Iskandalosong korapsyon ng mag-asawang Arroyo
Sobrang siba ang mag-asawang Mike at Gloria Arroyo sa panghuhuthot ng suhol at komisyon sa bawat pasuking kontrata, maliit man o malaki, at sa lahat ng mga pampinansyang institusyon ng gubyerno. Mismong si Mike Arroyo ang direktang nakikipag-usap sa mga dayuhang kontratista upang tiyakin ang pinakamalaking posibleng madudugas.
Noong Setyembre 19, ibinunyag ni Sulpicio Tagud Jr., isa sa mga direktor ng Public Estates Authority (PEA), na sangkot mismo si Mike Arroyo at mga kroni nito sa PEA sa maanomalyang konstruksyon ng President Diosdado Macapagal Boulevard (PDMB) sa Maynila. Ayon kay Tagud, nakipagsabwatan ang Board of Directors ng PEA sa JD Legaspi Corporation (JDLC) upang palabasing mahigit P1 bilyon ang gastos sa konstruksyon kahit nasa P500 milyon lamang ang aktwal na gastos nito. Ang P600 milyon ay dumiretso sa bulsa ni Arroyo.
Mahigit kalahati ng gastos ng PEA (P500 milyon) ay pondo mula sa Government Service Insurance System (GSIS). Mismong ang Malakanyang ang nag-utos na pautangin ng GSIS ang PEA sa kabila ng mga problemang pampinansya ng ahensya. Para tugunan ito, binimbim ng GSIS ang pagbibigay ng buwanang pensyon sa mga retiradong kawani. Tinanggihan din nito ang maraming aplikasyon para sa utang ng mga myembro ng GSIS at ipinagpaliban ang proyektong pabahay para sa kanila.
Dati nang ginagawang palabigasan ng mga nasa poder ang kontrata ng JDLC. Napakinabangan na ito ni Estrada noong 1999. Ngunit naging mas malaki ang panghuhuthot nang ilagay ni Macapagal-Arroyo ang mga tauhan niya sa pamunuan ng PEA. Nagsilbing daluyan ng kikbak si Ernest Villareal, pinuno ng PEA at isang matalik na kaibigan ni Mike Arroyo. Mangyari pa, tumatayo ring pinuno si Villareal ng Bigkis Pinoy Foundation, isang organisasyong prente ng pamilyang Arroyo at hinihinalang tagalikom ng pondong pang-eleksyon ni Macapagal-Arroyo para sa 2004. ![](../../angbayan/images/0210/korapsyo.gif) |
Bago pumutok ang anomalya sa PDMB, nabunyag na sa publiko ang panghuhuthot ng mag-asawang Arroyo sa pamilyang Cheng, ang litaw na may-ari ng Philippine International Air Terminals Co. (PIATCo). Ang PIATCo ang kumpanyang kinontrata ng gubyerno para sa konstruksyon ng Ninoy Aquino Internationl Airport (NAIA) Terminal 3 sa ilalim ng iskemang build-operate-transfer. Pagkaupung-pagkaupo pa lamang nito sa poder, agad nang nakipag-areglo ang mag-asawang Arroyo sa PIATCo.
Kapalit nito, nangakong magbigay ang PIATCo ng humigit-kumulang $4.4 milyon (P220 milyon sa palitang P50=$1) na lagay kay Macapagal-Arroyo. Ipinwesto ng mag-asawang Arroyo, sa tulong ng opereytor nilang si Dante Ang, si Alfonso Liongson bilang "espesyal na konsultant" ng PIATCo para magsilbing daluyan ng suhol. Mula Hunyo hanggang Disyembre, tumanggap si Liongson ng $2.1 milyon (P105 milyon).
Hindi na nakumpleto ang $4.4 milyong suhol dahil napilitang magtago si Liongson noong Enero 2002 nang magpatuloy ang mariing pagbatikos sa maanomalyang kontrata at unti-unti nang nasisilip ang panghuhuthot ng mag-asawang Arroyo. Nitong Agosto, pinalipad na siya sa Hongkong upang putulin ang ugnay sa mag-asawang Arroyo.
Para makapiga pa ng mas malaki, nagmaniobra si Macapagal-Arroyo upang maipwesto ang sariling tao sa PIATCo. Kunwa'y ipinarepaso niya ang kontrata sa PIATCo at ipinadeklara itong maanomalya. Matapos ito, inatasan niya si Gloria Tan-Climaco, presidential adviser on strategic projects, na ilantad na ang PIATCo ay prente lamang ng Frankfurt Airport Services Worldwide (Fraport AG), isang kumpanyang German, upang mapresyur ang kumpanya na putulin na ang pakikisosyo sa pamilyang Cheng at ipalit dito ang grupo ni Lucio Tan na kroni ni Macapagal-Arroyo. Sadyang si Climaco ang "pinagrepaso" dahil hindi lingid sa kanya ang mga maanomalyang probisyon at transaksyon ng PIATCo. Dati siyang tagapangulo ng kumpanyang Sycip, Gorres and Velayo na siyang nag-aawdit sa PIATCo at Fraport. Sangkot din si Climaco, kasama si Executive Sec. Alberto Romulo sa ginawang panunuhol ng PIATCo at Fraport kay Pantaleon Alvarez, dating kalihim ng Department of Transportation and Communication. Kasabwat si Alvarez, pinalobo ng PIATCo ang gastos sa konstruksyon ng NAIA Terminal 3.
Binantaan ni Climaco ang Fraport na pwersahang aagawin ng gubyerno ang proyekto kung hindi ito papayag sa mga kundisyon ni Macapagal-Arroyo. Dahil umabot na sa $375 milyon (P18.75 bilyon sa palitang P50=$1) ang ibinuhos ng Fraport AG sa proyekto, bumigay na rin ito sa garapalang panghuhuthot ni Macapagal-Arroyo. Noong Setyembre 5, nangako ang Fraport na magpasulpot ng $400 milyon (P20 bilyon) para sa proyekto. Ang $300 milyon ay mapupunta sa mga lokal na kasosyo nito habang ang $100 milyon (P5 bilyon) ay direktang mapupunta kay Macapagal-Arroyo.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|