Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga aral at tagumpay sa pagbubuo ng mga balangay ng Kabataang Makabayan

 Read this article in English

Isa sa mga tampok na tagumpay sa pagsisikap ng Partido na palakasin ang Kabataang Makabayan at ibayong pasiglahin ang rebolusyonaryong kilusang lihim sa hanay ng mga kabataan sa kalunsuran ang pagkakabuo at pagpapalakas ng mga balangay nito sa Metro Manila. Malaki ang kabuluhan nito laluna sa harap ng malupit na pagpapahirap ng rehimeng US-Arroyo sa mga kabataan at sa pangangailangang puspusan itong labanan.

Mula 2003 ay nagpunyagi ang Partido sa ibayong pagsisinsin ng gawaing pag-oorganisa sa hanay ng kabataan at paglalatag ng organisasyon sa mga paaralan at kalapit na mga komunidad. Pagwawasto ito sa nakaraang tahasang pagbitaw sa tungkuling buuin ang mga organisasyong lihim sa hanay ng kabataan. Lumiit ang balon ng mga aktibistang maaaring marekrut sa Partido o makatuwang nito sa paggampan ng mga rebolusyonaryong gawain.

Puspusang nagbalik-aral ang mga kadre ng Partido na nangangasiwa sa sektor ng kabataan sa mga nakaraang paglalagom sa rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante. Muli nilang pinag-aralan ang "Mahigpit Nating mga Tungkulin" at humalaw ng mga aral sa karanasan ng Partido sa pag-oorganisa ng mga manggagawa. Mula rito ay nagbalangkas sila ng isang gabay para sa hakbang-hakbang na pag-oorganisa ng KM sa hanay ng mga estudyante at kabataan sa komunidad.

Ang pagkakabuo ng KM-AB

Ang Balangay Andres Bonifacio ng KM (KM-AB) ay kasalukuyang binubuo ng ilandaang kasapi. Saklaw nito ang dalawang balangay sa antas kolehiyo at dalawa sa komunidad. Kumikilos ito sa isang pampublikong unibersidad at ilampung komunidad ng maralitang lunsod.

Naabot ng KM-AB ang mga tagumpay na ito sa loob ng dalawang taon ng pagkilos. Sa pangkalahatan, salik sa naturang mga tagumpay ang sumusunod: 1) mahigpit na pagkakaisa sa pangangailangan, oryentasyon at mga tungkulin ng balangay ng KM; 2) kolektibong pagsubaybay at masusing pagtatasa sa hakbang-hakbang na pagtatayo at pagpapagana ng mga balangay; at 3) puspusan at malikhaing pagpapatupad ng mga gawain at tungkulin sa bawat antas.

Muling pinagtuunan ng pansin ang pagbubuo ng balangay ng KM sa unibersidad noong Abril 2003 mula sa lambat ng mga lihim na selula na siyang binuo doon matapos iwanan ang pag-oorganisa ng KM noong 1997. Matapos ang ilang buwan, naitayo ang dalawang balangay sa antas kolehiyo. Nagtasa, nag-aral, naghalal ng mga upisyal at nagplano ang mga ito. Sa sumunod na mga buwan, kumalat na parang apoy ang diwa ng organisasyon at naitayo ang dagdag na lima pang balangay sa iba pang mga kolehiyo at kalapit na komunidad. Nakatulong din ang mga kasapi ng KM sa pagtatayo ng mga balangay ng MAKIBAKA, rebolusyonaryong organisasyon ng kababaihan, at KASAMA (Katipunan ng mga Samahang Manggagawa).

Tuluy-tuloy na ipinatupad ang mga tungkulin sa edukasyon at kolektibong hinarap at nilutas ang mga lumitaw na usapin at mga suliranin. Sa loob lamang ng ilang buwan, may ilan nang kasapi nito ang nagpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Susundan ito ng maraming iba pa sa mga susunod na panahon.

Nagtasa at nagbuo ito ng mga resolusyon matapos ang isang taon. Kabilang sa mga resolusyon ang pagkakaisa sa mga termino (pagtawag ng mga grupong pang-organisa ng KM tungo sa Kolektiba ng KM [KKM] alinsunod sa "Mahigpit nating Tungkulin"), pagbubuo ng mga KKM bilang rebolusyonaryong bag-as sa mga hayag na organisasyong masa, pagbubuo ng mga balangay sa bawat kolehiyo at pag-aayos ng pakat ng mga kasapi nito at pagsasaayos ng mga gawain sa maralitang komunidad kasabay ng pagpapatupad ng mga gawain sa loob ng unibersidad. Sa loob lamang ng unang anim na buwan ng 2004, nalampasan na nito ang inabot na tantos ng paglawak sa buong 2003.

Bilang isa sa mga balangay na nakapag-organisa sa komunidad, masusing pinag-aralan ang mga pamamaraan at estilo ng gawain dito. Itinayo nito ang mga hayag na organisasyong masa, naglunsad ng mga pakikibakang masa at aksyong protesta at nasaksihan nito ang mabilis na paglawak ng organisasyon. Nitong Nobyembre 2004, ipinagdiwang ng KM-AB ang pagtatayo ng isa pang balangay sa isang mayor na komunidad sa saklaw nito.

KM sa komunidad

Isa pang balangay ng KM na nakabase rin sa unibersidad ang nagtagumpay sa pagtatayo ng balangay sa isang malaking komunidad ng maralitang lunsod sa Metro Manila. Sa naturang komunidad, kabilang ang kabataan sa mga pamilyang manggagawa, mala-manggagawa at magsasakang napalayas sa kanayunan noong mga dekada 1970 at 1980. Dahil sa taas ng mga bayarin sa eskwelahan, karamihan sa kabataang ito ay hindi na nakapag-aral. Marami sa kanila ang nasasangkot sa mga gawing antisosyal tulad ng pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot, pagnanakaw, prostitusyon, pagsapi sa mga gang at iba pa.

Mabilis na nakaugnay ang mga aktibista ng KM sa kabataan sa komunidad sa pamamagitan ng pag-ugnay sa kanilang mga gang at iba pang organisasyon. Sa pag-ugnay nila, pinatampok ng mga aktibista sa pakikipagtalakayan ang maiinit na isyung malapit sa mga kabataan at mamamayan, kabilang ang isyu ng kawalan ng edukasyon, pagtaas ng presyo ng langis at disempleyo.

Nagbuo sila ng isang ligal na organisasyon. Subalit hindi naging madali ang proseso ng pagkokonsolida sa mga kasapi. Pangunahing hamon ang pagtalikod sa mga gawing antisosyal. Mahabang panahon ang ginugol sa unti-unting pagbabago sa pananaw at gawi ng mga kasapi.

Ang iba pang kabataang nasa proseso ng pagpapanibagong-hubog ay nagpahayag ng suporta sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga abanteng kasapi na nagpunyaging makapagpanibagong-hubog ay narekrut sa KM.

Dahil sa rebolusyonaryong kasigasigan ng KM, nagawang lumayo ng kabataan sa mga gawing antisosyal. Sa batayan ng mga pagkakaisa sa mga demokratikong hangarin ng kabataan at mamamayan, ang dating magkakaaway na gang ay napakikilos sa iisang landas.

Sa ngayon, mayroon itong mahigit 300 aktibong kasapi. Dumarami rin ang mga kasaping handang tumungo sa kanayunan at tuluyang kumilos sa BHB. Ang iba naman ay puspusang sinasanay na mamuno sa gawain ng pag-oorganisa ng KM sa loob at labas ng kanilang mga komunidad.

KM at KASAMA

Bunga ng pagpupunyagi sa mga rebolusyonaryong tungkulin, nakatutulong ang KM sa pagtatayo ng mga balangay ng iba pang lihim na rebolusyonaryong organisasyong masa. Isang magandang bunga nito ang pagtatayo ng isang balangay ng KASAMA sa isang komunidad. Mula 2001, kumilos ang ilang kasapi ng KM, pangunahin mula sa mga eskwelahan sa partikular na komunidad na ito. Naitayo ang mga kolektibo ng KM sa iba't ibang organisasyon at naitatag ang balangay ng KM sa lugar. Di naglaon, naging gawain ng KM ang pagbubuo ng KASAMA sa komunidad.

Saklaw ng eryang kinikilusan ng KM ang 500 manininda (200 na nasa loob ng ipinatayong palengke kung saan mahal ang upa sa pwesto at 300 sidewalk vendor). Karamihan sa kanila'y mga maralitang kulang na kulang ang kita sa pagtitinda.

Hunyo 2004 nang umpisahan ng KM ang pagrerekluta ng mga kasapi ng KASAMA sa hanay ng mga manininda. Dahil sa pagsulong ng lokal na kampanya laban sa walang-habas na mga panghuhuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), napukaw at napataas ang militansya ng mga manininda. Naging madali ang pagrerekluta ng mga kasapi ng KASAMA mula sa mga maninindang may mataas na kamulatan.

Upang mapatatag ang lihim na organisasyon, tinitiyak ng KM ang masiglang mga pag-aaral sa hanay ng KASAMA. Iniisa-isa nila ang mga pwesto ng mga manininda upang puspusan silang makapagpaliwanag tungkol sa mga isyu at makapagtanong tungkol sa mga problema ng masa at kanilang mga pananaw. Naging pleksible sila sa pagtatakda ng oras ng pag-aaral, mga konsultasyon at pulong.

Dahil mabigat ang trabaho ng mga manininda, may kahirapang makapaghanap ng sapat na panahon upang magdaos ng mahabaang mga pag-aaral. Pinangingibabawan nila ito sa pamamagitan ng pagputol ng mahahabang pag-aaral sa mas maiiksing kurso. Sa pamamagitan nito, ang mga kasapi ng KASAMA sa komunidad na ito ay nakapagtapos ng pag-aaral sa MKLRP.

Ang mga manininda naman ay nagbibigay ng suporta sa iba't ibang paraan sa balangay ng KM. Halimbawa, naging kalakaran na sa mga manininda ang pagbibigay sa mga kasapi ng KM ng mga gulay, isda at karne mula sa kanilang paninda, bilang suporta sa mga rebolusyonaryong aktibista sa paggampan ng kanilang mga tungkulin.


Sa pamamagitan ng isang gabi ng mga pangkulturang pagtatanghal, pormal na binuksan ang isang buwang pagdiriwang sa ika-40 taon ng KM.

Sa pagbubukas na ito, inilahad ang mga partikular na tungkulin ng KM at ang mga proyektong bahagi ng pagdiriwang katulad ng red letter campaign (pamamahagi ng mga post card na naghihikayat sa mga kasapi at iba pang kabataan na sumampa sa Pulang hukbo) at red box campaign (pangangalap ng bala, damit, gamot at iba pang materyal na suporta para sa BHB).

Nagkaroon din ng parehong mga pagbubukas sa iba't ibang erya. Sa mga pagtitipong ito, isinagawa ang film showing ng rebolusyonaryo at progresibong mga dokumentaryo at pelikula, palitan ng mga karanasan, talakayang-buhay ng mga kasapi ng balangay at mga pangkulturang pagtatanghal.

Sa diwa ng pagdiriwang sa anibersaryo, nagsagawa ng operasyon-pinta ang mga kasapi ng KM sa mga pangunahing kalye sa Metro Manila noong Oktubre.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Nobyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ituon ang makauring galit sa rebolusyonaryong pagbabagsak sa mga nagsasamantalang uri at buong naghaharing sistema

Sigaw ng mga manggagawa sa Hacienda Luisita
Di kami uurong

Mga Ulat Koresponsal
Depensiba sa Tarlac, naipihit tungong taktikal na tagumpay

Tuluy-tuloy na binibigyang-sigla ng kabataan ang Partido at rebolusyonaryong kilusan
40 taon ng Kabataang Makabayan
Mga aral at tagumpay sa pagbubuo ng mga balangay ng Kabataang Makabayan
Bukas na liham ni Ka Roger sa mga sundalo at pulis, pinalalaganap
10 punto ng pagkilos ng mga armadong tauhan ng reaksyunaryong estado
Mga tagumpay ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China ng 1949-1976
Sagot sa krisis pang-ekonomya: Rebolusyon at sosyalistang konstruksyon

Matatagumpay na opensiba ng BHB
10 tropa ng kaaway, napatay sa pakikipagsagupaan sa BHB ngayong Nobyembre

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.