Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Macapagal-Arroyo:
Kaaway ng mga kawani ng gubyerno

 Read this article in English

Simula nang maupo si Gloria Macapagal-Arroyo sa poder, wala na itong ginawa kundi dagdagan ang pasanin ng mga kawani ng gubyerno. Una, ipinako niya ang sweldo ng mga kawani sa napakababang antas. Tahasan niyang tinanggihan ang malaon nang iginigiit na P3,000 dagdag sa buwanang sweldo. Mas masahol pa, tinanggal niya sa badyet ang 5% dagdag sa sweldo na pinagtibay ng rehimeng Estrada noong 2000. Ani Macapagal-Arroyo, walang ibibigay ni isang sentimo ang kanyang rehimen sa 2003 sa mga kawani sa burukrasyang sibil. Sa kabilang panig, naglaan ang rehimen ng mahigit P5 bilyon para sa dagdag na sahod ng mga sundalo at pulis.

Noong 2001, may naipagwaging mga dagdag na benepisyo ang mga kawani sa pamamagitan ng kolektibong pakikipagnegosasyon sa kani-kanilang mga departamento. Ngunit mula 2002, pinagbababawi na ng rehimen ang mga benepisyong ito. Maging ang mga isinabatas na benepisyo ay binabawi na rin.

Kung tutuusin, walang gaanong pinagkaiba ang naiuuwing kita ng mga kawani ng gubyerno kung iku-kumpara sa naiuuwi ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Mula sa P5,800 minimum na buwanang sahod ng isang ordinaryong kawani, makapaglalaan lamang siya ng P193.33 na panggastos kada araw. Kinakaltasan pa ito ng gubyerno sa pamamagitan ng kinukulektang mga "kontribusyon" sa Government Service Insurance System (GSIS), Pag-ibig, Philhealth at iba pang institusyon. Dahil sa dami ng kinakaltas ng gubyerno sa mga kawani, halos P5,000 na lamang ang aktwal na natatanggap nila o P167 kada araw. Di hamak na kulang ang halagang ito para sa P532 arawang gastusin para sa mga batayang pangangailangan ng isang pamilya. Dahil dito, napakalaking bagay para sa mga kawani ang natatanggap nilang Cost of Living Allowance COLA), personal allowance, mga espesyal na bonus at iba pang benepisyo na nasa porma ng subsidyo.

Nadaragdagan lamang ang kita ng mga kawani dahil sa kanilang tuluy-tuloy na pakikibaka. Mula 1998 hanggang 2000, halos taun-taon ay may ipinagwawaging mga benepisyo ang mga kawani. Ngunit karamihan sa mga ito ay nasa porma ng "emergency allowance" na nagbibigay ng panandaliang kaluwagan at hindi dagdag sa batayang sahod. Kung tutuusin, pampalubag-loob at pampahupa ng kanilang disgusto ang pagbibigay nito sa kanila.

Nagagawa ring igiit ng mga kawani ang pagdaragdag sa kanilang sweldo at mga benepisyo sa pamamagitan ng Collective Negotiating Agreement o CNA. Katumbas ito ng CBA o collective bargaining agreement ng mga manggagawa sa pribadong sektor. Sa pakikipagnegosasyon ng mga kawani sa maneydsment ng pinagtatrabahuhan nilang ahensya o departamento, naigigiit nila ang karampatang mga benepisyo. Bukod rito, naigigiit ng mga kawani ang kanilang mga karapatan sa pag-uunyon pati na rin ang kanilang seguridad sa trabaho.

Susi rin ang CNA sa pagbawi ng mga benepisyong tinanggal sa mga kawani noong isabatas ang Salary Standardization Law (SSL). Sa ilalim ng SSL, itinatakda ang pagbibigay ng COLA sa antas ng mga departamento o ahensya depende sa pagtaya nito sa hawak na pondo. Ipinaglalaban ngayon ng mga kawani ang muling pagbibigay ng COLA sa pambansang antas. Noong 2000 at muli nitong 2002, ipinagwagi ng mga unyon ang kasong isinampa nila sa Korte Suprema para ibigay sa lahat ng kawani ang COLA.

Militansya, sagot sa pagsikil sa karapatang mag-unyon

Nitong 2002, naging kapansin-pansin ang determinasyon at kasigasigan ng mga unyon na igiit ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Maraming mga unyon ang nakakuha ng magagandang kunsesyon at napilitan ang maraming departamento at ahensya na kilalanin at igalang ang mga karapatan nila.

May ilang tampok na kaso kung saan militanteng nanindigan ang mga kawani laban sa mga tiwali at mapang-aping upisyal ng gubyerno. Kabilang dito ang paglalantad ng mga kawani ng Department of Education sa dating kalihim nitong si Raul Roco; at ng mga kawani ng BIR sa pinuno nitong si Rene Ba�ez. Bago ito, matagumpay na napatalsik ng mga kawani ng SSS ang tiwali at "diktador" na pinuno nitong si Vitaliano Na�agas.

Nadaragdagan lamang ang kita ng mga kawani dahil sa kanilang tuluy-tuloy na pakikibaka. Mula 1998 hanggang 2000, halos taun-taon ay may ipinagwawaging mga benepisyo ang mga kawani.

Tinangka ni Macapagal-Arroyo na magpataw ng 10-taong moratoryum sa CNA. Pero dahil matindi ang pagtutol ng mga kawani, napilitan ang rehimeng iatras ang naturang panukala. Sa halip, nagpataw ito ng moratoryum sa pagbibigay ng "signing bonus", insentibong ipinagkakaloob sa mga empleyado pagkapirma ng CNA. Sa karanasan, umaabot sa P3,000 hanggang P20,000 ang nakukuhang "signing bonus" ng bawat empleyado.

Tinatakot at binabantaan din ni Macapagal-Arroyo ang mga kawani. Ang mga kawani ng SSS na lumahok sa protesta ay kinasuhan. Pinagbantaan nitong sisisantehin ang iba sakaling lumahok sila sa anumang pagkilos.

Napakalaking usapin sa mga kawani ang panggigipit sa kanilang karapatang mag-unyon, makipagnegosasyon at magwelga. Kahit nakasaad ang mga karapatang ito sa reaksyunaryong konstitusyon, mahigpit na ipinagbabawal sa mga kawani ang maglunsad ng mga protesta, sama-samang kumilos at magwelga sa oras ng upisina. Napalaki ng pangangailangang tuluy-tuloy na organisahin ang mga kawani sa loob ng mga unyon. Sa ngayon, umaabot lamang sa 903 ang nakarehistrong unyon sa pampublikong sektor. Mayroong 1.4 milyong kawani sa gubyerno sa buong kapuluan. Sa mga rehistradong unyon, mahigit 290 (32%) lamang ang kinikilalang may karapatang makipagnegosasyon.

Malawakang tanggalan dulot ng pribatisasyon

Patuloy na kinakaharap ng mga kawani ang usapin ng malawakang tanggalan na dulot ng programang pribatisasyon. Sa ngayon, nasasagkaan ng mga kawani ang pribatisasyon ng malalaking ahensya katulad ng National Power Corporation (NAPOCOR) at Nationa Food Authority. Gayunpaman, mulat ang mga kawani na maghahanap lamang ang rehimen ng ibang paraan at oras na humina ang protesta laban dito ay itutuloy ng rehimen ang pakanang ito.

Isa sa may pinakamalaking laban sa ngayon ang mga kawani ng mga pampublikong korporasyon sa larangan ng enerhiya. Matapos mapagtibay ng rehimen ang Electric Power Industry Reform Act lalo nitong minamadali ang pagsasapribado ng NAPOCOR at iba pang kaugnay na korporasyon. Nauna nang naisapribado ang Transco. Nangangahulugan ito ng pagsipa sa halos 11,000 kawani ng gubyerno. Nahaharap din sa matinding laban ang mga kawani sa limang ahensyang isasapribado ng gubyerno matapos itayo ang Department of Housing and Urban Development. Nitong huli, nilabanan ng mga kawani ng BIR ang planong isapribado ito sa anyo ng Internal Revenue Management Authority (IRMA) na magpapatalsik sa mahigit 6,000 kawani. Mayroon ding panukala para lubusang isapribado ang Bureau of Customs na magsisisante rin sa mga kawani nito.

Sa pagtatanggal ng mga kawani, ginagamit ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang isang taktika na sinubukan noon ng rehimeng Estrada. Sa halip na idaan sa mahaba at masalimuot na proseso ang tanggalan, pinuputol na lamang nito ang badyet para sa isang ahensya hanggang tuluyan itong malusaw. Ito ang ginawa noon ni Estrada sa National Stud Farm at sa Economic Intelligence and Investigation Bureau.

Noong Setyembre, tinangka ni Macapagal-Arroyo na lusawin ang 14 na maliliit na ahensya ng gubyerno at tanggalin ang 10,000 kawani para umano makatipid ang gubyerno. Aniya, aabot sa P1.6 bilyon ang matitipid kung hindi na paglalaanan ng badyet ang nasabing mga ahensya.

Ngunit dahil matindi ang pagtutol ng mga kawani, napilitan si Macapagal-Arroyo na pansamantalang iatras ang planong paglusaw. Isa sa agad na iniatras ng rehimen ay ang planong pagbuwag sa National Printing Office (NPO) sa ilalim ng Office of the Press Secretary matapos ibunyag ng kawani roon na nais lamang nitong lusawin ang nasabing mga ahensya upang ipailalim ang mga operasyon nito sa kanyang mga alagad at kroni. Katunayan, kumikita ang ilan sa mga nakatakdang lusawin, tulad ng NPO at Telecommunications Office ng Department of Transportation and Communications at hindi ito mga pasanin ng gubyerno.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang balak na panumbalikin ang tuwirang paghaharing militar sa bansa!

Biguin ang Oplan Gordian Knot
Ang kontra-gerilyang digma ng
AFP at PNP

Dumaraming kaso ng pagdukot at desaparecido
Pambansang badyet sa 2003:
Badyet ng digma laban sa mamamayan

Mga kaso ng pagdukot sa anak upang sumuko ang magulang
Armadong pakikibaka, umaani ng tagumpay sa buong bansa
Bakit mabibigo ang digmang kontragerilya?
Mga tagumpay sa Pampanga, ipinagbunyi
Mga Ulat Koresponsal:
Medical at fact-finding mission sa Cagayan tagumpay; CIVAC ng AFP nilangaw

Mga Ulat Koresponsal:
Liberalisasyon sa importasyon ng gulay at bigas, pumipinsala sa mga magsasaka

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang kontra-gutom, bumubwelo sa Panay

Mga Ulat Koresponsal:
Ibaba ang pasahe ng sitaw, sigaw ng Bulacan

Macapagal-Arroyo:
Kaaway ng mga kawani ng gubyerno
Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
William Hinton, Joan Hinton
at Erwin "Sid" Engst

Pagpupugay sa mga tunay na proletaryong internasyunalista at anti-impeyalista

Balita
Mga Pagtutuwid sa isyung
Oktubre 2002 ng Ang Bayan

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.