Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa matagumpay na pag-aalsang EDSA laban sa rehimeng Estrada

 Read this article in English

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Enero 20, 2001

Maalab na binabati ng Partido Komunista ng Pilipinas ang maning ning na tagumpay ng pag-aalsang bayan na nagpatalsik sa kinamumuhian at bulok na rehimeng Estrada. Higit sa anupaman, kagitingan ng taumbayan ang mabilis na nakapagpaalis kay Estrada sa Malakanyang.

Ang EDSA 2, gaya ng EDSA 1, ay kapuri-puring tagumpay ng pakikibakang bayan. Gayunman, masidhing hangad ng sambayanan na hindi maulit na naman ang kanilang pagkaunsyami sa mga pagbabagong ipinangako ng EDSA 1.

"Pananagutan ng gubyernong Macapagal-Arroyo na ilagay sa sentro ng kanyang pamamahala ang adyendang bayan, laluna ang mga pagbabagong matagal nang ipinaglalaban ng masang labis na naghihikahos at inaapi..."

Ang masang sumugod nang walang takot para patalsikin si Estrada ay hindi masisiyahan sa mga pagpapakitang-tao at konswelo de bobo lamang. Lubos na karapatan nilang hingin sa gubyernong Macapagal-Arroyo ang seryosong pagtataguyod ng mga pagbabago sa bansa at lipunan.

Pananagutan ng gubyernong Macapagal-Arroyo na ilagay sa sentro ng kanyang pamamahala ang adyendang bayan, laluna ang mga pagbabagong matagal nang ipinaglalaban ng masang labis na naghihikahos at inaapi. Kabilang dito ang mga sumusunod:

  1. Agad na pag-usig kay Estrada at mga kroni niya dahil sa pandarambong at iba pang krimen. Pagbawi ng kanilang nakaw na yaman para itustos sa mga programang tunay na para sa mahirap.
  2. Puspusan at sinserong kampanya laban sa korupsyon at katiwalian sa gubyerno.
  3. Kagyat na remedyo at matagalang pagpapabuti sa hanapbuhay, sahod, pabahay at mga serbisyong panlipunan para sa mga maralita ng lunsod at kanayunan.
  4. Tunay na reporma sa lupa para sa masang magsasaka.
  5. Pagtatakwil sa patakaran ng denasyunalisasyon, deregulasyon, liberalisasyon, kontraktwalisasyon, kaswalisasyon at iba pang anyo ng pambubusabos na bunga ng imperyalistang globalisasyon.
  6. Pagtatakwil sa militarisasyon, militarismo at total war. Sinserong pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaanng GRP at NDF na sinabotahe ng rehimeng Estrada.
  7. Katarungan sa mga biktima ng militarisasyon, militarismo at total war. Pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal.
  8. Pagsasaisantabi ng VFA at paglaban sa panghihimasok ng US sa panloob na usapin ng bansa.

Kahit napatalsik na si Estrada, nagpapatuloy ang malubhang sosyoekonomikong krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang krisis na ito, maliban sa labis na kasakiman at arogansya ng pangkating Estrada, ang nasa likod ng krisis at pagbagsak ni Estrada pagkaraan ng dalawa at kalahating taon lamang.

Kahit napatalsik na si Estrada, nagpapatuloy ang malubhang sosyo-ekonomikong krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Ang Partido Komunista at Bagong Hukbong Bayan ay patuloy at higit pang determinadong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at digmang bayan hanggang sa ganap na tagumpay. Kaalinsabay, higit din kaming determinadong makipagkaisa at makipagtulungan sa lahat ng pwersa, grupo at elementong demokratiko, progresibo at sinsero para ipaglaban ang pambansa at demokratikong kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang magiting na sambayanang Pilipino!

Ipagpatuloy ang pakikibaka hanggang makamit ang tunay na demokrasya, pambansang kalayaan, at kaunlaran!

Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang ganap na tagumpay!




Ang pagbabagsak sa rehimeng US-Estrada at mga tungkulin sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Ipinagdiriwang ng mamamayang Pilipino ang tagumpay sa pagbabagsak sa rehimeng US-Estrada. Sa pamamagitan ng malapad na pagkakaisa at pagkilos ng daan-daan libong mamamayan sa EDSA at mga lansangan sa iba�t ibang bayan sa buong bansa, winakasan ng mamamayang Pilipino ang walang patumanggang paghahari ng krimen, korupsyon, pasismo at pagpapakatuta sa ilalim ng rehimeng US-Estrada.

Mulat ang Partido na hindi nilulutas ng pagpapatalsik kay Estrada ang mga saligang suliranin ng mamamayang Pilipino na nagbunsod ng kasalukuyang napakasidhing krisis pampulitika at pang-ekonomya. Kung kayat kinakailangang ipagpatuloy ng mamamayang Pilipino ang mahigpit na pagtangan sa kanilang pambansa at demokratikong interes at paigtingin ang rebolusyonaryong pakikibaka sa lahat ng larangan sa buong bansa.

Ang malawakang mga demonstrasyon sa buong bansa ang nagpabagsak sa rehimeng US-Estrada

Pinabagsak ang rehimeng US-Estrada ng malawakang mga demonstrasyon mula noong Nobyembre 2000 na humantong nitong Enero 17-20 sa pagkilos ng daan-daan libong mamamayan sa buong bansa, kabilang ang dambuhalang demonstrasyon sa EDSA.

Inihanda ito ng tuluy-tuloy na mga pakikibakang masa mula 1998 at laluna ng mga panawagan ng mga pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan simula maagang bahagi ng 2000 para wakasan ang rehimeng US-Estrada. Ibayong pinabilis ang paglawak ng mga demonstrasyon sa lansangan nang kumalas si Gob. Luis Singson mula sa kampo ni Estrada noong Oktubre 2000 at ibinunyag ang mga katiwalian at kriminal na aktibidad ni Estrada.

Naging posible ang malalaking demonstrasyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malapad na nagkakaisang prenteng anti-Estrada. Binuo ito pangunahin ng mga batayang pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan, ng mga pwersa ng petiburgesya, sa pangkalahatan, at panggitnang burgesya na kritikal sa mga kabulukan ng naghaharing sistema at ng mga reaksyunaryong anti-Estrada. Taliwas sa nais palabasin ng mga reaksyunaryong pulitiko, hindi ang pagbaligtad ng pamunuan ng AFP at PNP noong Enero 19 ang mapagpasyang salik sa pagbabagsak kay Estrada. Katunayan, ang pagbaligtad na ito ng militar at pulisya ang huling akto ng pagbagsak ng gubyernong Estrada. Sa pagtalikod kay Estrada ng AFP at PNP, binaklas ng mamamayan ang huling haliging sumusuporta kay Estrada. Matapos nito, naging sekundaryo na lamang ang kabuluhan ng aktwal na pagbibitiw ni Estrada.

Isinagawa ng buong pamunuan at organisasyon ng militar at pulisya ang pagtalikod kay Estrada alinsunod sa utos ng mga ahente ng Pentagon na noo�y nakahimpil sa embahada ng US sa Pilipinas. Pangunahing inaalala ng imperyalismong US ang peligro na magkaroon ng mayor na pagbiyak sa militar at pulisya lalupa�t laganap ang disgusto kay Estrada ng mga panggitnang upisyal sa AFP at PNP at may plano ng pag-aresto sa mga upisyal na maka-Estrada kabilang ang hepe ng PNP na si Gen. Panfilo Lacson.

Pinakilos ng imperyalismong US ang militar at pulisya dahil nag-aalala ito sa todong pagbwelo ng mga demonstrasyon sa lansangan simula noong gabi ng Enero 16 at sa pagtangan ng mga organisasyong masa ng buong inisyatiba sa pagbabagsak kay Estrada. Tiniyak nitong magkakaroon ng makinis na transisyon mula kay Estrada patungo kay Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng AFP/PNP at pananawagan ni Gen. Angelo Reyes, hepe ng AFP, na bigyan ng "marangal na paglabas" si Estrada mula sa poder.

Ginawa ang "pagmamatigas" ni Estrada mula gabi ng Enero 19 hanggang paglabas niya ng Malakanyang noong hapon ng Enero 20, sa kabila ng katotohanang bumagsak na ang kanyang gubyerno, upang bigyangdaan ang negosasyon at pagkikinis ng mga usapin para sa "marangal na paglabas" ni Estrada. Isa sa mga pangunahing usapin dito�y ang pangangalaga sa interes ni Eduardo "Danding" Cojuangco na kinatawan ni Sec. Orlando Mercado at dating Exec. Sec. Edgardo Angara.

Tinangkang paliitin ang papel ng mga demonstrasyon sa lansangan sa pamamagitan ng isinagawang konspiratoryal na negosasyon sa pagitan ng kampo ni Estrada at ng mga reaksyunaryong partidong bumubuo ng United Opposition. Ang huli ay binuo, pangunahin, ng partidong Lakas-NUCD na pinamumunuan ni Ramos at Macapagal-Arroyo. Hindi isinama rito ang mga pwersa na nagorganisa ng mga demonstrasyon bukod pa sa ibang mga reaksyunaryong partidong anti-Estrada. Gayundin, tinangkang pangunahan ng mga reaksyunaryong konspirador ang martsa sa Mendiola na nakatakda sa umaga ng Enero 20 sa pamamagitan ng pananawagan sa mga demonstrador na manatili sa EDSA at pagmamadaling pasumpain si Macapagal-Arroyo sa kabila ng mga di resolbadong usaping ligal.

Naigiit ni Estrada sa negosasyon na hindi niya lilisanin ang Malakanyang sa loob ng 5-7 araw. Katunayan, nakahanda si Macapagal-Arroyo na maghintay nang ganito katagal bago siya pumasok sa Malakanyang kahit pa tapos na siyang sumumpa bilang presidente. Isinugal ito nina Macapagal-Arroyo sa kabila ng posibilidad na makapag-organisa si Estrada ng mga kontra-hakbangin sa pamamagitan ng pondo at suporta ni Danding Cojuangco.

Mahusay na nagkaisa ang mga pwersang Kaliwa at Panggitna sa nagkakaisang prenteng anti-Estrada upang maituloy ang martsa sa Mendiola nang hindi nakikipaghiwalay sa mga pwersa sa EDSA. Kalakhan ng halos 100,000 demonstrador sa EDSA noong umaga ng Enero 20 ay sumama sa martsa patungo sa Mendiola taliwas sa panawagang huwag nang umalis ng EDSA.

Ang militanteng demonstrasyon sa Mendiola ng ilampung libong mamamayan ang naging mapagpasyang salik upang kagyat na lisanin ni Estrada ang Malakanyang. Sa pangamba na muling mapasakamay ng kilusang masa ang inisyatibang pampulitika, mismong sina Gen. Angelo Reyes at Gen. Jose Calimlim ang pumasok sa Malakanyang upang iligtas si Estrada mula sa posibleng kahihiyang ibubunga ng pwersahang pagsipa sa kanya mula sa palasyo ng demonstrasyong anti-Estrada at "may dangal" siyang ihatid palabas patungo sa kanyang mansyon sa San Juan.

Patuloy na sisidhi ang krisis panlipunan sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo

Mulat ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan sa kasalukuyang umiiral na balanse ng mga pwersang pampulitika at maka-uri at wala itong oportunistang ilusyon na magaganap ang rebolusyonaryong pagbabago o na maaari itong makipaghatian sa kapangyarihang pampulitika bunga ng pagbabagsak sa rehimeng US-Estrada. Humalili si Gloria Macapagal-Arroyo bilang pangulo ng reaksyunaryong gubyerno sa batayan ng konstitusyon ng 1987 na itinataguyod ng nakararaming pwersa sa naghaharing uri sa layuning kagyat na lutasin ang masidhing krisis pampulitika.

Naupo si Macapagal-Arroyo sa panahong ang naghaharing sistema ay dumaranas ng napakasidhi at nagpapatuloy na krisis panlipunan na kinatatangian ng malalim na lamat sa pagitan ng iba�t ibang paksyon sa naghaharing uri, krisis sa ekonomya at pinansya, ibayong pasistang lupit ng estado, malawakang disgusto ng mamamayan dulot ng laganap na kahirapan at kaapihan at ng patuloy na lumalakas na rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa buong bansa.

Patuloy na iiral ang materyal na batayan ng paksyunalisasyon ng naghaharing uri. Ang masidhing krisis sa ekonomya ay nagpapakipot ng puwang para sa mahinahong paghahatian ng iba�t ibang mga paksyon sa pakinabang at mga pribilehiyo. Sa isang panig, nagmamadaling makabalik sa poder ang mga pulitiko at malalaking negosyante na nakinabang sa ilalim ng rehimeng Ramos at Aquino at niyapakan sa ilalim ng rehimeng Estrada. Bukod dito�y napakabigat ng pananawagan ng mamamayan upang litisin at parusahan lahat ng mga nasangkot sa korupsyon, mga katiwalian at gawaing kriminal sa ilalim ng rehimeng Estrada. Sa kabilang panig, sa ngalan ng "paghihilom ng sugat", mayroong mga binubuong kaayusan upang panatilihin sa poder ang ilang tauhan ni Estrada, sa partikular yaong itinalaga ni Danding Cojuangco upang bigyang-proteksyon ang kanyang malawak na imperyo.

Gayundin, may malalim na pagkakahati-hati sa loob ng militar. Katunayan, noong mga araw ng Enero 17-20, mayroong di bababa sa pitong paksyon na kumilos nang hiwalay sa isa�t isa. Lahat ng ito�y kumakatawan sa iba�t ibang reaksyunaryong pulitiko na umaasang mapangangalagaan at maitataguyod ang kani-kanilang interes.

Inaasahan kahit ng mga reaksyunaryong ekonomista na magpapatuloy ang krisis sa ekonomya. Nakasalampak sa lupa ang lokal na negosyo at ang dayuhang pamumuhunan, hindi pa dahil sa "kawalan ng kumpiyansa" sa nakaraang gubyerno, kundi bunga ng pandaigdigang krisis na kinatatangian ng pagputok ng bula ng ekonomya ng US, ang patuloy na krisis sa Japan, pag-ipit ng pondo mula sa mga dayuhang institusyong pampinansya at malawakang pagkawasak ng mga pambansang ekonomya bunga ng liberalisasyon at mga patakarang dikta ng WTO. Said na said ang pondo ng gubyerno. Inaasahang ang kabuuang naitalang depisito sa badyet noong nakaraang taon ay aabot sa mahigit P120 bilyon; at inaasahang ito�y patuloy na lolobo sa mahigit P200 bilyon sa taong ito.

Sa kabilang panig, patuloy na dumaranas ng napakasidhing kahirapan at kaapihan ang mamamayang Pilipino. Humahagupit sa masang anakpawis ang mga suliranin ng disempleyo at tanggalan sa trabaho, kakulangan ng sahod, malawakang pangangamkam ng lupa sa kanayunan, patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at mga karaniwang bilihin, kawalan ng disenteng pabahay at iba pang suliranin sa kabuhayan. Ang masang anakpawis ang pangunahing target ng ubod-nang-lupit na kontra-rebolusyonaryong digma, laluna sa kanayunan.

Ibayong magiging malinaw sa darating na panahon ang katotohanang ang krisis sa pulitika at ekonomya ay hindi lamang bunga ng malawakang korupsyon, kabulukan at panunupil ng nagdaang paghahari ng pangkating Estrada; kundi ng patuloy na dominasyon at pagsasamantalang imperyalista at pangangayupapa dito ng lokal na mga naghaharing uri.

Ang paghihirap at pambubusabos sa mamamayang Pilipino ng malalaking dayuhang korporasyon, ng lokal na malalaking kapitalista at malalaking panginoong maylupa ay tuluy-tuloy na mag-uudyok sa kanila na bagtasin ang rebolusyonaryong landas ng pagbabago ng lipunan.

Paigtingin ang rebolusyonaryong pakikibaka

Si Gloria Macapagal-Arroyo ang kasalukuyang hepe ng neokolonyal na papet na gubyerno. Kinakatawan ng kanyang rehimen ang interes ng dayuhang monopolyong kapitalismo at ng mga lokal na naghaharing uring malalaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa.

Gayunpaman, ang gubyernong Macapagal-Arroyo ay natatangi dahil itinayo ito sa batayan ng lakas ng isang demokratikong kilusang masa na nagpabagsak sa kinamumuhiang bulok na gubyernong Estrada. Nasa gulugod ng kilusang masang ito ang nagkakaisang prente ng masang anakpawis, petiburgesya at pambansang burgesya at mga anti-Estradang reaksyunaryo.

Sa simula ng kanyang paghahari, maaaring gumawa si Macapagal-Arroyo ng mga hakbangin at maglabas ng mga patakarang tumutugon sa ilang demokratikong kahilingan ng nagkakaisang prenteng nagluklok sa kanya sa poder upang himukin ang tulong nito sa panahong kinokonsolida ang kanyang rehimen. Nakaugnay rito ang mga naunang deklarasyon ng malaking negosyo na ihihinto ang tanggalan sa trabaho ng mga manggagawa gayundin ang deklarasyon ni Macapagal-Arroyo sa kanyang unang araw na ititigil ang tanggalan sa trabaho ng mga kawani ng pamahalaan.

Maaaring magpunyagi ang mga pambansa-demokratikong pwersa sa isang kritikal na alyansa sa rehimeng Macapagal-Arroyo sa kundisyong kagyat na ipatutupad ng kanyang gubyerno ang mga demokratikong hakbanging kinabibilangan ng sumusunod:

  1. Ang pag-aresto, paglilitis at pagparusa kay Estrada, sa mga Marcos at lahat ng pinakamalalaking kroni at mandarambong upang isuko nila ang kanilang mga ninakaw na yaman. Ang pagtigil sa mga sikretong negosasyon kabilang yaong sa pagitan ng gubyerno at ng mga Marcos.
  2. Ang pagbibigay ng indemnipikasyon o bayad-pinsala sa lahat ng biktima ng batas militar at total war.
  3. Ang pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal, kabilang na si Donato Continente at Juanito Itaas na kapwa nakabilanggo nang lagpas na sa kanilang binawasan nang sentensya.
  4. Ang pagbasura sa Oplan Makabayan, Oplan Balangai, Oplan Pisces Alpha at iba pang mga kampanyang militar na sumusupil sa mamamayan at lumalapastangan sa kanilang kabuhayan at mga karapatan.
  5. Ang pagbasura sa mga antinasyunal at anti-mamamayang batas at programa kabilang na ang Foreign Investments Act, ang Mining Act, ang Retail Trade Liberalization Law, ang mga patakarang alinsunod sa General Agreement on Tariffs and Trade at mga dikta ng World Trade Organization.
  6. Ang pagpigil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pagsasakatuparan ng isang batas sa pagkontrol sa presyo ng gasolina na hindi nagpapataw ng karagdagang pasanin sa mamamayan.
  7. Ang pagsasakatuparan ng P125 na karagdagan sa arawang sahod ng mga manggagawa. Ang pagsasakatuparan ng mga programa sa pabahay, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan.
  8. Ang pagtigil sa malawakang pagpapalit-gamit ng lupa ng mga panginoong maylupa at sa misrepresentasyon bilang "reporma sa lupa" ng iba�t ibang iskema tulad ng "korporatibismo".
  9. Ang pagrespeto at pagsasakatuparan ng mga naunang kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP mula sa The Hague Joint Declaration of 1992 hanggang sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ng 1998.
  10. Ang pagtigil sa lahat ng nakatakdang mga pagsasanay-militar sa pagitan ng US at Pilipinas at pagpapawalambisa sa Visiting Forces Agreement, Mutual Defense Treaty at lahat ng iba pang di pantay na kasunduan.

Nauna nang idineklara ng Partido Komunista na nakahanda ang National Democratic Front of the Philippines na muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng GRP. Marapat na ang unang paksa ng pag-uusap ay ang pagsasakatuparan ng lahat ng nauna nang pinirmahang kasunduan.

Nakahanda rin itong tanggapin ang mga emisaryo ng GRP upang pag-usapan ang pagpapalaya sa mga bihag ng digmang pinabayaan ng rehimeng Estrada. Sa gayunding diwa, inaasahan ng NDFP na gagawa ang GRP ng mga hakbangin upang palayain ang mahigit pang 200 mga bilanggong pulitikal.

Habang nagtatagal, liliit ang kabuluhan ng mga pangako at deklarasyon ni Macapagal-Arroyo na tugunan ang mga pambansa at demokratikong kahilingan ng mamamayan kaalinsabay ng pagkokonsolida niya ng kanyang rehimen sa batayan ng anti-mamamayan, maka-imperyalista at pasistang mga patakaran at programa. Ang karanasan at tagumpay ng mamamayan sa pagbabagsak sa rehimeng US-Estrada ay nagtaas ng kanilang militansya at kakayahan upang labanan ang anumang hakbangin ng gubyernong Macapagal-Arroyo na yuyurak sa kanilang kapakanan at mga karapatan.

Kailangang patatagin ng mamamayan ang kanilang mga organisasyon, sistematikong lagumin ang kanilang karanasan sa pagbabagsak kay Estrada at panghawakan nang buong-higpit ang kanilang interes.

Determinado at may kakayahan ang Partido at ang buong rebolusyonaryong kilusan na anihin ang mga tagumpay ng pakikibakang anti-Estrada at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa lahat ng larangan. Patuloy na paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang armadong pakikibaka sa lahat ng larangang gerilya sa buong bansa sa pamamagitan ng paglulunsad ng paparami at papalaking mga taktikal na opensiba. Nananatiling target ang pinakamalalaking kroni at mandarambong na nakinabang sa ilalim ng rehimeng US-Estrada, gayundin, ang kinamumuhiang mga yunit militar na may mga utang na dugo sa mamamayan. Ang mga umiiral na kundisyong panlipunan, laluna sa kanayunan, ay patuloy na nagtuturo sa mamamayan sa kawastuan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Kaalinsabay nito, walang patid na isusulong ang mga pakikibakang antipyudal sa kanayunan, ang pagbubuo ng mga rebolusyonaryong baseng masa, ang pagpapalawak ng pambansang nagkakaisang prente at pagpapalakas ng Partido Komunista at hukbong bayan.

Nakahanda ang buong rebolusyonaryong kilusan na samantalahin ang anumang pihit sa pampulitikang sitwasyon at makipagtulungan sa lahat ng mga pwersa o grupo sa loob at labas ng gubyerno upang isulong ang interes ng sambayanang Pilipino.

 


 Back to top 

22 Enero 2001
Edisyong Pilipino


Pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa matagumpay na pag-aalsang EDSA laban sa rehimeng Estrada
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.