Tungkol sa planong Constitutional Convention
Ang konstitusyon ng 1987 ay reaksyunaryo at nagsisilbi lamang sa interes ng mga naghaharing uri at mga dayuhang monopolyo-kapitalista. Nais ngayon itong gawing mas masahol sa pamamagitan ng pag-amyenda rito. Wala ni katiting na pakinabang na matatamo ang mamamayan mula sa planong ito.
Sa All Political Parties Conference na ipinatawag nina Macapagal-Arroyo at Speaker Jose de Venecia nitong Mayo 3-5, pinagkaisahan ang pagdaraos ng Constitutional Convention.
Ang pagbabago sa konstitusyon ay matagal nang iginigiit ng US at ng mga nagdaang rehimen.
Panloloko ang sinasabi ng mga reaksyunaryong pulitiko na ito ang lulutas sa maraming suliranin ng mamamayan. Ang totoo, tangka lamang nitong ilihis ang atensyon ng sambayanan sa ugat ng kanilang paghihirap.
Kabilang sa mga pinaplanong amyenda ang iba't ibang probisyong mag-aalis o magluluwag sa mga limitasyon sa termino ng matataas na upisyal ng gubyerno.
Isa pang signipikanteng amyenda ang pag-aalis sa mga probisyong nakasasagabal sa lubusang pagsubasta sa pambansang patrimonya at pagsasakatuparan ng mga patakaran ng imperyalistang "globalisasyon".
Nais din ng US at mga reaksyunaryong pulitiko na tanggalin ang mga probisyon na nagbabawal sa mga base militar at pagpasok ng mga armadong tropa at mga armas nukleyar. Ito'y upang mabigyan na ng buong laya ang mga tropang Amerikano na gamitin ang Pilipinas para sa mga operasyong militar ng US.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|