Balita
Pagpapagamot sa sanggol ng detenidong pulitikal, iginiit
Iginiit noong Hunyo 24 ng Health Action for Human Rights (HAHR) at Gabriela sa AFP at rehimeng Arroyo na kagyat na sagipin ang buhay ni Baby Gabriela Llesis at palayain ang kanyang inang si Zenaida mula sa pagkakapiit nito sa Bukidnon Provincial Rehabilitation Center.
Ipinanganak noong Pebrero 19 na may butas sa kanyang puso at tumor sa atay si Baby Gabriela. Nakaratay siya ngayon kasama ang kanyang ina sa isang ospital sa Cagayan de Oro City at mahigpit na binabantayan ng maraming sundalo.
Nadakip ng militar noong Agosto 5, 2002 si Zenaida Llesis sa isang reyd sa Pangantugan, Bukidnon. Ipiniit at pinagkaitan siya ng atensyong medikal kahit ipinagdadalantao na niya noon si Baby Gabriela. Bunsod ng matinding presyur ng mga interogasyong militar, bumagsak ang kalusugan ni Zenaida at naapektuhan ang sanggol. Ilang araw matapos maipanganak si Baby Gabriela, ipinasok na sa ospital ang mag-inang kapwa may karamdaman.
Pangungurakot ng mag-asawang Arroyo, ibinunyag
Nitong Agosto 18, ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson ang malawakang pangungurakot ng mag-asawang Arroyo. Idinetalye ng mandarambong ding senador ang pagkamkam ng mag-asawa ng malaking halaga mula sa mga iligal na kontribusyon at suhol. Ayon kay Lacson, itinago ng mag-asawa ang mahigit P200 milyon sa Lualhati Foundation at iba-ibang dummy bank accounts. Aniya, ginagamit ni Mike Arroyo ang pangalang �Jose Pidal� upang itago sa isang bank account sa Makati ang mahigit P36 milyon. Tinukoy ni Lacson ang malalapit na kaibigan ng pamilyang Arroyo, gayundin ang kalaguyo ni Mike Arroyo na si Victoria Toh bilang mga �benepisyaryo� ng kinakamkam na yaman.
Dagdag dito, pinangalanan ni Lacson ang mga institusyon at personalidad na nagbuhos ng milyun-milyon sa pondong pangkampanya ni Gloria Arroyo noong 1998. Kabilang dito ang law firm ng Carpio, Villaraza and Cruz kung saan nanggaling hindi lamang ang mga abugado at hukom ng rehimen kundi pati si Simeon Marcelo, kasalukuyang Ombudsman. Nasa listahan din ang isang Franklin Fuentabella na sangkot sa malawakang anomalya sa paggamit ng pondo ng mga mamumuhunan sa Multitel, ang ismagler na si Lucio Co at ang dating kroni ni Estrada na si Mark Jimenez.
Di pagbabayad ng upa sa lupa inilunsad sa Cagayan Valley
Nanawagan ang Pambansang Kapisanan ng mga Magsasaka sa Pilipinas-Cagayan Valley (PKMP-CV) sa mga apektado ng bagyong Harurot na ipaglaban ang karapatang huwag magbayad ng upa sa lupa. Ang mga magsasaka sa Cagayan at Isabela ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala mula sa bagyong Harurot na nanalasa sa Hilagang Luzon at iba pang bahagi ng bansa noong Hulyo.
Ikinasa ang kampanya noong Agosto 5 para igiit sa mga panginoong maylupa at mga nagpapautang na komersyante na huwag maningil ng upa sa lupa at pautang. Alinsunod ito sa mga alituntunin sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa na nagsasaad na kung napinsala ang 20% ng ani, hindi na dapat magbayad ng upa sa lupa sa taong iyon. Kung 50% pataas ang pinsala, dalawang anihang hindi magbabayad ng upa.
Pagmimina at pagtotroso sa Samar, tinututulan
Mariin ang pagtutol ng mamamayan sa pagbalik muli ng mga minahan sa isla ng Samar at sa patuloy na pagkawasak ng kapaligiran dito. Ipinamalas nila ito sa inilunsad na caravan ng mga trak, kotse, dyip at motorsiklo noong Agosto 8 kung saan ilandaang magsasaka at mangingisda, mga kabataan, mga akademiko, kasapi ng non-governmental organizations (NGOs), upisyal ng pamahalaan at lider ng simbahang Katoliko ang nagsisigaw ng �No To Mining, Yes to SINP� (Tutol kami sa pagmimina, payag kami sa SINP-Samar Island National Park). Batay sa konsepto ng SINP, pipigilan ang pagmimina at pagtotroso upang makabawi ang buong Samar sa pagkasaid ng malaking bahagi ng likas na yaman nito at sa ibinungang pagkawasak ng kapaligiran.
Nilibot ng caravan ang tatlong prubinsya bago tumuloy sa Catbalogan, ang kabisera ng Samar. Iginiit ng mga demonstrador kay Presidente Arroyo ang pagpapatigil sa mga operasyon ng mga minahan at ang pagpapabilis sa proklamasyon ng Samar Island National Park.
Abimael Guzman, nagsagawa ng hunger strike
Nagsasagawa ngayon ng hunger strike o pag-aayuno si Abimael Guzman, pangunahing lider ng Sendero Luminoso, isang rebolusyonaryong kilusan sa Peru. Nag-aayuno si Guzman sa kanyang piitan upang tutulan ang muling pagpapataw sa kanya at kanyang asawang si Elena Ipparaguirre ng solitary confinement.
Si Guzman, kasama si Ipparaguirre, ay iligal na dinakip at sinentensyahan ng korteng militar ng habambuhay na pagkabilanggo noong 1992. Nitong Mayo, idineklara ng nakatataas na korte ng Peru na �di-konstitusyonal� ang ginawang paglilitis sa dalawa at iniutos ang muling pagbubukas sa kanilang mga kaso.
Kapangyarihan ng US sa Iraq, lalong naliligalig
Nitong Agosto 19, binomba ng hindi pa nagpapakilalang grupo ang hedkwarters ng United Nations sa Baghdad, Iraq. Labinlimang katao ang agad na napatay habang mahigit 100 ang nasugatan. Kabilang sa napatay si Sergio Vieira de Mello, ang pangunahing kinatawan ng UN sa Iraq. Ang pambobomba ay nagsilbing pinakamalaking dagok sa isinasagawang �rekonstruksyon� ng imperyalismong US sa Iraq.
Bago ito, binomba naman ng mga Iraqi noong Agosto 17 ang tubo ng langis (pipeline) na nagsisilbing pangunahing daluyan ng langis mula sa syudad ng Kirkuk, hilagang Iraq tungong Turkey. Tatlong araw pa lamang ang nakalilipas nang buksan ng US ang mga pipeline. Dumadaloy sa naturang pipeline ang 40% ng kabuuang produksyon ng langis ng Iraq. Malinaw ang intensyong lubusang itigil ang pagdaloy ng langis tungo sa mga repineriya at ibang bansa.
Susi sa pananakop ng US sa Iraq ang langis nito. Habang tumatagal, lalong nahihirapan ang US na kontrolin at pakinabangan ang mayamang rekurso ng langis ng bansa dulot ng malawakan at matinding paglaban ng mamamayan. Umaabot sa abereyds na isang sundalong Amerikano bawat araw ang napapatay ng mga pwersang Iraqi sa tuluy-tuloy na pakikipagsagupaan ng mga ito sa mga pwersa ng US.
Presidente ng Liberia, napatalsik
Sa sulsol ng imperyalismong US, napatalsik noong Agosto 11 ang presidente ng Liberia (isang bansa sa kanlurang Africa) na si Charles Taylor dulot ng malawakang armado at di armadong paglaban sa kanyang rehimen.
Si Taylor ay naging presidente ng Liberia noong 1989 sa pamamagitan ng isang madugong kudeta na suportado ng US. Tampok sa kanyang pasistang paghahari ang tuluy-tuloy na gera sibil na humantong sa madugong labanan sa Monrovia, kabisera ng bansa, nitong Agosto. Agad na nagpadala ng mga pwersang militar ang US sa bansa para matiyak ang pag-atras ni Taylor at maipwesto ang pinakabago nitong tuta sa Liberia.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|