Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa

 Read this article in English

Mula kalagitnaan ng 1998, tinambakan ng pasistang pwersang militar at pulis ang Timog Katagalugan. Ipinwesto sa rehiyon ang 3rd Scout Ranger Battalion, bukod pa sa 4th Special Forces Battalion. Ikinonsentra rito ang mga batalyon ng 2nd Infantry Division bukod pa sa buong pwersa ng First Marine Brigade na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Palawan. Patuloy na nakatalaga sa rehiyon ang dating pwersa ng Philippine National Police (PNP) Mobile Group.

Bukod sa mga regular na tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), muling binubuo at pinalalaki ang mga yunit ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at ang Civilian Volunteers Organization. Pinalaki ng Department of National Defense ang badyet ng CAFGU sa P870 milyon (mula P512 milyon noong 1998) para sa 1999 alinsunod sa Oplan Makabayan ang kasalukuyang pakanang kontra-rebolusyonaryo ng rehimeng US-Estrada.

Higit pa, ibayong pinalalawak at pinalalakas ang lambat-paniktik ng AFP at PNP sa mga baryo, mga komunidad, mga pabrika, mga paaralan at iba pang sentro ng populasyon. Sapin-sapin ang mga yunit paniktik ng AFP at PNP sa rehiyon na nagbubuo ng kani-kanyang mga lambat ng mga impormer sa iba't ibang antas.

Sa Oplan Makabayan, itinakdang numero unong prayoridad ang pagpapaigting ng kontra-rebolusyon sa Timog Katagalugan. Tinukoy ang halaga ng rehiyon dahil kanugnog ito ng pambansang kapitolyo at mainam na pwesto para sa propagandang pambansa ng rebolusyonaryong kilusan. Nangunguna rin ang rehiyon sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya at kilusang masa.

Batid ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang mga implikasyon ng konsentrasyon ng bira ng OPMAK sa kanilang saklaw. Determinado itong labanan nang ubos-kaya ang kontra-rebolusyonaryong pakana ng kaaway sa pamamagitan ng higit pang pagpapaigting ng mga taktikal na opensiba at kilusang masa, alinsunod sa linya ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na nagtatamasa ng papalawak at papalalim na suportang masa.

Bunga ng oplan na sinimulan noong 1998, nakaranas ng ilang kahirapan sa gawain ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang rebolusyonaryong mamamayan. Lalong lumaganap ang lansakang paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan. Ang pinakahuling pangyayaring kaugnay nito ay ang pagdukot sa tatlong magsasaka ng Maragondon, Cavite nitong Hulyo 14 na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa inililitaw ng mga militar. Iligal na inaresto nitong Hulyo 23 sa Oriental Mindoro sina Noel Barrientos at Ruel Landicho, kapwa mga myembro ng Kalipunan ng Makabayang Mindore�o.

Subalit sa kabila ng pananalasa ng mga opensibang militar ng AFP at PNP sa mga sona at larangang gerilya sa Timog Katagalugan at maging sa mga progresibong pwersa sa kalunsuran, pinasisigla ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at kilusang masa sa rehiyon.

Mula 1998 hanggang sa kasalukuyan, may mahigit na 30 taktikal na opensibang inilunsad sa buong rehiyon. Kinatampukan ito ng mga operasyong isparo, ambus, reyd at isnayping. Kabilang dito ang taktikal na opensiba na inilunsad nitong Hulyo sa Romblon at Marinduque na pawang mga unang opensiba ng BHB sa dalawang prubinsya. Mula 1998, nakakumpiska ang BHB ng 35 iba't ibang kalibreng armas. Nakapaslang din ito ng 23 at nakasugat ng 10, na ang karamiha'y mga tropa ng AFP, PNP at CAFGU, at ang iba pa'y goons ng mga panginoong maylupa at iba pang masasamang-loob.

Tuluy-tuloy din ang paglulunsad ng pakikibakang antipyudal laluna sa mga prubinsya ng Quezon, Laguna at Occidental Mindoro. Laganap ang protesta ng mamamayan laban sa quarrying at pagmimina. Matapang na isinusulong ng masa ang iba't ibang aksyong protesta at pakikibakang masa laban sa mabilis na lumulubhang mga pasistang pangaabuso at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

Higit pa, ang pagsigla ng mga taktikal na opensiba ng BHB sa ibang rehiyon, laluna sa Timog at Hilaga- Silangang Mindanao at sa Gitnang Kabisayaan ay hindi maiiwasang humatak sa pansin at pwersa ng AFP. Ngayon pa lamang, ang mataas na pamunuan ng AFP ay obligadong magpalipat-lipat ng pwersa sa Luzon, Visayas at Mindanao sa pagkukumahog na agapan ang pag-igting ng pakikidigmang gerilya ng BHB at pagsiklab ng mga protesta at pakikibakang masa. Palagi ring nakaambang sumambulat ang malakihang sagupaan sa pagitan ng AFP at Moro Islamic Liberation Front.

Matibay ang pananalig ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan na walang kahihinatnan ang Oplan Makabayan kundi ang imbing pagkabigo at malalim na pagkamuhi ng mamamayan. Pinanghahawakan ng kilusan sa rehiyon ang mahabang rebolusyonaryong tradisyon ng mamamayan sa Timog Katagalugan, ang konsolidasyon ng Partido at kilusan sa Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, ang patuloy na lumalawak at lumalakas na pagsuporta ng mamamayang hindi na makatiis sa labis-labis na pagsasamantala at pagpapahirap ng mga reaksyunaryong naghaharing uri at ang patuloy na lahatang-panig at matatag na pagsulong ng armadong rebolusyon sa iba't ibang dako ng kapuluan.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Hulyo 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Puspusang ilantad, labanan at ihiwalay ang reaksyunaryo, papet at pasistang rehimeng US-Estrada

Agosto 20: Natitipong unos laban sa naghaharing pangkating Estrada
Tatalim ang alitan ng mga reaksyunaryo hinggil sa pagbabago ng konstitusyon
Oplan Makabayan:
Pasistang pakana ng rehimeng US-Estrada

Tugon ng Timog Katagalugan sa Oplan Makabayan:
Taktikal na opensiba, kilusang masa
Ang malupit na hagupit ng liberalisasyon at deregulasyon sa sektor ng pangisda
Ang 'corporative scheme' ni Danding:
Ibayong pahirap sa mga magsasaka

Usaping "coco levy":
Lutong Danding pa rin

Pag-iral ng mga kartel:
Monopolyo sa industriya ng asukal at iba pang pangunahing tanim

Ika-1 ng Oktubre 1999:
Ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng Rebolusyong Tsino!

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.