Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga balita sa pakikibaka

 Read this article in English

4 NA CAFGU SUGATAN SA AMBUS SA SURIGAO

Apat na elemento ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang sugatan nang tambangan sila ng mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pagitan ng Km. 61 at 62 sa Tago, Surigao del Sur nitong Nobyembre 25. Ang mga CAFGU ay bahagi ng convoy ng mga armadong escort ng Surigao Development Corporation, isang kumpanya sa pagtotroso. Ligtas na umatras ang BHB pagkatapos ng 10-minutong labanan.

PUSAKAL NA MANINIKTIK, PINARUSAHAN SA ISABELA

Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Benito Tesorio Front (BTF) ng Isabela ang pusakal na maniniktik na si Jose 'Bianong' Portuges sa Barangay Narra, Echague, Isabela noong Nobyembre 6. Ayon sa ulat koresponsal mula sa BTF, ang pagpaparusa ay alinsunod sa hatol ng hukumang bayan sa maraming napatunayang kasalanan ni Portuges sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Ilan sa mga ito ang pagpapakubkob sa yunit ng BHB noong 1975 sa Barangay Villa Rey, Echague na ikinamatay ng dalawang kasama na sina William Begg Jr. (Ka Benjie) at Ka Emy; pagpapakubkob sa isang sandatahang yunit pampropaganda noong 1985 sa Villa Rey, Echague na nagresulta sa labanan. Nakaatras ang BHB subalit binalingan ng militar ang tatlong magsasaka. Isa ang namatay at dalawa ang sugatan; pagpapakubkob sa pinagbabasehan ng isang yunit ng BHB noong ika-30 ng Hunyo; pagnanakaw ng kalabaw sa iba t ibang barangay ng Echague; at paggiya sa mga operasyong inilulunsad ng AFP.

Pinuri ng mga mamamayan sa lugar ang matagumpay na pagpaparusa kay Portuges.

MGA AKSYONG PAGPAPARUSA, INILUNSAD

Apat na aksyong pagpaparusa ang inilunsad ng BHB sa Nueva Ecija, Batangas, Leyte at Sorsogon ngayong Nobyembre.

Sa Nueva Ecija, sinilaban ng BHB ang dalawang pampasaherong bus ng Autobus at isang bus ng Victory Liner sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Puncan, Carranglan. Ang dalawang Autobus, na pagmamay-ari nina Irene at Gregorio Araneta III, anak at manugang ng yumaong diktador na si Marcos, ay patungong Maynila. Kasalubong nito ang bus ng Victory Liner na patungong Isabela, nang kapwa harangin ng mga Pulang mandirigma upang parusahan sa di nito pagbayad ng karampatang rebolusyonaryong buwis.

Bago nito, pinarusahan ng BHB ang hepe ng pulisya ng Nampicuan, Nueva Ecija nitong Nobyembre 27. Si P/Sr. Insp. Romeo Pillonar ay isa sa mga responsable sa pagpatay sa walong kasama sa Barangay Palestina, San Jose City noong 1995. Apat sa mga kasamahan ni Pillonar ay naparusahan na rin ng BHB.

Sa Batangas, pinarusahan ng mga mandirigma ng BHB ang JAC Liner sa pamamagitan ng pagsunog sa isang airconditioned na bus ng kumpanya nitong Nobyembre 23 sa bayan ng Sto. Tomas. Ang pagpaparusa ay isinagawa dahil sa patuloy na hindi pagtalima ng JAC Liner sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa pagbubuwis. May isa na ring bus ng kumpanya ang sinunog ng BHB noong Pebrero 1999.

Sa Leyte, hinarang at sinunog ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Mt. Amadewin Command (North Leyte Front) ang isang sasakyan ng Philippine National Oil Company (PNOC) sa Sityo Km. 14, Barangay Masarayao, Kananga nitong Nobyembre 21. Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng BHB na pinarusahan ang PNOC dahil sa pagsupil ng kumpanya sa karapatan ng mga manggagawa nito. Nagbabala rin ang BHB laban sa dalawang upisyal ng PNOC na responsable sa marahas na pagbuwag ng welga ng mga manggagawa ng Leyte A Geothermal Project noong Oktubre. Ang Leyte A Geothermal Project ay nasa pangangasiwa ng PNOC.

Sa Sorsogon, si Maximo Fonteverde, isang elemento ng CAFGU na aktibong nangangalap para sa militar ng impormasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan, ang pinarusahan ng BHB nitong Nobyembre 27 sa Barangay Mapaso, Irosin.

PANGANGAMKAM NI COJUANGCO NG LUPA SA ISABELA, KINUNDENA

Kinundena ng Benito Tesorio Front (BTF) ng Isabela ang pangangamkam ng San Miguel Corporation (SMC) sa 100,000-ektaryang lupain na sumasaklaw ng limang bayan sa hilagang-kanluran ng lalawigan. Ang SMC ay pag-aari ni Eduardo 'Danding' Cojuangco Jr., ang pinakamalaking kroni ni Estrada. Ayon sa BTF, maraming magsasaka sa mga bayan ng Mallig, Quezon, Delfin Albano, Sto. Tomas at Sta. Maria ang kasalukuyang inaagawan ng lupa ng SMC, kakutsaba ang Department of Agrarian Reform (DAR), upang bigyang-daan ang itatayo ng SMC na plantasyon ng arina ng kamoteng kahoy (cassava flour). Magtatayo rin ng planta ng arina sa bayan ng Quezon.

Gayundin, binatikos ng BTF ang sapilitang pagbubuo muli ng CAFGU sa bayan ng Jones, Isabela. Ayon sa BTF, mayorya ng mga kapitan ng barangay sa Jones ang tumutol noong Setyembre sa pakana ng 5th ID at ng alkalde ng bayan na si Jesus Sebastian. Subalit nanaig sila nang takutin nila ang mga kapitan ng barangay at ipaulit ang botohan. Anang BTF: "Malinaw sa mga mamamayan na kakasangkapanin lamang muli ng AFP ang CAFGU sa programang 'kontra-insurhensya' nito, na dili iba't kampanya ng terorismo laban sa mamamayan na nakatuon sa pagsupil sa kanilang mga demokratikong karapatan, pagsira sa kanilang kabuhayan, tahanan at ari-arian at pagkitil sa kanilang buhay".

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Patatagin at ibayong palawakin ang pagkakaisa ng mamamayan upang ibagsak ang rehimeng US-Estrada!

Malawakan at mapangahas na mga aksyong protesta, inilunsad
Estrada at kanyang mga kasapakat:
Target ng mga espesyal na operasyon ng BHB

Ang payola sa hweteng at iba pang anomalya:
Krimen at korupsyon sa mismong ulo ng estadong neokolonyal

Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Sigaw ng mga manggagawa ng pampublikong sektor:
Itaguyod ang mga karapatan at kagalingan ng mga kawani ng gubyerno!

Halalan sa pagkapangulo ng United States:
Walang magbabago sa imperyalismong US

Hamon tungo sa ganap na reunipikasyon:
Pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka sa Korea

Mga balita sa pakikibaka
Mga karagdagang balita mula sa larangan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.