Sistema ng edukasyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo
Sa tatlong taong panunungkulan ni Gloria Arroyo, hindi nito ginawang prayoridad ang edukasyon ng kabataan. Sa halip na balikatin ng gubyerno ang responsilidad ng pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon, nasa programa nito ang sistematikong pagpapabaya sa edukasyon. Naaayon ang kapabayaang ito sa dikta ng IMF at World Bank na talikuran ng rehimen ang mga serbisyong panlipunan upang mailaan ang badyet ng gubyerno sa pagbabayad ng utang.
Sa itinakdang pambansang badyet para sa kasalukuyang taon, P130 bilyon lamang ang inilaan sa edukasyon kumpara sa pambayad-utang ng bansa na P541 bilyon. Kulang na kulang ang halagang ito para sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Dahil dito, dinaranas pa rin ng mga estudyante at guro sa mga pampublikong eskwelahan ang kakulangan sa mga pasilidad, kagamitan at tauhan. Ayon mismo sa Department of Education, ngayong pasukan ay kulang nang 39,383 silid-aralan; 4,125,413 mesa; 9.88 milyong libro at 49,212 guro. May abereyds pa ring 60 estudyante para sa bawat isang guro. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng gubyerno mismo sa hanay ng 400,000 guro, 55% ng mga eskwelahan ang walang kuryente, 84% ang walang suplay ng tubig at 38% ang walang palikuran. Ayon sa 25% ng mga sinarbey na guro, walang kisame ang kanilang mga silid-aralan. Dahil na rin sa kakulangan sa mga guro, karamihan sa kanila ay nagtuturo ng mga subject na hindi nila pinagsanayan. Dahil taun-taon ay lumalaki ang bilang ng mga dapat mag-aral, lalong lumalala ang kakulangan sa mga nabanggit.
Katulad ng mga pribadong eskwelahan, tumataas ang matrikula at iba pang bayarin sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Nakagawian na ang hindi pag-uulat ng mga pagtaas na ito sa Commission on Higher Education (CHED). Isinasangkalan ng mga administrador ng eskwelahan ang pang-eengganyo ng gubyerno na itaas ang mga bayarin sa mga serbisyong dapat ay libre. At sa katunayan, bukod sa pagtataas ng mga bayarin, ineengganyo ng gubyerno ang komersyalisasyon ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbebenta ng ari-arian ng mga eskwelahan (tulad ng lupa) at ng pakikipagsosyo sa mga pribadong negosyo. Isang halimbawa ng gayong sosyohan ang isang pamantasan sa Northern Luzon kung saan kabilang sa administrasyon ang burges-kumprador na si Lucio Tan.
Hindi pinigilan ng rehimen ang taunang pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga pribadong eskwelahan. Ngayong pasukan, batay pa lamang sa mga nakapag-ulat sa CHED, umabot na sa 214 ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad na nagtaas ng matrikula nang 11.39% o P313.24 bawat yunit. Mapanlinlang ang sinasabi ng CHED na ang 214 ay 16% lamang ng kabuuang bilang ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa.
Ang totoo, wala pang ulat ang marami eskwelahan na nagtaas din ng matrikula, kabilang ang mga nasa Ilocos Region, CAR, Central Luzon, Southern Tagalog at Bicol. Hindi binabanggit ng CHED ang mas marami pang eskwelahang nagtaas ng miscellaneous fees sa halip na tuition fee.
Sa napakaraming eskwelahan, kung anu-anong hokus-pokus ang ginagawa upang mabuo ang hanayan ng samutsaring mga bayarin. Hindi ipinapaliwanag sa mga estudyante ang magkakapareho mga bayarin. Halimbawa ng mga ito ang sports fee, athletic fee at UAAP fee; at energy fee, power rate charge at aircon fee. Katawa-tawa rin ang iba pang mga bayaring tulad ng development fee, parking fee, copier fee, late enrolment fee at iba.
Sa maraming kaso, kung pagsasama-samahin ay mas malaki pa ang itinataas ng samutsaring bayarin kaysa matrikula. Hindi inoobligang iulat sa CHED ang pagtataas ng singil sa mga ito.
Makapasok man sa eskwelahan ang mga bata at kabataan, pinahihirapan sila ng kawalang kakayahan ng kanilang mga pamilya na mapunan ang pangangailangn sa transportasyon, pagkain sa eskwela at mga kagamitan. Hindi pa rin ibinibigay ng rehimen ang ilang taon nang iginigiit na P125 (P155 na ngayon) dagdag na sahod ng mga manggagawa at P3,000 dagdag sa sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Ang papaliit na tunay na halaga ng sahod at sweldo, kasabay ng pagsirit ng presyo ng langis, kuryente at iba pang pangangailangan, ay lalo lamang nagkakait sa kabataan ng karapatang makapag-aral.
Ayon sa isang ulat, 1.7 milyon ng mga batang edad 7-12 ang hindi nag-aaral. Mula naman sa walong milyong kabataang dapat ay nasa kolehiyo, 2.3 milyon lamang ang aktwal na nakakapag-aral. Ayon naman sa isang pag-aaral ng Ateneo de Manila University, sa bawat 100 mag-aaral, 66 lamang ang nakapagtatapos ng elementarya, 42 ng hayskul at 14 lamang ang nakapagtatapos ng kolehiyo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|