Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Yayanigin ng mamamayan ang rehimeng US-Arroyo

 Read this article in English

Walang pakundangan ang rehimeng US-Arroyo sa pagsasakatuparan nito ng mga patakarang lalong pumipiga at nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Ito ang tanging solusyon ng makadayuhan, anti-mamamayan at bulok na rehimen sa harap ng kinakaharap nitong masidhing krisis sa ekonomya at pananalapi ng estado.

Ang krisis na ito ay tanda ng lalo pang pagdausdos ng buong naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal na pinangangasiwaan ng rehimen. Ang pagsidhi nito sa nagdaang mga taon ay bunsod ng bulag na pagsunod ng rehimeng US-Arroyo sa International Monetary Fund sa pagsasakatuparan ng liberalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon at denasyunalisasyon.

Walang ibinunga ang mga patakarang ito kundi ang malawakang pagkawasak ng mga produktibong pwersa, malawakang disempleyo at papahigpit na dayuhang kontrol sa produksyon at yaman ng bansa. Binigyang-laya nito ang mga lokal at dayuhang monopolyo, katuwang ang mga naghaharing uri, na pumiga ng sobra-sobrang tubo at pakinabang mula sa mamamayan. Lalong malupit ang pandarambong sa bansa ng imperyalismo sa harap ng ibayong paglala ng pandaigdigang krisis ng monopolyong kapitalismo.

Lalo pang pinasisidhi ang kaapihan at paghihirap ng mamamayang Pilipino ng grabeng burukratikong korapsyon ng rehimeng Arroyo at pagprayoritisa nito ng pagpopondo sa pasistang makinarya at pagpapaigting ng "gerang kontra-terorismo" laban sa mamamayan.

Labis-labis ang desperasyon ng rehimen na makaahon mula sa kinasasadlakang malalim na krisis sa pananalapi at ekonomya. Nagkukumahog ito ngayong makaipon ng sapat na pondo para palutangin ang naghihingalong sistema sa pamamagitan ng pagpataw ng napakaraming dagdag na buwis. Pahihintulutan nito ang walang pakundangang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Lalo nitong binabarat ang pondo para sa mga batayang serbisyo. Hinahadlangan nito ang matagal nang iginigiit na pagtataas sa sahod ng mga manggagawa at kawani. "Maghigpit ng sinturon," ang sinasabi nito sa hikahos nang mamamayan habang nagpapakasasa sa napakatataas na sweldo at benepisyo ang pinakamatataas na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno at patuloy nilang nilulustay ang pampublikong pondo.

Ang mga hakbanging ito ng rehimeng US-Arroyo ang mismong magtutulak sa mamamayang Pilipino na magkaisa laban sa paghahari nito. Ito ay mag-uudyok ng malakas na daluyong ng protesta. Yayanigin nito ang poder ng rehimeng Arroyo hanggang sa iatras nito ang mga balak ipataw na buwis at iba pang pahirap sa mamamayan.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa ay nasa gitna ng pagdaluyong ng malawak na protesta ng sambayanan na yayanig sa rehimeng US-Arroyo. Iminumulat at pinupukaw nila ang isip ng mamamayan at itinataas ang kanilang militanteng diwa. Ipinaliliwanag nila na walang ibang masusulingan ang mamamayan kundi ang lumaban upang pigilan ang lalo pang pang-aapi sa kanila ng mga naghaharing uri. Ipinakikita nila na kailangang kumilos at ubos-kayang tutulan ng mamamayan ang mga ipinapataw na pahirap ng reaksyunaryong gubyerno.

Dahil sa tindi ng krisis ng naghaharing sistema, malawak ang hanay ng mamamayang nakahandang lumaban sa iba�t ibang paraan. Maging ang pambansang burgesya ay nauudyok na makipagtulungan sa rebolusyonaryong kilusan upang buuin ang masaklaw na pagkakaisang patriyotiko.

Responsibilidad ng mga rebolusyonaryong pwersa na buuin ang malawak na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino laban sa mga makadayuhan at anti-mamamayang patakaran ng rehimeng Arroyo. Paborable ang kundisyon upang mabuo ang malawak na pagkakaisa laban sa deregulasyon ng industriya ng langis at iba pang mga batas na nagbibigay sa mga dayuhan ng buong layang dambungin ang yaman ng Pilipinas. Marapat ding buuin ang malawak na pagkakaisa laban sa mga maanomalyang dayuhang pautang.

Ang pagsidhi ng krisis sa ekonomya at pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayang Pilipino ay malinaw na nagpapakita ng pangangailan para sa rebolusyonaryong pakikibaka upang wakasan ang kasalukuyang bulok na sistema at itayo ang bago, progresibo, malaya at maunlad na sistema. Kung gayon, responsibilidad ng mga rebolusyonaryong pwersa na puspusang isiwalat at ipaliwanag sa lahat ng panahon at pagkakataon, sa mga baryo, komunidad, pabrika at mga paaralan ang alternatibong programa ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng National Democratic Front.

Sa mga darating na buwan, kabi-kabilang sisiklab ang apoy ng mga protestang bayan. Ang mga lansangan sa kalunsuran ang magiging larangan ng paglaban ng mga manggagawa at kawani para sa karagdagang sahod; ng karaniwang mamamayan laban sa pagtaas ng presyo ng mga produktong langis, singilin sa kuryente at tubig, at laban sa mga karagdagang buwis at iba pang pahirap ng rehimeng US-Arroyo. Sa kanayunan, patuloy na raragasa ang pakikibaka ng masang magsasaka laban sa malawakang pangangamkam ng lupa at para sa tunay na reporma sa lupa.

Kaalinsabay nito, patuloy na puspusang isusulong ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kanayunan. Ang mga taktikal na opensiba ng BHB laban sa armadong haligi ng reaksyunaryong naghaharing sistema ay ambag sa pakikibaka ng mamamayan laban sa pang-aapi at pagpapahirap sa kanila ng rehimeng US-Arroyo.

 


 Back to topNext article

21 Setyembre 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Yayanigin ng mamamayan ang rehimeng US-Arroyo
Itaas ang antas ng pakikibaka para sa makabuluhang dagdag na sahod
3,000 dagdag na sweldo, iginigiit ng mga manggagawang pangkalusugan
Rebolusyonaryong patakaran sa enerhiya
Singil sa kuryente itataas na naman
Sa gitna ng matinding pagkakabaon sa utang
Malalang katiwalian at kabulukan sa Napocor

Walang kahihiyang pagpapakasasa
Kumperensya ng tagumpay sa Hilagang-Silangang Luson
BHB, umaani ng tagumpay sa Samar
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.