Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

William Hinton, Joan Hinton
at Erwin "Sid" Engst

Pagpupugay sa mga tunay na proletaryong internasyunalista at anti-impeyalista

 Read this article in English

Noong Agosto 1, pinarangalan ng International League of Peoples' Struggle ang mga mahal na kasamang sina William "Bill" Hinton, Joan Hinton at Erwin "Sid" Engst. Tinanggap nila ang pinakamataas na pagpupugay bilang masusugid na proletaryong internasyunalista at anti-imperyalista.

Inilaan nila ang mahigit limang dekada ng kanilang buhay sa pagtataguyod ng sosyalismo sa China at sa paglaban sa imperyalismong US.

Mahigit 20 taong gulang pa lamang sila nang lisanin nila ang US at pumunta sa China noong dekada 1940. Doon ay nakilala sina kasamang Bill, Joan at Sid bilang sina Han Ding, Han Chun at Yang Zao. Doo'y lumahok sila sa dakilang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa China.

Hindi matatawaran ang malaki nilang naiambag sa pagpapatupad ng repormang agraryo at pagtataguyod sa sosyalistang kooperasyon at mekanisasyon ng agrikultura.

Sinulat ni Ka Bill ang mga librong Fanshen: A Documentary of Revolution in a Chinese Village at Shenfan: The Continuing Revolution in a Chinese Village (mga paglalahad ng mga karanasan sa pagrerebolusyon ng isang baryo sa China) at The Great Reversal: The Privatization of China, 1978-1989 (isang kritikal na pag-aaral hinggil sa panunumbalik ng kapitalismo sa China).

Sa mga unang bahagi ng pagpunta niya sa China, lubos na naging interesado si Ka Bill sa pagsasagawa ng repormang agraryo. Nagmungkahi siyang mag-obserba at lumahok sa repormang agraryo sa isang komunidad kung saan siya nakipamuhay at lumahok sa pagsasaka. Malaki ang kanyang naiambag sa wastong pagtatanim at mekanisasyon sa agrikultura.

Samantala, pumunta si Ka Sid sa China noong 1949 sa imbitasyon ng kanyang matalik na kaibigang si Ka Bill. Nasaksihan niya ang kabulukan ng gubyernong Kuomintang na nagdulot ng malawakang kagutuman at kahirapan sa mga Tsino. Nang maibagsak ng mamamayang Tsino ang reaksyunaryong rehimeng Kuomintang, nagpasya silang mamuhay na sa China upang makaambag sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

Si Ka Joan naman, nakababatang kapatid ni Ka Bill, ay dating nagtrabaho sa Los Alamos, New Mexico bilang isa sa mga syentistang kinontrata ng gubyernong US na gumawa ng bomba atomika. Galit ang kanyang naramdaman nang pinasabog ng US ang bomba atomika sa mga syudad ng Hiroshima at Nagasaki sa Japan na pumatay sa milyong sibilyan noong 1945. Kasama siya sa mga syentistang nag-organisa laban sa pagkontrol ng militar sa mga bombang nukleyar. Sa imbitasyon ng kanyang kapatid, pumunta siya sa China noong 1948 at nagpasya ring manatili na roon. Napangasawa niya roon si Ka Sid.

Sa panahon ng sosyalistang konstruksyon sa pamumuno ni Kasamang Mao Zedong, lumahok sina Kasamang Joan at Sid sa pagdisenyo at paggawa ng mga kagamitang kailangan ng mamamayang Tsino. Naging dairy technician, poultry technician at tagadisenyo ng mga makinaryang pang-agrikultura si Ka Joan.

Nang simulan ni Deng Xiaoping ang maka-kapitalistang patakaran ng gubyerno noong katapusan ng dekada 1970, hindi sila nagdalawang-isip na tuligsain ang panunumbalik ng kapitalismo sa China. Kahit ganap nang nakapamamayani ang burgesya sa China, nananatiling tapat sa sosyalistang adhikain at proletaryong internasyunalismo ang tatlong kasama.

Mahigpit na nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan ang mga Pilipinong rebolusyonaryo at mga progresibo sa kanila laban sa imperyalismo. Kabilang silang tatlo sa mga pumirma sa Pangkalahatang Deklarasyon hinggil sa Kaisipang Mao Zedong noong 1993. Itinaguyod nito ang teorya at praktika ng nagpapatuloy na rebolusyon sa ilalim ng diktadura ng proletaryado upang gapiin ang rebisyunismo, sagkaan ang panunumbalik ng kapitalismo at konsolidahin ang sosyalismo.

Noong 1996, aktibong lumahok sina Kasamang Bill at Joan sa People's Campaign Against Imperialist Globalization na ginanap sa Pilipinas. Malaki ang kontribusyon nila sa pagtalakay sa imperyalismo sa pagtitipong ito na nagpasimula ng serye ng mga protesta sa iba't ibang lugar sa daigdig laban sa imperya lismo at sa mga ahensyang tulad ng IMF, World Bank at WTO.

Malawak ang karanasan nina Kasamang Bill, Joan at Sid sa pagtataguyod ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Buhay silang mga saksi sa kawastuan nito at ng Maoismo. Sa kabila ng mga oportunidad sa karangyaan, pinili nilang magsilbi sa ordinaryong mamamayan ng China at ng buong daigdig. Buong tapang nilang nilalabanan ang imperyalismong US kasama ang iba pang mga rebolusyonaryo at mga progresibo sa buong mundo.

 


Previous articleBack to topNext article

Nobyembre 2002
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Biguin ang balak na panumbalikin ang tuwirang paghaharing militar sa bansa!

Biguin ang Oplan Gordian Knot
Ang kontra-gerilyang digma ng
AFP at PNP

Dumaraming kaso ng pagdukot at desaparecido
Pambansang badyet sa 2003:
Badyet ng digma laban sa mamamayan

Mga kaso ng pagdukot sa anak upang sumuko ang magulang
Armadong pakikibaka, umaani ng tagumpay sa buong bansa
Bakit mabibigo ang digmang kontragerilya?
Mga tagumpay sa Pampanga, ipinagbunyi
Mga Ulat Koresponsal:
Medical at fact-finding mission sa Cagayan tagumpay; CIVAC ng AFP nilangaw

Mga Ulat Koresponsal:
Liberalisasyon sa importasyon ng gulay at bigas, pumipinsala sa mga magsasaka

Mga Ulat Koresponsal:
Kampanyang kontra-gutom, bumubwelo sa Panay

Mga Ulat Koresponsal:
Ibaba ang pasahe ng sitaw, sigaw ng Bulacan

Macapagal-Arroyo:
Kaaway ng mga kawani ng gubyerno

Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
William Hinton, Joan Hinton
at Erwin "Sid" Engst

Pagpupugay sa mga tunay na proletaryong internasyunalista at anti-impeyalista
Balita
Mga Pagtutuwid sa isyung
Oktubre 2002 ng Ang Bayan

Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.