Ang mga pasistang krimen ni Hen. Panfilo Lacson sa Cebu
Si Hen. Panfilo Lacson, pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF), ay isang mahusay na halimbawa ng pasistang pagmamalupit laban sa mamamayan. Madugo ang rekord ni Lacson na siya ngayong super-pulis, pinakapaborito at pinakapinagkakatiwalaan ni Estrada.
Sa pamamagitan ng isinasagawang imbestigasyon ng Panrehiyong Pamatnugutan sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan sa Gitnang Kabisayaan, mas malalim na nauungkat ang kriminal na rekord ni Heneral Lacson lalo na noong siya�y Kumander ng Metrodiscom-Cebu simula noong ikalawang hati ng dekadang �80. Iniimbestigahan din ang rekord ng kasabwat ni Lacson na si Hen. Benjamin Paclibar, kasalukuyang pinuno ng PAOCTF sa Kabisayaan at dating kumander ng 341st PC Company na nakabase sa Camp Sotero Cabahug, Lahur City, Cebu.
Patuloy na tumatanggap ang BHBGitnang Kabisayaan ng mga ulat at ebidensya hinggil sa mga pasistang krimen ni Lacson at Paclibar. Kabilang sa panimulang naitala na ang mga sumusunod: - Militarisasyon at paghahasik ng pasistang lagim sa Baryo Luz, T. Padilla, B. Rodriguez, Ibabao, Mandaue at iba pang komunidad ng maralita sa Cebu noong 1988-89. Hinamlet ang buubuong mga komunidad ng maralitang-lunsod, isinagawa ang mga arbitraryo at malawakang panghahalughog at pang-aaresto, na walang habas na sumira sa kabuhayan ng mga maralita.
- Pagtortyur kay Teodoro Serecon, pinaghinalaang partisano, noong Pebrero 1990. Tinadtad ng �stapler� ang kanyang likod at nagmartilyo ng pako sa kanyang mga binti at paa nang siya�y ipinailalim sa interogasyon.
- Pagtortyur ni Paclibar kay Simplicio Abendan, Pulang mandirigmang hors de combat, na nahuli ng militar noong Hulyo 1990 sa Pung-ol, Sibugay, Cebu City. Sa harap ng kanyang mga tauhan at residente sa lugar, dinukot ni Paclibar sa pamamagitan ng bayoneta ang mga mata ni Abendan habang ang huli�y buhay pa.
- Pag-aresto at pagbugbog kay Erasmo Vitualla, pinaghihinalaang partisano, noong Oktubre 1990. Inaresto siya sa kanyang kasal, at inaresto pati ang kanyang asawa at mga panauhin.
- Pagdukot kay Jimmy Badayos, lider manggagawa, noong Nobyembre 1990.
- Pagbubuo at pagpapalaganap ng mga pangkat ng panatiko at vigilanteng antikomunista na naghasik ng ligalig sa libu-libong pamilya sa Central Cebu at sa mga mabundok na barangay ng Metro Cebu tulad ng Talisay at Pardo noong 1987-90.
Pinangunahan nina Lacson at Paclibar ang pagtatayo ng mga panatikong grupong paramilitar at ang pwersahang pagrekrut, pagsasanay at pag-aarmas ng mga taumbaryo sa mga naturang grupo. Inobliga at itinulak ang mga grupong ito na walang patumanggang mamaril, mambugbog, mamaslang at umabuso sa mga pinaghihinalaang mandirigma, tagasuporta at simpatisador ng BHB, na karamihan ay mga kababaryo at kamag-anak nila. Malawakang diniskaril ang kabuhayan ng libu-libong mamamayan sa Central at Metro Cebu sa madugong kampanyang pinamunuan ng dalawang upisyal.
Ang mga kriminal na aktibidad ni Lacson at iba pang pasistang upisyal na katulad niya ay hindi siniyasat ni pinag-ukulan ng pansin ng mataas na pamunuan ng reaksyunaryong gubyerno at AFP. Sa halip, patuloy pa silang binigyan ng mas mataas na pusisyon hanggang sa makapangibabaw sa pasistang pulisya sa ilalim ng gubyernong Estrada. Sa lalong lumalaking kapangyarihang ipinahahawak kay Lacson, ang inihasik niyang ligalig sa Metro Cebu ay kaya niya ngayong ihasik sa buong bansa.
Wasto lamang ang patuloy na pagsisiyasat, pagsasadokumento at pag-usig ng mga pasistang krimen sa panahon ng diktadurang US-Marcos at sumunod na mga reaksyunaryong rehimeng Aquino, Ramos at Estrada. Dapat engganyuhin ang lahat ng biktima ng mga naturang krimen at mga kamag-anak nila na lumapit sa mga kinauukulang yunit ng BHB at NDF para matulungan silang kamtin ang katarungan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|