![]() | |||||||||||||||||||||||
|
|
Mahigpit at matagumpay na ipinatutupad ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusan sa buong bansa ang mga patakarang sumasaklaw sa pangangampanya para sa reaksyunaryong eleksyon sa loob ng mga rebolusyonaryong teritoryo. Ang mga patakarang ito ay nasa interes ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Ang maramihang boluntaryong aplikasyon para sa PTC ng mga kandidato at mga partido pulitikal na nagsimula ilang buwan na ang nakaraan ay malinaw na palatandaan ng masaklaw na pagkilala sa pag-iral, lakas at mga patakaran ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika. Bigo ang Malakanyang, AFP at PNP na pigilan ito. Sa pagpapatupad ng patakarang ito, malinaw na hindi kinikilala ng Partido at mga rebolusyonaryong pwersa ang reaksyunaryong sistemang pampulitika at ang mga eleksyong idinaraos nito. Gayunman, kinikilala natin na hindi pa lubusang napupuksa ang naghaharing sistema; at na sa mga rebolusyonaryong teritoryo sa malawak na bahagi ng bansa ay sabayan pang umiiral ang demokrasyang bayan at reaksyunaryong kapangyarihan. Sa gayon, nagbibigay-puwang pa rin tayo sa mga pangangampanya ng mga pulitiko sa mga rebolusyonaryong teritoryo sa balangkas ng reaksyunaryong eleksyon. Subalit gumagawa tayo ng mga hakbangin upang bawasan ang mga pinsalang idinudulot ng mga reaksyunaryong eleksyon sa mamamayan at maksimisahin ang mga taktikal na pakinabang na maaaring makuha rito ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Ipinatutupad natin, kaugnay nito, ang patakarang nag-oobliga sa lahat ng mga kandidato at mga partido nila na kumuha muna ng Permit to Campaign (PTC) o upisyal na pahintulot mula sa mga rebolusyonaryong awtoridad upang makapasok at makapangampanya sa mga teritoryong nasa ilalim ng rebolusyonaryong kontrol at impluwensya. Sa pag-aaplay para sa PTC, pumapailalim ang mga pulitiko sa rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika. Nagbibigay sila ng katiyakan na wala silang gagawing masama sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan at tatalima sila sa mga tuntuning panseguridad sa mga rebolusyonaryong teritoryo. Kabilang sa mga ito ang hindi pagsasama ng militar o pulis at hindi pagdadala ng sariling armas o mga armadong maton. Ang mga nalilikom na pondo at iba pang materyal na bagay sa pamamagitan ng PTC ay pinakikinabangan ng mamamayan at kilusan sa mga rebolusyonaryong teritoryo. Bahagi nito ay ginagamit para sa mga operasyon at pangangailangan ng Partido, BHB, mga organo ng rebolusyonaryong gubyerno at organisasyong masa. Signipikanteng bahagi rin ay inilalaan sa mga programa at proyektong pang-ekonomya, pangkalusugan, pang-edukasyon, literasi at pangkultura ng mamamayan sa mga rebolusyonaryong teritoryo. Sa ganitong paraan, nakakukuha pa rin ang mamamayan ng kongkretong pakinabang mula sa reaksyunaryong eleksyon, na malayong higit sa mga hungkag na pangako at baryang mapang-insultong ipinambibili ng boto. Sa pagharap sa mga pulitiko at partido nila, ginagamit natin ang mga prinsipyo at patakaran ng rebolusyonaryong pakikipagkaisang-prente, kabilang na ang pakikipag-alyansa sa mga elementong progresibo, patriyotiko at maka-mamamayan; at pagbubuo ng mga taktikal na alyansa sa mga sekundaryong reaksyunaryo upang ihiwalay at labanan ang mga pinakareaksyunaryo at pinakasagad-sagarang kaaway sa isang panahon. Ang patakarang ito ay bahagi lamang ng masaklaw na pagharap ng rebolusyonaryong kilusan sa reaksyunaryong eleksyon. Para sa Partido, mas saligan ang tungkuling ilantad sa mamamayan na ang eleksyon sa ilalim ng kasalukuyang reaksyunaryong sistema ay bulok, mapanlinlang at inutil. Inililinaw nating wala silang maaasahan mula rito. Itinataas natin ang kanilang kamulatan sa pamamagitan ng edukasyon at propaganda. Itinuturo nating ang tanging pag-asa para sa pundamental na pagbabago ng kanilang kalagayan ay sa pamamagitan ng pagsusulong at pagwawagi ng rebolusyonaryong pakikibaka upang wakasan ang kasalukuyang mapang-aping sistemang panlipunan at buuin ang bagong sistemang paghaharian ng demokratikong kapangyarihan ng bayan. Sa panahon na ito ng reaksyunaryong eleksyon, nagpapatuloy ang pangunahing tungkulin natin na paigtingin ang mga taktikal na opensiba at rebolusyonaryong pakikibaka sa iba't ibang larangan kahit pa isinasaalang-alang natin ang ilang mga taktikal na konsiderasyon. ![]()
|
| |||||||||
|
[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info] [Publications | Specials | Kultura | Photos] The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau of the Communist Party of the Philippines. Click here to send your feedback. |
|