Pulang pagdiriwang
Disyembre 2004 sa isang hawan na lugar sa mga bundok ng Sierra Madre, nagtipon ang mahigit 1,200 kasapi ng Partido, hukbong bayan, mga kasapi ng mga samahang masa sa kanayunan, mga manggagawa, estudyante, mangingisda, pambansang minorya at iba pa upang ipagdiwang ang ika-36 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido. Sa paligid ng lugar, ang bandila ng Partido, NDFP at BHB ay nakawagayway sa dulo ng nakatirik na mahahabang kawayan. Sa isang gilid, nakaukit sa lupa ang maso't karet. Tinirikan ito ng maliliit na bandila ng Partido na nagsisimbolo sa bawat martir na nag-alay ng buhay sa rebolusyon. Sa kabilang gilid, nakatayo ang eskultura ng maso't karit na gawa sa baging at mga dahon ng anahaw. Itinali ito sa tatlong maalalaking sanga at pumapailalang sa taas na sampung talampakan.
"Buong lakas na patatagin ang base ng rebolusyon. Buong giting na paigtingin ang armadong paglaban ng mamamayan. Magpunyagi sa lahatang panig na pagsulong."
Ito ang panawagan ng Komite ng Partido sa prubinsya ng Quezon sa pagdiriwang nito ng ika-36 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Partido. Sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan, naging mataas ang diwa ng mga nagsipagdalo sa pagbubunyi sa Partido bilang namumunong pwersa sa rebolusyong Pilipino.
Nakapalibot ang mamamayan sa lugar na itinakdang entablado habang nagsipagtanghal ang mga Pulang mandirigma. Gamit ang malaking trompa, ipinadagundong nila ang kanilang matatatag at militanteng mga boses sa espesyal na araw na ito. Tampok sa pagdiriwang ang mga malikhaing kultural na pagtatanghal tulad ng awit/galaw, sayaw, mima, dula, tula at mural na nagpakita ng buhay at pakikibaka sa rebolusyon. Kinagiliwan ng lahat ang mga palabas na bumatikos at naglantad sa kabulukan ng estado at naghaharing uri.
Nagpahayag ng pagkakaisa ang iba't ibang sektor sa naging papel ng Partido sa patuloy na paglawak at paglalim ng suporta sa rebolusyonaryong kilusan mula sa pinakamalawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan. Inilahad ang pambansang kalagayan na nagpaliwanag sa paglubha ng krisis at pagsasamantala ng naghaharing uri sa kasalukuyan.
Pinarangalan ang mga martir at bayaning nag-alay ng kanilang buhay para sa bayan at ipinagbunyi ang kanilang sakripisyo at ambag sa rebolusyon. Ibinahagi ang mga importanteng aral at tagumpay ng Partido sa taong 2004 sa prubinsya.
|