|
|
Pinabulaanan ng National Democratic Front (NDF) sa Eastern Visayas ang mga paratang ng AFP na ang Bagong Hukbong Bayan ang nagpasimuno ng mga iniulat na insidente ng karahasan sa rehiyon kaugnay ng katatapos na eleksyon. Sa isang pahayag, mariing itinanggi ni Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng NDF-Eastern Visayas, na ang BHB ang responsable sa pagkakadukot ng dalawang poll watcher sa Motiong, Samar at ng pang-aagaw ng mga balota sa Silvino Lobos, Northern Samar noong Mayo 11. Bagkus, aniya, ang mga elemento ng 8th ID ang naghasik ng lagim at nangharas sa mga botante noong Mayo 10, laluna sa malalayong baryo ng mga bayan ng Matuguinao, Gandara, San Jorge, Motiong, Paranas, Pinabacdao, Basey at Borongan sa isla ng Samar. Sa Tabango, Leyte, ayon kay Salas, 80 pamilya ang pinagbawalan ng militar na bumoto. Ayon kay Fr. Salas, ang kondukta ng nakaraang halalan ay patunay na niloloko lamang at binibiktima ang mamamayan sa mga reaksyunaryong eleksyon. Samantala, pinabulaanan din sa isang ulat koresponsal mula sa rehiyon ang balita na pitong Pulang mandirigma ang namatay sa isang depensiba sa Barangay Palanit, San Isidro, Northern Samar noong umaga ng Mayo 6. Bukod sa ligtas na nakaatras ang lahat ng mga napalabang gerilya ng BHB, nakapagdulot sila ng di pa malamang bilang ng mga kaswalti sa nakaengkwentro nilang mga tropa ng 20th IB.
| ||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|