Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pilit tinatabunan ng rehimen ang ugat ng pag-aalsa sa Makati

 Read this article in English

Matapos ang isang araw na bigong kudeta, ipinakulong at sinisikap busalan ng rehimeng Arroyo ang lahat ng sangkot na upisyal at tauhan ng AFP. Upang pigilin ang ibayong pagsambulat ng mga isyung ipinahayag ng mga sundalo sa kanilang pag-aalsa, tinatangka ng rehimen na ipatigil ang mga imbestigasyon sa kongreso at senado.

Mahigit isang linggo na ang nakararaan matapos mabigo ang kudeta ngunit nakapataw pa rin ang "state of rebellion" na ginagamit ni Arroyo bilang ligal na batayan upang arestuhin at ikulong ang sinumang sangkot sa nabigong adbenturismo at usigin ang kanyang mga kaaway sa pulitika.

Nitong Agosto 4, sinampahan na ng rehimeng Arroyo ng kasong rebelyon si Sen. Gregorio Honasan, na inaakusahang isa sa mga utak ng bigong kudeta na inilunsad noong Hulyo 27. Si Honasan ang binalak na iluklok na presidente o pinuno ng hunta na bubuuin kapag nagwagi sana ang kudeta. Ang mababaw at mapagpanggap na National Recovery Program (NRP) ni Honasan ang siyang pinanghawakang programa ng grupong Magdalo para sa binalak nilang itayong bagong gubyerno. Bukod sa paggamit ng grupong Magdalo sa NRP ni Honasan, nabunyag din ang serye ng pakikipagpulong ni Honasan sa mga nag-alsang sundalo at ang pagbibigay niya ng ilang suportang lohistikal sa kanila. Walang nagawa kundi magtago si Honasan.

Kasabay nito, puspusan ang mga operasyon ng rehimen laban sa kampong Estrada na nabunyag bilang tagapondo at tagasulsol sa mga nag-alsang upisyal ng AFP. Inaresto si Ramon Cardenas, dating Assistant Executive Secretary, na dinaluyan ng pondo at nagpagamit ng mga bahay at sasakyan sa grupong Magdalo. Isinangkot ng rehimen sina Jinggoy Ejercito at JV Estrada, mga anak ni Estrada, at si Laarni Enriquez, isa sa mga kabit ni Estrada.

Sadyang pinatitingkad ni Arroyo na ginamit lamang ng kanyang mga kaaway sa pulitika ang grupong Magdalo sa pag-asang matatabunan nito ang mga usaping nasa likod ng pag-aalsa. Subalit anumang pagtatakip ng rehimeng Arroyo, hindi maitatatwa ang katotohanan ng mga hinaing ng mga sundalo.

Ang lider ng mga nag-alsang sundalo, si Lt. SG Antonio Trillanes IV, ay malaon nang nagsisikap na ilantad ang kabulukan ng AFP, sa partikular ng Philippine Navy (PN)�ang sangay na kanyang kinabibilangan. Dalawang dokumento ang kanyang isinulat na nagdedetalye kung gaano kasistematiko ang korapsyon dito. Sa unang dokumentong isinulat niya noong 2001, idinetalye ni Trillanes ang siyam na kaso ng korapsyon sa PN mula 1995 hanggang 1999. Sinaklaw nito ang pagkakasangkot ng mga upisyal ng PN sa ismagling sa Mindanao, pagnanakaw ng langis at gasolina mula sa mga barkong nabal at iba't ibang kaso ng pagnanakaw ng pampublikong pondo. Ang ikalawang dokumento na isinulat noong 2002 ay nagdetalye kung papaano nagaganap ang sistematikong korapsyon sa proseso ng pagbili ng mga suplay ng PN. Tinukoy dito bilang pinakabulok na mga yunit ng PN ang Naval Sea Systems Command at Naval Logistics Center. Ang pinagmulan ng kanyang datos ay walang iba kundi ang mga upisyal na rekord noong siya ang namamahala sa mga suplay ng PN at ang mga papeles mula sa mismong mga tagasuplay ng kagamitan sa Philippine Navy.

Bago lumitaw si Trillanes, ibinunyag na ng isa pang upisyal sa Philippine Navy ang grabeng kabulukan dito. Noong Disyembre 2000, inilantad ni Rear Adm. Guillermo Wong ang iregularidad sa pagbili ng mga helmet para sa Philippine Marines na nagkakahalaga ng P3.8 milyon. Masyadong malaki, aniya, ang halagang ibinayad para sa mga helmet na mababa ang kalidad.

Sa halip na harapin nang seryoso ang mga anomalyang inilantad nina Trillanes at Wong, pagbabanta, pagmamaniobra at panunuhol ang naging tugon ng rehimen.

Ilang beses na binantaan ang buhay ni Trillanes mula nang isulat niya ang dalawang dokumento. Si Wong naman ay sinubukang suhulan ng AFP chief of staff noon na si Angelo Reyes sa pamamagitan ng pag-alok sa kanya ng liderato ng AFP Northern Command kapalit ng kanyang pananahimik. Pinili ni Wong na tumiwalag na lamang sa militar.

Samantala, unti-unti nang nabubunyag ang mga anomalyang kinasasangkutan ni Reyes. Nalantad kamakailan ang pagsagpang ng kanyang asawa at mga anak ng malalaking kontrata sa suplay para sa AFP. Isiniwalat din ni Sen. Sergio Osmeña III na hawak niya ang ebidensyang nagdidiin kay Reyes sa di bababa sa walong kaso ng iregularidad sa paggamit ng pondo ng AFP. Sa kabila nito, kapit-tuko si Reyes sa kanyang pusisyon.

Isiniwalat din ng grupong Magdalo na kabilang sa kanilang hanay ang mga inatasan ng nakatataas na kumand nila para isagawa ang pambobomba sa Davao City noong Marso. Una nang nabunyag ang presensya sa Davao ni Victor Corpus, hepe ng Intelligence Service of the AFP, noong bisperas ng pambobomba. Dahil sa pagkakalantad na sa kanya, napilitang magbitiw si Corpus bilang pinuno ng ISAFP.

MAY dahilan ngang matakot ang rehimen sa malawak na pagkadisgusto ng mga nakabababang upisyal at karaniwang kawal ng militar. Iilandaang upisyal at sundalo lamang ang direktang nasangkot sa pag-aalsa subalit kinakatawan nila ang sentimyento ng ilandaang libong upisyal at sundalo sa buong kapuluan. Ang rehimen na mismo ang umamin na bukod sa mahigit 300 upisyal at kawal na nag-alsa sa Makati, may daan-daan pang ibang elemento ng AFP na nag-abandona ng kanilang mga yunit na posibleng kapanalig ng grupong Magdalo. Tiyak na hindi matatapos sa pag-aalsa sa Makati ang aksyong gagawin ng mga agrabyadong kasundaluhan. Tiyak ding sasamantalahin ng mga karibal na paksyon ng naghaharing uri ang nagngangalit na damdamin ng mga sundalo para agawan muli ng kapangyarihan ang paksyong Arroyo.

Isasangkalan ng rehimeng Arroyo ang kudeta at sinasabing bantang kudeta upang magpataw ng mga hakbanging panghihigpit na sa dakong huli'y itutuon laban sa mga ligal na pwersang demokratiko at progresibo. Kailangan itong matamang matyagan at militanteng labanan ng mamamayan.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Agosto 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Samantalahin at patindihin ang hidwaan sa loob ng AFP

Pilit tinatabunan ng rehimen ang ugat ng pag-aalsa sa Makati
SONA 2003, pantasya ni Arroyo
Pananalanta ng pasistang estado:
Mga tala ng paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng US-Arroyo

Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay sa paglalansag ng mga CAFGU sa Cordillera

Mga Ulat Koresponsal:
Produksyon at pangangalakal ng marijuana sa Cordillera, gawain ng militar at CPLA

Matatagumpay na opensiba ng BHB
Balita:
PKP, nagpugay kay Chairman Salamat Hashim

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.