Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ipagbunyi ang isang taong mga tagumpay ng armadong pakikibaka

 Read this article in English

Sa darating na Marso 29, ika-35 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, itanghal natin ang mga tagumpay sa pagsusulong ng digmang bayan sa nagdaang taon.

Papadalas ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa buong bansa. Mahusay nitong tinugunan ang panawagan ng ika-11 plenum ng Komite Sentral ng PKP noong katapusan ng 2002 na paigtingin ang armadong pakikibaka.

Simula huling hati ng nakaraang taon, mahigit isang taktikal na opensiba bawat linggo ang inilulunsad ng BHB sa iba't ibang bahagi ng bansa. Nitong mga huling buwan, ibayo pang dumalas at dumadagundong ang mga taktikal na opensiba ng BHB. Bunga ng mga ito, nakasamsam ang BHB ng daan-daang sandata na makapag-aarmas sa ilampung platun ng mga Pulang mandirigma. Nilutas nito, sa isang antas, ang kakulangan sa armas ng BHB at pangangailangang armasan ang libu-libong mamamayang nagnanais sumapi sa BHB.

Isa sa mga tampok na taktikal na opensiba sa nakaraang taon ang pagreyd sa armori ng PICOP sa Bislig, Surigao del Sur noong Marso 21, kung saan halos 100 sari-saring armas ang nasamsam. Nariyan din ang mapangahas na reyd noong Hunyo 26 sa detatsment ng 52nd IB sa Oras, Eastern Samar, kung saan 25 armas ang nakumpiska at 15 pwersa ng kaaway ang napatay.

Susi sa matatagumpay na taktikal na opensibang ito ang mahigpit na pagkakaisa ng mamamayan at ng hukbo. Ang masiglang pagtulong, koordinasyon at aktwal na paglahok ng mamamayan sa iba't ibang aspeto ng mga taktikal na opensiba ang nagbibigay ng di mapasusubaliang bentahe ng BHB kapwa sa mga usaping pangmilitar (kabilang ang paniniktik at lohistika) at pampulitika. Ang lakas ng BHB ay ilang ulit na napalalaki sa pamamagitan ng pakikipagtulungan nito sa mga milisyang bayan, rebolusyonaryong organisasyong masa at iba pang mamamayan.

Nitong nagdaang taon, ipinamalas din ng BHB ang higit na mataas na kaalaman sa taktikang militar at kakayahan sa maniobrang gerilya, mahigpit na pag-kabisa sa tereyn, pagkukumbina ng matataas at mababang uri ng kagamitang militar at pagpapahusay ng gawaing paniktik. Natamo ang ganitong kakayahan sa pamamagitan ng sistematikong paglulunsad ng mga pagsasanay-militar at pagsasakatuparan ng mataas na disiplinang militar.

Dahil dito, hindi lamang natitiyak ang mga matagumpay na taktikal na opensiba, mas ma-husay din nga-yong naisasagawa ng BHB ang mga kontra-atake sa mga depensibang labanan upang biguin ang mga pananalakay ng kaaway.

Sa kabilang banda, hilung-hilo ang reaksyunaryong gubyerno at mga sandatahang pwersa nito sa kabi-kabilang mga armadong pagsalakay ng BHB. Pirming nangangamba at hindi magkandaugaga ang Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Lumalawak ang demoralisasyon sa hanay ng mga karaniwang sundalo at nakabababang upisyal ng AFP at PNP habang lalong nalalantad ang anti-mamamayang gawi, malawak na kabulukan at kriminalidad sa loob ng burukrasyang militar, laluna sa hanay ng matataas na upisyal. Lumalalim pa ito sa harap ng paparaming kabiguan at pinsalang tinatamo ng AFP at PNP sa larangan ng digmaan at ng tumitinding pagkakahiwalay nito sa mamamayan.

Sa pamamagitan din ng sistematikong pagpoproganda at pagmumulat na isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusan, paparami ang bilang ng mga sundalo at pulis na tumitiwalag sa AFP, PNP at CAFGU. Tampok na kaso nito ang isang platun ng CAFGU sa Mindanao na nagsurender ng kanilang mga armas sa BHB. May ilang lumalahok sa Lt. Crispin Tagamolila Movement at tuluyan nang sumasapi sa BHB o nagsisilbing lihim na kontak ng rebolusyonaryong kilusan sa loob ng reaksyunaryong militar at pulis. Nagbibigay sila ng mahahalagang impormasyon, nagpopropaganda sa ibang mga sundalo at pulis o kaya'y kumukuha ng mga armas at iba pang lohistika para sa BHB.

Sa harap ng tuluy-tuloy na pagsulong ng digmang bayan at dumaraming pinsala at kabiguan ng AFP at PNP, lalong lumalala ang desperasyon nito. Bunsod nito, iniuumang ng kaaway ang mga baril at pasistang bangis nito sa mamamayan.

Paparami ang naitatalang malalalang kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Tampok dito ang mga kaso ng pagsalbeyds, iligal na pag-aresto, pagtortyur, panggagahasa, pandarahas sa kababaihan at mga bata, pamamaril, pagboblokeyo at paghihigpit sa malayang pagkilos ng mga tao at marami pang iba.

Ginagamit ng AFP ang taktika ng pagkokonsentra sa tinataya nilang 12 prayoridad na mga larangang gerilya sa hangaring gapiin ang mga rebolusyonaryong pwersa roon at pigilan na lamang ang paglawak at paglakas ng iba pa.

Subalit dahil limitado ang bilang ng mga pwersa nito, napipilitan ang AFP na iwanang nakabukas ang mahigit 100 pang mga larangang gerilya. Sa mga iyon, ang relatibong mas manipis na pwersa ng kaaway ay mas madaling target ng mga taktikal na opensiba ng BHB.

Sa mga larangang gerilya na kinokonsentrahan ng kaaway, ang taktikang "clear-hold-consolidate-develop" at matagalang pagmamantine ng presensya sa lugar sa pamamagitan ng mga RSOT (Reengineered Special Operations Team) ay binibigo ng BHB, katuwang ang mga lokal na sangay ng Partido, mga milisyang bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Ang mapanlinlang na maliliit na "proyektong sibiko" ng kaaway ay inilalantad ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng masikhay na gawaing propaganda at pagpapakilos sa masa.

Kung saan may matagalang maramihang presensya ng kaaway sa lugar, kinakailangang isabalikat nang may higit na pag-iingat at pagiging mapanlikha ang mga gawain sa pag-oorganisa, pagkokonsolida ng Partido, edukasyon, pakikibakang agraryo at iba pang mga kampanyang masa. Sa kabilang panig, nangangahulugan din ito ng mas maraming target para sa mga atake ng BHB.

Inilulunsad ang mga taktikal na opensiba ng BHB kasabay ng paghahanda sa masa at pagtataas ng kanilang militansya upang tutulan at labanan sa iba't ibang paraan ang inaasahang pananalanta ng militar sa mga di armadong mamamayan.

Tungkulin ng BHB na ibayong isulong ang digmang bayan sa darating at mga susunod pang taon. Ang mga rekisito ng maagang subyugto ng estratehikong depensiba ng digmang bayan ay nakukumpleto na sa kalakhan at naririyan na ang mga rekisito para sa pagpasok natin sa gitnang subyugto.

Tiyak na sa dara-ting na taon, tataas ang kakayahan ng BHB na maglunsad ng paparaming mga maipagwawaging taktikal na opensiba habang lahatang-panig na sumusulong ang rebolusyonaryong gawain sa kanayunan. Itinutuon ng BHB ang 90% ng panahon nito sa gawaing pampulitika at 10% sa gawaing militar upang mapanatiling mahigpit ang pagkakaisa ng mamamayan at hukbong bayan at malakas ang batayang pampulitika sa pagsusulong ng gawaing militar.

Lalagpasan ng BHB ang mga nakamit nang tagumpay sa larangan ng armadong pakikibaka. Kung makapaglulunsad ang bawat isang larangang gerilya ng isang taktikal na opensiba bawat tatlong buwan, di kukulangin sa limang taktikal na opensiba laban sa AFP ang mailulunsad bawat linggo. Tinitiyak nito ang target na bilang ng armas na masasamsam sa mga taktikal na opensiba. Nasa katayuan ang BHB na higitan nang ilang ulit ang bilang ng armas na nasamsam ng BHB mula sa AFP at PNP nitong nagdaang taon.

Pinauunlad nito ang pagrerekrut ng mga Pulang mandirigma at ibayong pagpapalawak at konsolidasyon ng organisasyon ng Partido sa loob ng BHB. Kailangang bumuo ng sistematikong plano sa pagrerekrut upang mapasapi sa BHB ang mga aktibista mula sa hanay ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at milisyang bayan sa kanayunan.

Sa pagpapalakas natin ng suporta at rekrutment sa BHB mula sa kalunsuran, binibigyan din natin ng espesyal na diin ang pag-rerekrut ng mga manggagawa at mga kabataang nakapag-aral at pagkukumbina sa kanila at sa nakararaming galing sa uring magsasaka.

Sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga pagsasanay-militar at mga kumperensyang militar sa iba't ibang antas, naitataas ng BHB ang kakayahan nito kapwa sa praktika at teorya ng pagsusulong ng digmang bayan. Sinisistematisa na rin nito ang pagsasanay ng mga upisyal ng hukbong bayan sa buong bansa upang maparami ang mga may kakayahang mamuno sa lumalaking hukbo.

 


 Back to topNext article

21 Marso 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ipagbunyi ang isang taong mga tagumpay ng armadong pakikibaka
Mga larawan ng BHB
Matatagumpay na opensiba ng BHB:
20 armas naagaw sa iba�t ibang opensiba

Rehimeng Arroyo, nagmamatigas sa kaso ng mga POW
Bayan Muna, iba pang progresibong partido, ginigipit
Minimum na 18 edad ng mga Pulang mandirigma, mahigpit na ipinatutupad
Ka Joan: Kakaibang mandirigma
Bakit naninindigan ang Partido sa paggalang at pagkilala sa karapatan sa pagpili sa kasarian ng indibidwal na kasapi ng Partido?
Mga ulat koresponsal:
Umaabante ang rebolusyonaryong kilusan sa Negros

Sa ibayong dagat:
Matinding panghihimasok ng US sa Haiti

Balita:
Serye ng mga welga sa transportasyon, pumutok

Balita:
Maka-US na prime minister ng Spain, inilampaso

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.