Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Sa panahon ng "walang kaparis na kasaganaan" sa US:
Kaapihan at pagkadusta ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano

 Read this article in English

Ang pagdiriwang sa "walang kaparis na kasaganaan" sa US ay isang eksklusibong piging ng bundat na malalaking burgesyang Amerikano. Sapagkat ipinagkakait sa kanila ang likha nilang "kasaganaan", walang dahilan upang ito'y ipagdiwang ng proletaryadong Amerikano. Lalo itong dahilan, sa halip, na sila'y lumaban sa ubod-nang-lupit na pagpiga ng kanilang pawis at walang-hadlang na pagsasamantala sa kanilang lakas-paggawa.

Pagpiga sa uring manggagawang Amerikano

Ipinagmamalaki ng mga propagandista ng imperyalismong US na mula 1992 hanggang 1999 ay tuluytuloy na lumago ang ekonomya ng US. Ito ang pinakamahabang panahon na tuluy-tuloy na lumago ang ekonomya nito.

Ang susi sa "walang kaparis na kasaganaan" na tinatamasa ngayon ng burgesya sa US ay walang iba kundi ang sagad-sagarang pagpiga sa proletaryadong Amerikano.

Ipinagbubunyi ng gubyernong Clinton at ng mga ekonomista sa US na tumaas nang 5.3% noong Abril-Hunyo ang antas ng taunang tantos ng produktibidad�pinakamataas sa nakaraang 17 taon. Ibig sabihin, nakalilikha ng mas malaking halaga, mas maraming produkto ang mga manggagawa sa mas maiksing panahon. Mula ito sa karaniwang 1.4% pagtaas noong 1973-1995 at 2.5% noong 1996-1999. Mabilis na napaiigting ang produksyon sa pamamagitan ng aplikasyon ng mataas na teknolohiya sa produksyon.

Nangunguna pa rin ang US sa paggamit ng mga kompyuter at robot upang pabilisin ang trabaho ng mga manggagawa at pumiga ng mas malaking labis na halaga. Aktibong sinusuportahan ng monopolyo kapitalistang estado ang mga pananaliksik sa larangan ng teknolohiya upang magamit ng mga industriyang pag-aari ng malalaking burgesya.

Kaalinsabay nito, pinakawalan ng estado, sa agos ng neoliberalismo, ang pinakamasasahol na patakarang bumubusabos sa proletaryado na pawang nakatuon sa pagbabansot ng sahod at pagbaklas sa mga pangkasaysayang tagumpay ng uring manggagawa. Walang kahihiyang ipinagmamalaki ng mga ekonomistang burges at gubyernong US na habang tumaas ang produktibidad ng mga manggagawang Amerikano, bumaba naman nang 0.4% ang gastos sa bawat indibidwal na manggagawa� ibig sabihin, habang lumilikha ng papalaking halaga ang mga manggagawang Amerikano, ay tumatanggap naman sila ng papaliit na sahod.

Pang-aapi, kahirapan at malawakang panlipunang di pagkakapantay-pantay

Kung kayat dumaranas ang mga manggagawang Amerikano ng mga kundisyon na, relatibo sa kanilang lipunan at kasaysayan, ay maihahambing sa kalagayan ng mga manggagawang Pilipino sa usapin ng sahod, disempleyo at seguridad sa trabaho at mga panlipunang garantiya.

Ang isang manggagawang sumasahod ng nakatakdang minimum ay nakatatanggap ng $9,512 sa isang taon na halos kalahati lamang sa hangganan ng kahirapan na $17,072/taon ayon sa mga estadistika ng gubyerno. Sa kabuuan ng dekada 1990, bumaba ang tunay na halaga ng sahod ng mga karaniwang manggagawa. Sa kasalukuyan, ito ay malayong mas mababa sa antas ng tunay na halaga ng sahod noong dekada 1970. Bunga nito, mahigit 46 na milyon (halos 20% ng populasyon) ang dumaranas ng absolutong kahirapan.

Ipinagmamalaki ng gubyernong US na pinakamababa sa kasaysayan ang kasalukuyang tantos ng disempleyo. Subalit ang katotohanan ay karamihan ng mga bagong likhang trabaho ay part-time lamang na lalong humihila sa mababa nang sahod. Mayroon ding pagtumal sa produksyong industriyal na nagreresulta sa pagkawala ng trabaho. Mula Marso 1998 hanggang Setyembre 1999, halimbawa, mahigit 530,000 ang nawalan ng trabaho sa sektor ng manupaktura.

Dahil sa mababang sahod at kawalan o kakulangan ng hanapbuhay, lumalaganap ngayon sa US ang mga kundisyon sa buhay na di malayo sa mga kundisyong umiiral sa mga atrasadong bansa katulad ng Pilipinas. Pito hanggang walong milyon ang walang disenteng bahay. Umiiral sa mga sentrong lunsod katulad ng New York, Chicago, Los Angeles at iba pa ang malalaking ghettoes o komunidad ng mga manggagawa at walang hanapbuhay, mga Afro-American, Latino, Asyano at ibang minoryang dumaranas ng sagad-sagarang mahihirap na kundisyon sa buhay.

Sa pag-aaral na isinagawa ng US Department of Agriculture noong 1999, tinatayang 36 na milyong Amerikano ang walang sapat na pagkain. Tinukoy naman ng US Conference of Mayors na noong Disyembre 1999, pinakamataas ang pangangailangan para sa emergency food related assistance (ayudang pagkain) mula 1992 at emergency housing related assistance (ayudang pabahay) mula 1994; at 21% nito ay di natutugunan. Umaasa sa food stamps1 ang 25 milyong mamamayan, na ang 80% ay may mga pamilyang may bata.

Sa kabila nito, tuluy-tuloy na binabawasan ng gubyernong US ang alokasyon ng badyet para sa mga serbisyong panlipunan. Noong 1999, $54 bilyon ang kinaltas ng gubyerno sa inilalaang pensyon para sa mga walang hanapbuhay, serbisyong pangkalusugan at programa sa pagkain. Papalaking bahagi ng responsibilidad na magbigay ng pagkain sa mga nagugutom ay isinasabalikat ng mga pribadong organisasyon. May 44.3 milyon ang walang health insurance bunga ng tuluy-tuloy na pag-aalis ng mga serbisyong katulad ng Medicare.

Lumalala nang lumalala ang polarisasyon ng lipunang Amerikano sa pagitan ng higit na malaking mayoryang naghihirap, pinagsasamantalahan at dumaranas ng papasidhing karukhaan; at ng maliit na minoryang nakikinabang sa "walang kaparis na kasaganaan". Ang sweldong tinatanggap ng mga pinuno ng mga korporasyon sa US ay 419 na ulit na mas malaki sa karaniwang sahod ng isang manggagawa noong 1998.

Ang kinikita ng pinakamayamang 2.7 milyon (1 % ng populasyon) ay katumbas ng kinikita ng pinakanaghihirap na 100 milyon (38%). Pag-aari ng 1% ang 40% ng yaman ng US, samantalang ang nakabababang 80% ay nag-aari lamang ng 16%.

Pasistang panunupil at paglaban ng mga manggagawa at mamamayan

Taliwas sa upisyal na pagtataguyod sa mga karapatang sibil, ginagamit ngayon ng gubyernong US ang pasistang makinarya nito upang supilin ang proletaryado at mamamayang Amerikano. Malupit nitong binubuwag, gamit ang mga pepper-spray, mga rubber bullet at batuta ang mga demonstrasyon at welga na nagpapahayag ng disgusto ng mamamayan at salamin ng malawakang ligalig sa lipunang US.

Sistematikong ginagamit ng US ang mga pulis at korte upang magsampa ng mga gawa-gawang kasong kriminal laban sa mga militanteng aktibista at lider manggagawa. Sa nakaraang mga taon, mas mabilis nang apat na beses na pinalaki ang badyet ng mga korte kumpara sa paglaki ng badyet sa edukasyon; at dalawang beses kumpara sa badyet para sa mga ospital at serbisyong pangkalusugan. Sa buong mundo, ang US ang may pinakamataas na porsyento ng populasyong nakakulong, tanda ng "epektibong" paggamit ng mga korte.

Gayunpaman, hindi mapipigilan ng pasistang panunupil ang paglaban ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano. Noong 1999, sa kabila ng mga atake sa pag-uunyon, tinatayang hindi kukulangin sa 600,000 manggagawa ang nag-organisa ng mga unyon, 25% paglaki kumpara noong 1998, at pinakamalaking paglawak sa nakaraang 20 taon. Ipinapakita nito ang determinasyon ng mga manggagawa na mapagpasyang lumaban para sa mas mataas na sahod, ibalik ang mga binawing benepisyo at pahusayin ang mga kundisyon sa paggawa.

Kabilang ang mga manggagawa sa pinakamalaking bahaging bumuo ng 30,000 mamamayang naglunsad ng mga demonstrasyon laban sa World Trade Organization (WTO) noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 3, 1997 sa Lunsod ng Seattle sa US. Naulit ito noong Abril nang magrali ang ilampung libo laban sa pulong ng International Monetary Fund at World Bank sa Washington, DC sa kabila ng pagaresto sa 1,800 mga aktibista bago at habang inilulunsad ang mga demonstrasyon.

Binabasag ng mga demonstrasyong ito at ng iba pang anyo ng paglaban ng proletaryado at mama- mayan ang ilusyon ng "walang kaparis na kasaganaan" sa lipunang Amerikano. Tiyak na sa mga susunod na taon ay lalo pang sisidhi ang tunggalian ng mga uri sa US. Kinakailangang angkop na masamantala ng mga rebolusyonaryong pwersa ang mga kundisyong ito upang buuin ang partido ng proletaryado na may malawak na ugat sa masang manggagawa at makapamumuno di lamang sa kanilang araw-araw na pakikibakang pang-ekonomya, kundi higit dito, sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo.


(1) Mga kupon o sertipiko na ipinamamahagi sa mga taong tumatanggap ng pensyon bunga ng disempleyo, edad at iba pa. May katumbas itong limitadong halaga na maaaring ipagpalit sa pagkain na bibilhin sa pamilihan.[Back]

 


Previous articleBack to topNext article

Hulyo 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ang pagsidhi ng mga pasistang atake ay tanda ng lalong pagkabulok ng rehimeng US-Estrada

Panukalang "emergency powers" ni Estrada:
Salamin ng lumulubhang krisis sa paghahari ng rehimen

Tumitinding pasismo sa Metro Manila
Pasismo laban sa mga manggagawa ng LRT
Malisyoso ang SOMO ng Hulyo 22
502th Brigade Salot!
Pagdukot at iligal na pagbimbin kina Nomer Kuan at Romeo Sanchez
Programang pabahay ng rehimeng US-Estrada:
Panlilinlang at pandarahas sa mga maralita sa Metro Manila

Katarungan para sa mga biktima ng Payatas!
San Roque Multipurpose Dam Project:
Dambuhalang pahirap sa mamamayan

Mga aral ng pakikibaka sa Hacienda Looc
Ang iskwad-pangkultura ng Timog Katagalugan:
Tagapamandila ng rebolusyonaryong sining

Sa panahon ng "walang kaparis na kasaganaan" sa US:
Kaapihan at pagkadusta ng mga manggagawa at mamamayang Amerikano
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.