Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Labanan ang dagdag na pasanin sa mamamayan

 Read this article in English

Marapat at labis na kinakailangang paigtingin ng sambayanang Pilipino ang kanilang militanteng pakikibaka upang labanan ang plano ng rehimeng US-Arroyo na pagpapataw ng mga karagdagang pasanin sa mamamayan. Ito ang tangi nilang sandata upang labanan ang walang habas na mga atake ng reaksyunaryong estado laban sa kanilang kabuhayan.

Ang kasalukuyang pagsidhi ng krisis sa ekonomya at pananalapi ng estado ay patunay ng patuloy na pagkabulok ng sistemang malakolonyal at malapyudal. Walang habas na dinadambong ng malalaking dayuhang kapitalista ang yaman ng bansa. Bunsod nito, ang ekonomya ng bansa ay atrasado, agraryo at di industriyalisado. Permanente itong nakalugmok sa krisis.

Dahil walang lokal na produksyong nakatatayo sa sarili, permanenteng tagibang ang dayuhang kalakalan. Walang awat na hinuhuthot ng mga dayuhang malaking kapitalista ang kanilang tubo at walang tigil ang burukratang kapitalistang pagnanakaw sa kabang-bayan. Palagiang umiiral ang suliranin ng pananalapi ng estado at ng lokal na ekonomya. Pana-panahon itong sumasambulat tuwing hindi sumasapat ang panawid-pondong nagmumula sa mga pautang ng mga imperyalistang bangko at mga institusyong pampinansya.

Ang kasalukuyang tampok na problema ng masidhing kakulangan sa pondo ng estado ay karugtong ng krisis pampinansyang sumakal sa ekonomya ng Pilipinas noong 1997. Sa halip na iwasto ang mga patakaran ng liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan na nagresulta sa krisis ng 1997, ang mga ito ay ipinagpatuloy at lalo pang pinasaklaw ng rehimeng Arroyo.

Ang nakaambang pagsambulat ng krisis ng pananalapi ng naghaharing estado ay tuwirang resulta ng mga sumusunod na pangunahing salik:

  • (a) ang walang kontrol na pagbabayad sa mga maanomalya at di pinakinabangang mga utang panlabas. Aabot na sa mahigit 60% ng badyet ng reaksyunaryong gubyerno ang nakalaan para rito;

  • (b) ang patakaran na ilibre sa buwis ang mga dayuhang mamumuhunan at ibigay sa kanila ang kalayaang iuwi ang kahit 100% ng kanilang tubo at ipinuhunan;

  • (k) ang pagkalugmok ng lokal na produksyon, sa partikular, ng lokal na manupaktura;

  • (d) ang palalang korapsyon, laluna ng mga burukratang kapitalista, na nakikipagsabwatan sa malalaking negosyante upang makalusot sa pagbabayad ng karampatang buwis.

Ang mamamayang Pilipino ang pangunahing nagdurusa sa labis na kakulangan sa pananalapi ng estado. Habang tinitiyak ng naghaharing estado na makapaglaan ng pondong pambayad sa mga maanomalya at walang kapakinabangang utang panlabas, patuloy namang nangangabulok ang mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon, maging ang iba pang kinakailangang imprastruktura, dahil sa labis na kakulangan sa pondo.

Mga huwad na solusyon ni Arroyo

Ang pag-iingay at pananakot ng rehimeng Arroyo at mga burgis na ekonomista tungkol sa posibleng pagsambulat ng "fiscal crisis" sa darating na dalawa hanggang tatlong taon ay pawang pagkukundisyon sa opinyong publiko para lunukin ang mga lasong inirereseta ng imperyalismo sa Pilipinas.

Desperado ang rehimeng Arroyo na ipataw ang mga karagdagang buwis sa mamamayang Pilipino upang makapagpalitaw ng mahigit P80 bilyong dagdag na pondo para sa gubyerno. Pilit na pilit ang paglalarawan nito ng "diwa ng bayanihan" para ipatanggap sa mamamayang baon na sa kahirapan ang mga karagdagan pang pasaning buwis.

Ang lahat ng hakbanging ito ay hindi makalulutas sa krisis sa pananalapi ng estado. Makapagpalitaw man ito ng karagdagang kita�kapalit ng labis na pagpapahirap sa mamamayan�hindi nito lulutasin ang mga tunay na dahilan sa likod ng pasidhi nang pasidhing suliranin sa pananalapi.

Wala sa katayuan si Gloria Arroyo na bigyang-solusyon ang suliranin sa pananalapi ng estado. Ito'y sa sumusunod na mga kadahilanan: Una, si Arroyo ay tapat na disipulo ng imperyalismo. Hindi siya kailanman magsasagawa ng hakbanging taliwas sa mga patakarang ipinapataw ng imperyalismo sa Pilipinas. Ikalawa, ang gubyerno ni Arroyo ay gubyerno ng walang kabusugang mga magnanakaw. Sa kabila ng pag-iingay ni Arroyo na aalisin na ang "pork barrel" ng mga kongresman, hindi naman ginagalaw ni Arroyo ang P1 bilyon badyet sa "intelligence" at special discretionary fund ng kanyang upisina. Laganap ang pagdududa ng mamamayan maging sa tinatawag na "bayanihan fund" na nilikom mula sa boluntaryong kontribusyon ng mga pulitiko at malalaking negosyante.

Kung mayroon mang idudulot ang mga hakbangin ni Arroyo, ito'y dagdag na pahirap sa mamamayan�mga karagdagang buwis at kaakibat nitong pagtataas sa presyo ng kuryente, tubig at iba pang mga serbisyo at bilihin. Maging ang sinasabing "pagtitipid" ay sa mamamayan pangunahing ipinapapasan sa anyo ng balak na pagbabawas sa badyet sa mga serbisyong pangkalusugan at edukasyon. Samantala, habang nananawagan ng pagtitipid, buong kapal naman ng mukha na ipinagpapatuloy ni Arroyo at ng mga tauhan niya ang magarbong estilo ng pamumuhay�mga sunud-sunod na byahe sa labas ng bansa, paggamit ng mamahalin at magastos na sasakyan at iba pa.

Paigtingin ang sama-samang paglaban ng mamamayan

Kailangang maglunsad ng maiigting na pakikibaka ang mamamayang Pilipino upang salagin ang mga atake ng rehimeng Arroyo sa kanilang kabuhayan. Tanging sa pamamagitan ng sama-samang paglaban mapipigilan ang lalo pang pagdausdos ng kabuhayan ng mamamayan.

Sa kasalukuyang kalagayan, tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na mamuno sa mga pakikibakang bayan laban sa pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo, singil sa kuryente at tubig at sa mga serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon. Ang pakikibaka para sa karagdagang sahod para sa mga manggagawa at kawani ay labis na kinakailangang isulong at paigtingin sa buong bansa.

Kailangang tipunin ng mga rebolusyonaryong pwersa sa iba't ibang paraan ang napakalawak na galit ng mamamayan at iluwal ito sa malalawak na demonstrasyon sa lansangan. Sa harap ng pagmamatigas ng rehimeng Arroyo, tanging ang malalawak na demonstrasyon ng ilampung libong mamamayan ang makapipigil sa pagpapataw ng dagdag pang mga pahirap sa mamamayan.

Ang pagsidhi ng krisis sa ekonomya ay naglalantad sa kabulukan ng kasalukuyang naghaharing sistema. Napakalinaw nitong ipinakikita ang pangangailangang wakasan ito upang mabigyang-daan ang pagtatayo ng isang bago, masigla at maunlad na rebolusyonaryong kaayusan.

Tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na ilinaw sa mamamayan na tanging ang rebolusyonaryong pagbabago ng lipunang Pilipino ang makapaghahatid ng permanenteng solusyon sa palagiang krisis na kinasasadlakan ng sambayanang Pilipino.

 


 Back to topNext article

07 Setyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang dagdag na pasanin sa mamamayan
Agresibong palawakin ang kilusang manggagawa!
Labanan ang AJ, ituloy ang welga
Pag-ugat ng Partido sa kilusang manggagawa
Kalagayan ng karapatang-tao sa bansa
Pananalanta Ng Pasistang Estado
Lumalalang panggigipit sa midya
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.