Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

 Read this article in English

Nagpipista at mas mabilis na nakapagkakamal ng yaman ang mga lokal at dayuhang kapitalista dahil sa masugid na pagpapatupad ng rehimeng US-Estrada sa mga imperyalistang patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Ang mga patakarang ito na ipinapataw ng Asia Pacific Economic Cooperation at ng General Agreements on Tariffs and Trade-World Trade Organization ay naglulugmok sa mamamayang Pilipino sa kasalatan, gutom at kahirapan.

Iskandaloso ang partikular na kaso ng pang-aabuso ng mga kartel sa asukal na nakikipagsabwatan sa Sugar Regulatory Authority sa tuwing may mga pabigla-biglang pagbabago sa pandaigdigang pamilihan. Madalas na sumisingaw ang maanomalyang pamamakyaw ng mga kartel sa asukal.

Lumalakas ang monopolyo sa industriya ng asukal sa buong bansa. Inaamo at kinakanlong ng reaksyunaryong gubyerno ang mga burukrata, negosyante at asenderong siyang kumokontrol sa mga naturang kartel.

Imbes na mamuhunan sa pagpapaunlad ng kanilang sariling tubuhan, pinipili ng mga kumprador-asendero na mag-angkat na lamang ng naproseso nang asukal. Mas malaki ang tubo na nahuhuthot nila sapagkat monopolisado nila ang pamamahagi at pagpepresyo sa inangkat na asukal.

Isang pangkaraniwang kaso na lamang ito: May 2,000 ektaryang tubuhan sa Nasugbu, Batangas na nasayang dahil tinanggihan ng mga asenderong Roxas, Palico at Carmen ang tubo mula sa mga magbubukid. Napwersa ang huli na ibenta ang tubong nawawalan na ng tamis nang mas mura nang 10 beses sa orihinal na halaga. Kayang-kaya ng mga asenderong hindi bumili ng asukal mula sa maliliit na magbubukid dahil sa mas malaki pa nga ang tubong makakamal kapag sila'y nag-angkat. Minsan, binibili rin ng asendero sa napakamurang halaga ang mga bag ng asukal para itinda ang mga ito nang doble-presyo sa susunod na mga taon.

Kamakailan ay pinahintulutan ng rehimeng Estrada ang mga kartel na mag-angkat ng 154,000 metriko tonelada ng asukal na higit nang 242% sa pinahihintulutan ng batas na 45,000 metriko tonelada. Daan-daang libong manggagawang bukid ang nawalan ng trabaho sa Negros at Luzon nang dahil sa pagbaha ng inangkat na asukal, bukod sa nalugi ang maliilit na magtatanim.

Ipinasa rin ng Kongreso ang Agricultural Tariffication Act na nagpapahintulot sa mga dayuhang korporasyon sa agribisnes na makipagsabwatan sa mga lokal na kumprador-asendero sa pagpapalawak ng mga plantasyon. Layunin nito diumano na tulungang maging mas kumpetitibo sa pandaigdigang pamilihan ang maliliit na magtatanim. Ang totoo, ang batas na ito ay lalong nagbigay-puwang sa pangangamkam sa lupa ng huli. Sa gayon, lumalakas ang monopolyong kontrol ng iilang asendero sa industriya ng asukal. Nagaganap ito maging sa mga lupaing ipinamahagi na sa ilalim ng CARP.

Ang malalaking panginoong maylupang sina Yulo, Zobel, Roxas, Dolor at Manzano-Rubio-Lopez ang bumubuo sa kartel na nagtatanim at nagpoproseso ng tubo sa Cavite, Batangas at Laguna. Sadya nilang pinababagsak ang produksyon ng sarili nilang mga pabrika ng asukal dahil sa pagpapalit-gamit nila ng kanilang mga tubuhan sa ibang negosyo gaya ng real estate development, agro-forestry at iba pa. Ang malawakang pagpapalit-gamit ng mga lupang sakahan ay integral sa proyektong Calabarzon. Kadalasan, mismong ang Department of Agrarian Reform ang bumabawi sa mga sertipiko ng pagmamay-ari na iginawad na nito sa mga magsasaka.

Ayon sa pahayag ng National Federation of Sugar Workers, 4% lamang ng lahat ng mga magtatanim ng tubo ang mga asenderong may-ari ng mahigit 50 ektarya. Gayunpaman, kontrolado nila ang 78.6% ng higit sa kalahating milyong ektaryang tubuhan sa buong Pilipinas. Sa Negros pa lamang, 9,000 ektarya na ipinailalim na sa CARP ang marahas na inagaw muli ng mga asendero.

Gayundin, hinahataw ng todo-todong liberalisasyon ang maliliit na lokal na magtatanim ng palay at mais. Ang pagkabulok ng may 300,000 metriko toneladang mais sa Mindanao ay nagpabagsak sa presyo ng naturang produkto sa P4 bawat kilo. Napipilitan ang mga magtatanim ng mais na pumayag sa ganitong presyong takda ng mga komersyante-asendero dahil tumigil na ang National Food Authority sa pagbili ng bigas at mais.

Kulang sa mga gamit pansaka at post-harvest facility gaya ng bilaran ng palay ang karamihan sa mga magbubukid. Isang dahilan din ito ng pagkabulok ng kanilang produkto, na sinasamantala ng mga komersyante para baratin ang mga magsasaka. Bukod rito, nasasapawan ang lokal na butil ng dumadagsang inangkat na palay at mais na pinahintulutang iangkat nang walang taripa o buwis (importation on a dutyfree basis). Masahol pa, bilang kundisyon sa pagpapautang, pinagbabawalan ng World Bank ang gubyerno na magbigay ng subsidyo sa mahihirap na magsasaka. Dahil dito, napipilitan ang mga maralitang magbubukid na umupa ng mga gamit pansaka mula sa mga komersyante-usurero, bagay na lalong naglulubog sa kanila sa kumunoy ng pagkakautang. Samantala, dahil hindi pa rin nalulutas ang suliranin sa pagkabulok ng mga produkto, ginagawa itong dahilan ng gubyerno upang magpanukala ng panibagong pag-aangkat.

Hangga't nananatili ang reaksyunaryong estado na nangangayupapa sa interes ng imperyalistang amo nito at nagtatanggol sa paghaharing pyudal at malapyudal ng uring panginoong maylupa, tiyak na mag-iibayo pa ang pambubusabos sa masang magbubukid.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim
Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.