Mga kandidatong lumabag sa PTC, dinisarmahan ng BHB
Labing-isang armas ang nasamsam ng BHB mula sa apat na kandidato at kanilang mga armadong badigard sa apat na magkakahiwalay na operasyong pagdisarma sa pagitan ng Abril 13 at 25.
Hinarang at kinumpiskahan ng mga armas noong Abril 25 ang isang kandidato sa pagkaalkalde sa Maayon, Capiz nang balewalain nito ang paalala ng Nonito Aquirre Sr. Command ng BHB laban sa pagdadala ng mga armadong badigard sa mga sonang gerilya. Siya at isa pang kandidatong wala ring permit to campaign (PTC) ay hinarang sa isang tsekpoynt ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Bungbungan, Maayon. Nakumpiska sa kanilang mga badigard ang isang ripleng Galil at isang Uzi machine pistol.
Noong Abril 19 naman, pauwi na sana mula sa pangangampanya si Mayor Eduardo Balaod, reeleksyunista sa Tambulig, Zamboanga del Sur nang harangin siya sa tsekpoynt ng BHB sa Barangay Upper Leyson. Dahil sa tahasan niyang paglabag sa patakaran sa PTC, kinumpiska ng mga Pulang mandirigma ng Front Monterosa Command ang mga sandata ng apat niyang eskort na pulis at pribadong badigard. Nakumpiska ang dalawang M16, dalawang pistolang 9 mm at isang kalibre .45.
Sa rehiyon ng Caraga, kinumpiskahan ng mga armas ang meyor ng Loreto, Agusan del Sur at mga badigard nito noong Abril 21. Hinarang ng mga gerilya ng BHB sa ilalim ng Front Committee 34 ang meyor at ang kanyang mga badigard na dalawang sundalo, dalawang pulis at isang CAFGU sa Sityo Budiangan, Barangay Kauswagan, Loreto. Nakumpiskahan sila ng tatlong M16, isang Ingram machine pistol, isang kalibre .45 at isang desabog.
Bago ito, dalawang pulis na eskort ng kandidato sa pagkaalkade na si Armando Lunio ang kinumpiskahan ng dalawang .38 rebolber noong Abril 13 sa Sityo Greenfield, Barangay Sta. Juana, Tagbina, Surigao del Sur ng mga mandirigma ng Ka Bob Ruiz Command.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|