Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Ibayong labanan ang papatinding militarisasyon sa Mindoro at ibang lugar

 Read this article in English

Mariing kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagdukot at pagpatay kina Elaine "Eden" Marcellana at Eddie Gumanoy sa Naujan, Oriental Mindoro habang nag-iimbestiga sa mga kaso ng pang-aabuso ng 204th Bde.

Matingkad nitong inilalarawan ang lantaran at wala pang kasintinding panunupil at pamiminsalang dulot ng napakalupit na militarisasyon sa Mindoro mula nang maupo ang kasalukuyang rehimen. Sina Marcellana at Gumanoy ang ika-31 at ika-32 aktibistang pinatay ng mga tropa ng 204th Bde sa pamumuno ni Col. Jovito Palparan.

Noong 2001, idineklara ng Malakanyang na ang pagwasak sa Bagong Hukbong Bayan sa Mindoro ay isang "pambansang prayoridad" sa programang "counter-insurgency" ng AFP. Todo-todong suporta ang ibinigay ni Macapagal-Arroyo sa mga kampanyang militar dito. Ngunit bigo ang pasistang AFP na durugin ang BHB sa isla dahil sa malalim na suporta ng masa rito at sa kanilang mataas na militansyang isulong ang kanilang mga rebolusyonaryong pakikibaka. Kapuri-puri ang ipinamamalas na katatagan ng mamamayan ng Mindoro na puspusang labanan ang militarisasyon doon.

Sa kabiguang puksain ang BHB, itinututok ngayon ng AFP ang kanilang mga baril sa mamamayan. Lantaran ang paghaharing militar. Walang habas ang paghahasik ng terorismo sa kanayunan. Ang lalong tumitinding militarisasyon at pagmamalupit ng militar sa Mindoro ay pumipinsala sa daan-daang libong mamamayan at yumuyurak sa kanilang interes at mga karapatan. Partikular na tinututukan ng AFP ang mga ligal na organisasyon upang patahimikin ang mga ito sa pursigidong paglalantad sa mga kaso ng pang-aabusong militar.

Walang sinasantong batas o mga alituntunin ang AFP sa desperadong kampanyang panunupil nito lalupa't buung-buo itong sinusuportahan ng Malakanyang. Duguan ang kamay ng berdugong si Palparan at gayundin ng amo niyang si Macapagal-Arroyo nang sabitan siya ng medalya at itaas ang ranggo bilang heneral ng AFP.

Baluktot ang pag-iisip ng mga upisyal militar na kanilang "malilimas ang dagat na nilalanguyan ng isda." Akala nila'y mawawasak nila ang paninindigan ng masa sa pamamagitan ng malawakang pagdedeploy ng mga tropang militar, pagpapataw doon ng batas militar at paghahasik ng takot at terorismo. Ipinakikita ng kasaysayan na habang tumitindi ang militarisasyon, lalong nag-iibayo ang determinasyon ng mamamayan na labanan ito. Lalo rin nitong inililinaw sa mamamayan ang kawastuan, pagkamakatarungan at pangangailangan para sa armadong rebolusyon. Habang dumarami ang biktima ng mga pang-aabusong militar, lalo ring dumarami ang nagnanais sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Ang pagpatay kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy ay palatandaan ng lalong pagtindi ng kampanyang panunupil ng AFP. Sa kabilang panig, pinupukaw naman nito ang mamamayang Pilipino na pag-ibayuhin ang kilusang masa upang labanan at wakasan ang militarisasyon at pasismo sa Mindoro at sa iba pang lugar.

Tuluy-tuloy na pinalalakas at kinokonsolida ang mga organisasyong masa sa kanayunan at itinataas ang militansya ng mamamayan na labanan ang militarisasyon at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan. Sa maraming lugar, mahusay na iniigpawan ng mamamayan ang mga limitasyong bunsod ng malaking presensya ng militar. Nagpapakahusay sila sa mga pamamaraan ng lihim na pagkilos upang ipreserba ang kanilang mga organisasyon, tuluy-tuloy na konsolidahin ang mga ito at patuloy na palawakin at palakasin ang kanilang hanay.

Ang paglakas ng ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran at sa kanayunan ay kailangang-kailangan upang epektibong labanan ang militarisasyon at mga pang-aabusong militar. Kinatatangian ito ng mahigpit na pagtutulungan at koordinasyon sa iba't ibang antas, sa pagitan ng mga lokal na organisasyon sa iba't ibang baryo, sa iba't ibang bayan, sa pagitan ng mga organisasyong masa na nakabase sa kanayunan at nakabase sa kalunsuran at sa pagitan ng mga pambansang sentro at mga lokal na balangay.

Pinatatampok sa buong bansa ang napakaraming kaso ng pang-aabuso sa iba't ibang lugar upang mapakilos ang pinakamalawak na posibleng bilang ng mamamayan laban sa mga ito. Importante ring makipagtulungan sa mga organisasyon sa labas ng bansa upang ilantad sa buong mundo ang mga pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao.

Higit sa lahat, kinakailangang ibayong palakasin ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bansa. Ang pagdalas ng malalaki at maliliit na taktikal na opensiba sa iba't ibang panig ng bansa ay sasagka sa kakayahan ng kaaway na matagalang magkonsentra sa alinmang lugar at magdulot doon ng malaking pinsala at labis na pagmalupitan ang mamamayan.

Responsibilidad ng mga rebolusyonaryong armadong pwersa ang pagpapataw ng nararapat na kaparusahan kay Col. Jovito Palparan at iba pang pusakal na mga pasistang utak sa pagpatay kina Ka Eden, Ka Eddie at maraming iba pa.

Katulad ng ipinakita na sa nakaraan, determinado ang rebolusyonaryong kilusan na bigyang-katuparan ang katarungang isinisigaw ng sambayanang Pilipino laban sa pinakamalulupit na pasistang may mabibigat na krimen sa mamamayan.

 


 Back to topNext article

07 Mayo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ibayong labanan ang papatinding militarisasyon sa Mindoro at ibang lugar
Pagpaslang sa mga aktibista sa Mindoro:
Malawakang galit, sumiklab laban sa 204th Brigade

Davao City, laboratoryo para sa mga pasistang hakbangin
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Tumitindi ang mga paglabag sa mga karapatang-tao

Ika-100 pagdiriwang ng Mayo Uno sa bansa:
Mga hamon sa kilusang manggagawa

Libu-libong manggagawa, dumagsa sa lansangan noong Mayo 1
Naghahanap ng mas maginhawang buhay
Kabulukan ng RPA-ABB, ibayong nabubunyag
Sa Ibayong Dagat:
Bitag

BALITA
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.