Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Ulat Koresponsal:
Tatlong mahahalagang aral

 Read this article in English

Pangalawa sa serye ng mga artikulo tungkol sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa Samar.

Sa mahigit dalawampu�t limang taong karanasan sa pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa sa isang baseng gerilya sa Samar, tatlong mahahalagang aral ang nahalaw: 1) sa proseso ng pagsusulong ng antipyudal na pakikibaka nabubuo ang matatag at malalim na baseng masa; 2) kailangang magpakahusay ang Partido sa taktikal na pamumuno nito; at 3) kailangang laging paghandaan ang kontra-atake ng kaaway.

PAGBUBUO NG MATATAG AT MALALIM NA BASENG MASA. Bumilis ang pagtaas sa antas ng mga organisasyong masa sa baseng gerilyang ito sa relatibong maikling panahon bunga ng pag-unlad at pagsigla ng antipyudal na pakikibaka.

Makaraan ang anim na buwan lamang ng rebolusyonaryong pagkilos mula nang unang makaugnay ang mga kasama sa lugar noong huling kwarto ng 1977, sinimulan na ang antas baryong pakikibakang masa. Naisagawa ito sa kalagayang mga grupong pang-organisa ng magsasaka (GPM) pa lamang ang karamihang naitatayo at iilang baryo pa lamang ang natayuan na ng mga komiteng pang-organisa ng magsasaka (KPM). Kabilang sa mga pakikibakang masang ito ang lihim na pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, paglaban sa usura at pagkilos ng mga organisasyong masa bilang kooperatiba mula sa simpleng tiklos (palitan ng paggawa) hanggang sa komunal na produksyon.

Ang mga pakikibakang masang ito ay may malaking naitulong sa konsolidasyon, pagpapalakas at pagpapalawak ng rebolusyonaryong organisasyong masa. Dahil sa mga kongkretong benepisyong nakamit ng masang magsasaka mula sa mga ito (basahin sa nakaraang isyu ng AB, Hunyo 7, 2003), dumami ang nagkusa at naghangad na sumapi sa mga organisasyong masa.

Bago matapos ang 1978, ang pag-oorganisa sa karamihan ng mga baryo ay naitaas na sa antas KPM habang naitatayo na rin ang mga ganap na samahang masa (GSM) sa ilang abanteng baryo. Pagdating ng 1979, antas GSM na ang pag-oorganisa sa karamihan ng baryo. Kasabay ng pag-unlad ng armadong pakikibaka, sabayang sinasaklaw ng antipyudal na kampanya ang maraming baryo. Halos 90% na ng dapat maorganisa ay lumalahok at sumusuporta sa iba�t ibang paraan sa mga pakikibakang masa at armadong pakikibaka.

Patuloy din ang pagtaas ng kakayahan ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa na sumuporta sa armadong pakikibaka.

Nakapagpalitaw ang antipyudal na pakikibaka ng mga aktibistang masa at rebolusyonaryong masa na napanday sa makauring tunggalian. Sa proseso ng pakikibaka, nakilala ng masa ang kanilang mapagpasyang lakas na ibinunga ng kanilang pagkakaisa at determinasyong pawiin ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala na malaon nang nagbaon sa kanila sa kahirapan at pagkaalipin. Ang noo�y kimi, sunud-sunuran, api at pinagsasamantalahan at watak-watak na masang magsasaka ay bumabangon, nagkakaisa at unti-unting nagiging makapangyarihang lakas laban sa uring panginoong maylupa.

Ang baseng antipyudal sa naturang lugar ay nagsisilbi rin ngayong balwarte ng mga ligal at hayag na mga aksyong masa sa mas malawak na saklaw kabilang na ang mga sentrong bayan.

Ang makasaysayang pagbabangon ng masang magsasaka rito at marami pang katulad na lugar ay may malalim na kabuluhan hindi lamang sa mga lokalidad kung saan ito nagaganap kundi sa kabuuang pagsulong ng pakikibakang pambansa.

PAGPAPAKAHUSAY SA TAKTIKAL NA PAMUMUNO. Sa paglulunsad ng antipyudal na pakikibaka, napakahalaga ng mahusay na taktikal na pamumuno ng Partido.

Sa ilalim ng mahigpit na pamumuno ng Partido sa hakbang-hakbang at sustinidong pagsusulong ng mga antipyudal na pakikibaka ng masang magsasaka, napahina ang pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at komersyante-usurero sa lugar. Makikita ito sa matagumpay at makabuluhan na paghina ng pyudal at malapyudal na mga pagsasamantala at pang-aapi at pangingibabaw na ng kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa lugar.

Sa proseso ng pagpapatupad ng taktikal na pamumuno ng Partido sa paglulunsad ng antipyudal na pakikibaka sa lugar, mayroong mahahalagang aral na nahalaw ang mga kasama, kapwa mula sa mga positibo at mga negatibong karanasan:

Marapat na may sapat na panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa lugar upang wastong naitatakda ang angkop na mga taktika. May kabuuang pag-unawa ang mga kasama at masa sa pagsusuri sa mga uri at sa mga pyudal at malapyudal na pagsasamantala na umiiral sa lugar. Sa gayon, tama sa kabuuan ang naitakdang mga target, layunin, patakaran at naisagawang mga hakbangin.

Ngunit nagkulang sila sa mas masinop na panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa mga uri, kaya may mga natamaan na hindi na kinailangang matarget at mayroon ding mga mas maigeng hinarap sa pamamagitan ng demokratikong konsultasyon at pagbibigayan sa halip na matinding kumprontasyon.

Tiyaking umaayon sa umiiral na patakaran ng Partido ang anumang taktika sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Mahalaga ito upang matiyak na ang mga taktika ay nakabatay sa mga prinsipyo at patakaran at hindi lamang sa kung ano ang gusto at kayang kamtin.

Sa kabuuan, umayon sa mga prinsipyo at patakaran ng Partido ang pagsusulong ng antipyudal na pakikibaka sa lugar. Gayunman, nagkaroon ng ilang kahinaan na sa kalakha�y bunga ng pagbatay lamang sa lakas ng organisasyon at pagkilos ng masa at pagkaligta sa ilang aktwal na kalagayan at praktikal na konsiderasyon:

1) May mga kahilingang lumampas sa nararapat. Isa na ang masyadong mataas na sahod ng mga manggagawang-bukid na hiningi mula sa mga mayaman at panggitnang magsasaka. Dahil hindi naisaalang-alang ang pagkamakatarungan ng kahilingan, pumigil ito sa pagsulong ng produksyon sa lugar sa ilang panahon. Sa ilang baryo, hindi nakayanan ng mga mayamang magsasaka at panggitnang magsasaka na umupa ng lakas-paggawa.

Isa pa ang sobrang pagpapababa sa interes sa hangad na pawiin agad ang usura at lubusang pagkaitan ng tubo ang mga komersyante-usurero. Ito'y sa halip na isagawa ito nang hakbang-hakbang. Dahil dito, hindi naeenganyo ang mga usurero na magpautang at nawawalan ng makukunan ng kapital ang mga magsasaka.

2) Hindi rin dapat ginamit ang masyadong kumprontasyunal na paraan sa pakikitunggali sa ilang taktikal na alyado, tulad ng ilang naliliwanagang panginoong maylupa at alyadong komersyante. Sa halip, kailangan ang pagtitimpi sa pakikipagrelasyon at pagpapakahusay sa demokratikong pakikipagkonsultasyon sa mga alyado. Iwasan na hindi masyadong mapahiya sila sa mamamayan sa baryo.

3) Dapat pinag-isa na lamang ang pakikibaka sa mga baryo kung saan iisa ang katunggaling panginoong maylupa, sa halip na isinulong ang mga iyon nang hiwa-hiwalay at paulit-ulit.

Tiyaking naihanda sa pakikibaka ang kaisipan at organisasyon ng masa. Kailangang tiyakin na alam ng masa kung ano ang isyu, sino ang pangunahin at segundaryong target, ano ang anyo at pamamaraan ng pagkilos.

Sa kabuuan ay mahusay na naisagawa ang tungkuling ito. Nagkaroon lamang ng ilang kahinaan sa aspeto kung saan natukoy ang sumusunod na mahahalagang aral:

1) Kailangang palaging pinaiiral ang malakas na tiwala sa masa. Hayaang yumabong ang inisyatiba ng masa at mapabibilis ang pagpapanday ng mga aktibista at lider masa.

Pinuna ang ilang pagkakataon kung saan ang ilang kadre at pwersang pultaym sa halip na mga lider masa ang nanguna sa pagharap sa mga target ng hayag na kumprontasyon, tulad ng pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod at pagbaka sa labis-labis na tubong komersyante.

2) Mahalaga ring higit na paunlarin ang pagdaraos ng mga asembleya bilang napakaepektibong paraan ng maramihang tuwiran at demokratikong pagpapalahok sa masa sa pagtalakay sa mga suliranin at pagbubuo ng kapasyahan, at pagkuha ng kanilang ideya at pagsang-ayon. Sa ganoon, maiiwasan ang paglilimita sa papel ng masa sa pagpapatupad ng mga desisyon at panawagang ibinababa na lamang sa kanila ng pamunuan ng mga organisasyong masa.

3) Mahalagang nalalagom ang mga karanasan pagkatapos ng bawat partikular na laban, liban pa sa pagtatapos ng kabuuang laban. Layunin nitong makamit ang pagkakaisa ng lahat sa mga positibo at negatibong aral mula sa bawat karanasan upang magsilbing gabay sa susunod pang mga rebolusyonaryong pagkilos.

PAGHANDAAN ANG KONTRA-ATAKE NG KAAWAY. Sadyang mainit sa mata ng kaaway ang mga antipyudal na pakikibaka dahil direktang hinahamon, winawasak at pinapalitan na nito ang kapangyarihang pyudal at malapyudal sa kanayunan at may mahigpit na kaugnayan ito sa armadong pakikibaka. Kaya�t sa simula�t simula pa lamang, dapat paghandaan ang posibleng ganting reaksyon ng kaaway, laluna ang paggamit ng pinagsanib na pandarahas ng mga pwersang pyudal at pasista.

Matindi ang mga pinsalang matatamo ng masa kapag hindi sapat na naisasaalang-alang at napaghahandaan ang reaksyon ng kaaway, tulad ng reaksyon nila sa kampanyang antipyudal ng 1979-1981. Dito'y nakipagsabwatan sa mga operasyong militar ang apat sa siyam na panginoong maylupa. Bunga nito, walong lider-magsasaka ang pinaslang at maraming iba pa ang pinahirapan ng mga pwersa ng militar at mga panginoong maylupa. Sa ilang baryo kung saan naging lubhang matindi ang pananalakay ng kaaway, napilitan ang masa na lumikas at tumira sa gubat.

Kailangang naihahanda ang masa sa dapat nilang gawin kung gumanti ang kaaway, kung paano organisadong haharapin ang atake ng kaaway, kung paano pangangalagaan ang seguridad ng mga lider masa at kung paano ang iba pang mga hakbanging pananggalang.

May mga pagkakataong kailangan din ang napapanahong paggamit ng rebolusyonaryong armadong pwersa o aksyong militar upang parusahan ang mga despotikong panginoong maylupa na marahas at aktibong kumakalaban sa kilusang magsasaka.

Nang paisa-isang parusahan ng BHB sa tulong ng rebolusyonaryong masa ang mga sagadsarin at may utang na dugo na panginoong maylupa, nabawasan ang mga nabiktima nila, napahinto at nanyutralisa ang iba pang kaaway sa uri na may tendensyang kumalaban sa rebolusyong agraryo at demokratikong rebolusyon.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Hunyo 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Arroyo, kandidato ng imperyalismong US sa eleksyong 2004

Kasunduang ilibre ang US sa pag-uusig sa ICC, kinundena
Pakulo sa Mindanao:
Malakanyang nagpakulo ng panlilinlang sa pagdalaw ni Arroyo

Mga Ulat Koresponsal:
Tatlong mahahalagang aral
Mga Ulat Koresponsal:
Pakikibakang agraryo sa Isabela at Cagayan:
Interes sa pautang napababa, presyo ng mais napataas

Matagumpay na opensiba ng BHB:
9 Sundalo ng 52nd Recon Coy, patay sa kontra-opensiba ng BHB

Dean Armando Malay:
Isang patriotiko at demokratikong mamamahayag at tagapagtaguyod ng karapatang-tao

Bihag na sarhento, pinalaya ng BHB
Sa Ibayong Dagat:
Mga bulaan, ibayo nang nalalantad at itinatakwil

Sa Ibayong Dagat:
Marami pang palsipikasyon

Sa Ibayong Dagat:
Paglaban sa US, lumalawak sa Iraq at Afghanistan

Sa Ibayong Dagat:
Kasakiman ng G8 sa Africa

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.