Hinggil sa taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada at ang hungkag na Kaliwang retoriko ni Lagman
Ang pagtataguyod ng taktikal na alyansa sa pagitan ng mga patriyotiko at demokratikong pwersa at ng mga reaksyunaryong wala sa poder laban sa rehimeng Estrada ay alinsunod sa rebolusyonaryong prinsipyo ng nagkakaisang prente, sa partikular, sa prinsipyo ng pagsasamantala sa mga hidwaan sa hanay ng mga reaksyunaryo upang ihiwalay at labanan ang reaksyunaryong nasa poder.
Ang kawastuan nito ay ipinakikita kapwa ng lawak ng pwersang kabilang sa prenteng anti-Estrada at sa kakayahan nitong magpakilos ng daan-daan libong mamamayan sa buong bansa; at sa pamamagitan ng negatibong halimbawa, ng pagkakahiwalay ng mga Contra, laluna ang Sanlakas at BMP, na sa pagtatangkang iligaw ang mamamayan ay nanawagan ng pagbibitiw hindi lamang ni Estrada, kundi pati ni Gloria Macapagal-Arroyo, bise-presidente ng reaksyunaryong gubyerno at kabilang sa mga pwersang lumalaban kay Estrada.
Sa pakikitungo sa mga reaksyunaryong anti-Estrada, kinakailangan kapwa ang pakikipagkaisa at pakikipagtunggali. Habang kinikilalang ang kampong Arroyo-Aquino-Ramos ay kaisa sa pakikibakang anti- Estrada, hindi itinatago ang katotohanang sa saligan sila ay reaksyunaryo katulad ni Estrada. Hindi isinusuko ang saligang interes ng mamamayan, bagkus, lalo pa itong mahigpit na pinanghahawakan at iginigiit.
Batid ng mga rebolusyonaryong pwersa na ang pakikibakang anti-Estrada ay hindi katumbas, ngunit kaakibat ng kabuuang pagsisikap na ibagsak ang naghaharing sistema. Hindi hamak na mas simple at mabilis ang pagpapabagsak sa isang papet na nasa poder kaysa pagpapabagsak ng buong reaksyunaryong naghaharing sistema. Nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na labanan ang papet na rehimeng Estrada at lahat ng papet na susunod pa sa kanya, habang tuluytuloy na nag-iipon ng organisado at armadong lakas hangga't sapat na ito upang ibagsak ang buong sistema. Habang pinupukaw at pinakikilos ang mamamayan upang ibagsak ang gubyernong Estrada, walang pagod ding inililinaw ang pambansa-demokratikong programa at inoorganisa at pinakikilos sila sa rebolusyonaryong landas.
Sa pagtatangkang hatiin ang pagkakaisang anti- Estrada at desperasyong pulaan ang wastong rebolusyonaryong patakaran sa nagkakaisang prente, iginigiit ni Filemon "Popoy" Lagman at ng Sanlakas-BMP, mga huwad na Kaliwang organisasyon at kilalang manggagantso sa kilusang paggawa sa Maynila, na ang patakaran ng taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong anti-Estrada ay pagbaling sa repormismo at kolaborasyunismo. Nais nilang palabasin na ang pagkilala sa mahalagang papel ni Macapagal-Arroyo sa pakikibakang anti-Estrada ay pag-endorso sa kanya at pagsuko ng "nagsasariling linyang maka-uri".
Gayunpaman, sa kabila ng kanilang retorikang nagpapanggap na mas kaliwa pa sa Kaliwa at pinaghalu-halong mga islogan, hindi maitatago ni Lagman ang kanilang sagad-sa-butong repormismo. Dahil sa katuus-tuusan, ang sinasabi nilang "totoong kahilingan ng mamamayan para sa tunay na pagbabago" ay walang kinalaman sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka upang ibagsak ang naghaharing sistema. Matapos mamalat sa kasisigaw para sa pagbibitiw ng mga pangunahing upisyal ng pamahalaan at para "ibagsak ang gubyerno" ang gusto lamang pala nila ay magpatawag ng dagling eleksyon na sa palagay ni Lagman ay siyang "mas makabuluhang pakikibaka" at paraan upang makamit ang "tunay na pagbabago". Matapos mamalat sa kasisigaw para sa pagbibitiw ng mga pangunahing upisyal ng pamahalaan at para ibagsak ang gubyerno ang gusto lamang pala nila ay magpatawag ng dagling eleksyon na sa palagay ni Lagman ay siyang mas makabuluhang pakikibaka at paraan upang makamit ang "tunay na pagbabago". |
Mabuti't maagap na inilantad at binatikos ng mga rebolusyonaryong pwersa ang iskemang ito ni Lagman. Sa pamamagitan nito, hindi lamang nabigo si Lagman na hatiin ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada, nawalis pa ito sa gilid-gilid at nahiwalay sa agos ng protesta. Upang muling makagitna at maka-eksena, binitiwan na ng Sanlakas-BMP ang panawagan para sa pagbibitiw ni Macapagal-Arroyo at pinalitan ito ng mas nakapanlilinlang na islogang "patalsikin si Estrada ngunit hindi sapat ang pagpapatalsik lamang". Binago nang kaunti ang tono upang puntiryahin ang mga "trapo" o mga tradisyunal na pulitiko na umano y siyang ugat ng bulok na sistemang pampulitika (na para bang si Lagman mismo ay hindi isang "trapo" na nakisosyo sa mga burukrata sa pagbulsa ng milyun-milyong piso kapalit ng pagbebenta ng pakikibaka ng mga manggagawa at maralitang lunsod). Isang malaking repormistang ilusyon ang pagsabing makakamit ang "tunay na pagbabago sa sistemang pampulitika" sa labas ng balangkas ng rebolusyonaryong pagpapabagsak sa naghaharing reaksyunaryong sistema.
Si Lagman at ang Sanlakas-BMP ay nagbibigay ng espesyal na serbisyo sa gubyernong Estrada sa pamamagitan ng pagtatangkang hatiin ang nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Iwinawasiwas nila ang bandila ng pakikibakang anti-Estrada para lamang ito'y ikubli o tabunan ng iba't iba pang bandilang iwinawasiwas nila sa ngalan ng "pagpapataas at pagpapalalim" ng pakikibaka. Pinalalapad nito ang target ng galit ng mamamayan upang papurulin ang tudlo ng protesta.
Hindi dapat pahintulutan si Lagman at ang Sanlakas-BMP na walang hadlang na maghasik ng lason laban sa nagkakaisang prenteng anti-Estrada at laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa wastong mga prinsipyo nito. Kailangang tuluy-tuloy na ilantad ang kabulukan ng pangkating Lagman at ang mga kontrarebolusyonaryong mga prinsipyo at gawain nito.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|