Singil sa kuryente itataas na naman
May dagdag na namang babalikatin ang mamamayan mula sa di maawat na pagkalugi ng Napocor. Kasabay ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina, LPG, pagkain at iba pang bilihin at serbisyo, muli na namang tataas ang singil sa kuryente.
Inaprubahan ng Energy Regulatory Commission nitong Setyembre ang petisyon ng Napocor na itaas nang 98 sentimos kada kilowatt-hour (kWh) ang kuryenteng ibinebenta nito sa mga power distributor tulad ng Meralco. Ipapasa lamang ng mga distributor tulad ng Meralco at mga kooperatiba sa kuryente ang pagtaas na ito. Dahil dito, tinataya ang matarik at dramatikong pagtaas sa singil sa kuryente sa unang bahagi ng 2005.
Bukod sa Meralco, ilan pa sa mga kumukuha ng kuryente sa Napocor ang Visayan Electric Co., Cagayan de Oro Power and Light Co., Davao Light and Power Co. at ang mga electric cooperative sa mga prubinsya.
Ang 98 sentimos na pagtataas ay 40% ng kasalukuyang singil ng Napocor at kalahati lamang ng aktwal na ipinetisyon ng Napocor. Tataas ang singil ng Napocor sa Luzon mula P2.57 tungong P3.80 bawat kWh, sa Visayas nang P2.82-P3.04 at sa Mindanao nang P1.80-P2.07 sa Mindanao.
Para sa mga kumokonsumo ng 200 kWh sa Luzon mula sa mga distribyutor na suki ng Napocor, madaragdagan ng P246 ang kanilang bayarin sa kuryente; P44 naman ang dagdag sa Visayas at P54 sa Mindanao.
Sa halip na harapin ang mga batayang suliranin ng Napocor tulad ng malawakang korapsyon na nagdudulot ng pagkalugi nito at ng pagtataas ng singilin, todo-bigay lamang ng pakonswelo-de-bobo si Arroyo sa pag-aatas sa Department of Energy na tiyaking mabigyan ng diskwento sa singil sa kuryente ang mahihirap na konsyumer.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|