32 sa mahigit 300 bilanggong pulitikal, palalayain
Nangako ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) na palalayain na mula Abril 5 hanggang Mayo 4 ang 32 bilanggong pulitikal na nakakulong sa iba't ibang bilangguan sa bayan. Bahagi ito ng mga confidence-building measure na pormal na ipinaabot noong Abril 2 ni Silvestre Bello III, punong negosyador ng GRP, sa peace panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Nagtipon sa Oslo, Norway ang dalawang panel mula Marso 30 hanggang Abril 3 para sa ikalawang pagpupulong mula nang muling ilunsad ang pormal na usapang pangkapayapaan noong Pebrero.
Kabilang sa mga palalayain ang pitong babaeng bilanggo (tatlo sa kanila, mga inang nagpapasuso pa ng sanggol), sampung minor-de-edad, mga matatanda at mga may sakit. Kabilang dito si Zenaida Llesis, na nagdadalantao nang madakip sa Pagantukan, Bukidnon noong Agosto 2002. Iniluwal ni Llesis ang kanyang anak na si Baby Gabriela sa Bukidnon Provincial Jail noong 2003. Napanganak na may karamdaman sa puso si Baby Gabriela. May karamdaman din sa puso si Llesis.
Bago ito, mariing tinuligsa ni Kasamang Luis Jalandoni, pinuno ng peace panel ng NDFP, ang kabiguan ng GRP na tudpin ang komitment nitong pagpapalaya mula pa noong 2001. Naglunsad ng hunger strike ang mga bilanggong pulitikal upang igiit ang kanilang kagyat na paglaya at ipahayag ang kanilang indignasyon sa pagwawalambahala ng GRP sa kanilang kalagayan. Naunang nag-ayuno si Zenaida Llesis noong Marso 29. Sumunod nitong Abril 2 ang siyam pang mga bilanggong pulitikal sa lalawigan ng Quezon. Kagyat na sinundan sila ng 300 pang bilanggong pulitikal sa iba't ibang bahagi ng bayan sa pag-aayuno hanggang Abril 5.
Bukod sa ipinangako nang palalayaing 32 bilanggo, may 278 iba pang bilanggong pulitikal sa iba't ibang kulungan. Ang naturang mga bilanggo ay sadyang sinampahan ng mga kasong kriminal tulad ng murder at illegal possession of firearms upang hindi sila makapaglagak ng pyansa at upang maituring silang bilanggong kriminal at di bilanggong pulitikal.
Ayon sa huling paglilinawan sa pagitan ng NDFP at GRP batay sa doktina ng Korte Supreme sa kasong pampulitika ni Amado V. Hernandez, sumang-ayon ang GRP sa tindig ng NDFP na hindi dapat ikategoryang bilanggong kriminal ang nakakulong dahil sa paninindigang pulitikal.
Kabilang sa mga di pa sinasang-ayunan ng GRP na palayain sina Donato Continente at Juanito Itaas. Ang dalawa ay dinakip at ikinulong dahil sa pagkakasangkot umano nila sa pagpatay noong 1989 kay Col. James Rowe, isang espesyalista sa "kontra-insurhensya" mula pa sa gera ng �S sa Vietnam at nakatalaga sa Joint US Military Advisory Group sa Pilipinas. Mahigpit na tinututulan ng gubyernong US ang pagpapalaya sa dalawa kahit mahigit 15 taon na silang nakakulong at may karapatan nang magawaran ng parole.
Gayundin ang tinaguriang "Mamburao 6"�ang mga magsasakang sina Manolito Matricio, Eduardo Hermoso, Ruben Balaguer, Mario Tobias, Joshua Ungsod at Gelito Bautista. Noong 1998 pa sila nakakulong sa bintang na pagpatay sa magkapatid na Michael at Paul Quintos sa Mindoro noong 1997, samantalang hayagang inako ng Bagong Hukbong Bayan ang pagpataw ng parusang kamatayan sa magkapatid dahil sa kanilang malalaking kasalanan sa mamamayan.
Bukod sa pagpapalaya sa 32 detenido, kabilang sa confidence-building measures ng rehimeng Arroyo ang komitment ng GRP na gumawa ng mga paraan para tiyakin at madaliin ang pagbibigay sa 10,000 biktima ng diktadurang Marcos ng indemnipikasyon mula sa mga nasekwester na nakaw na yaman ng mga Marcos.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|