. Walang sangkapat ng mga pamilyang pinalayas ang pinaglaanan ng gubyerno ng paglilipatan sa erya ng relokasyon.
Pebrero. Iligal na pinaghahalughog at pinagnakawan ng mga tropa ng 27th IB at 11th Special Forces ang mga bahay sa Butril, Kabuling at Lebua, mga barangay sa Palembang, Sultan Kudarat. Pinagtakpan ni Col. Pedrito Magsino, kumander ng 601st IB ang pang-aabuso ng mga sundalo at nangatwiran pa na bahagi ito ng pagtugis sa mga kidnaper ng isang Koreano at isang negosyante.
Enero 21. Sapilitang pinalayas ng pulisya ang mga residente at winasak ang may 1,000 bahay sa Barangay Central, Dipolog City. Ang Barangay Central, na malapit sa baybayin ng Dipolog, ay balak tayuan ng P65-milyong "proyektong pangkaunlaran" ng World Bank. Inilipat ang mga residente sa isang lugar na iisa ang kasilyas at walang tubig ni kuryente.
Enero 9. Marahas at walang-babalang dinemolis ng mga pulis ang 120 kabahayan ng mahigit 800 residente sa Sta. Cruz, Barangay Puntod, Cagayan de Oro City at iligal na inaresto ang 10 sibilyan. Kabilang sa mga inaresto si Nero Vallar, panrehiyong kagawad ng Bayan Muna at si Danny Bulosan, pinuno ng Nagkahiusang Kabus sa Santa Cruz, isang organisasyon ng maralitang lunsod. Matapos saktan at arestuhin, saka pa lamang sila ginawan ng mandamyento de aresto.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|