Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Panibagong anomalya sa AFP, nabunyag

 Read this article in English

Isa na namang anomalya ang nabunyag hinggil sa malawakang korapsyon sa loob ng Armed Forces of the Philippines. Sa pagkakataong ito, ang iskandalo ay hinggil sa suplay ng 97,257 pares ng mga combat boots para sa Philippine Army.

Nalantad ang anomalya nang magsampa ng reklamo ang Jodaar Cottage Industries nitong Mayo 31. Ayon sa kumpanya, imbes na sa Jodaar ibigay ang kontrata dahil ito ang nagbigay ng pinakamababang presyo ng combat boots (`993.50 bawat pares), ibinigay ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PSDBM) ang kontrata sa Filboot Manufacturing Corp. na nagbigay ng pinakamataas na presyo (`1,047 bawat pares). Dahil dito, umabot sa `101.8 milyon ang gastos ng AFP. Makatitipid sana ng `5,203,249.50 ang reaksyunaryong gubyerno kung sa Jodaar ibinigay ang kontrata.

Ayon kay Eduardo Opida, tagapangulo ng Inter-Agency Bids and Awards Committee ng PSDBM, iginawad ang kontrata sa Filboot dahil umano mas matibay ang yari ng combat boots nito kaysa Jodaar. Subalit ayon naman sa Jodaar, kwestyunable ang ginawang pagsubok umano sa mga combat boots dahil walang kinatawan dito ang kumpanya at ginawa lang ito matapos matukoy kung aling kumpanya ang nakapag-alok na ng pinakamababang presyo.

Isa sa mga inireklamo ng mga sundalong nag-aklas sa Oakwood Hotel noong Hulyo 2003 ang maraming anomalya sa mga kontrata kaugnay ng suplay ng mga kagamitan nila. Dahil dito, napilitang mag-order ng mga bagong kagamitang-militar ang Malakanyang. At sa halip na DND o AFP ang mangasiwa sa proseso ng bidding, ibinigay ito sa PSDBM upang maiiwas umano ang DND at AFP sa mga pagkwestyon.

Nakumpirma ang mapagpasyang papel pa rin ng matataas na upisyal ng AFP sa paggagawad ng mga kontrata sa pagsuplay ng mga kagamitan para sa mga pwersa nito nang sabihin ng hepe nitong si Gen. Narciso Abaya na kaya pinili ang Filboot dahil �tradisyunal na tagasuplay� na ang kumpanya ng mga pangangailangan ng militar. Ang Filboot ay isa sa mga dati nang nagsusuplay ng mga mahal subalit mahihinang kalidad na combat boots na matagal nang inirereklamo ng mga sundalo. Tinukoy ng Jodaar na sa aktwal ay may sabwatan ang PSDBM at AFP Research and Development Center.

Nabunyag din na ang Filboot ay kabilang sa isang kartel ng mga kumpanyang nagsusuplay ng kagamitan di lamang sa AFP kundi maging sa pulisya. Lumalabas na pakitang-tao lamang ang ginagawang mga bidding dahil bago pa man tukuyin ang kumpanyang gagawaran ng kontrata, mayroon nang kutsabahan at aregluhan ang matataas na upisyal ng AFP at PNP sa kartel na ito. Limpak-limpak na salapi ang nakukulimbat ng mga tiwaling matataas na upisyal ng militar at pulisya dito sa kapinsalaan ng nakabababang mga upisyal at karaniwang mga sundalo at pulis.

Ibinulgar din ng Nature Care Industries Philippines ang parehong karanasan nila sa mga bidding para sa pagsuplay ng bala sa AFP. Nagsampa ang Nature Care ng dalawang kaso laban sa mga upisyal ng AFP kaugnay ng mga maanomalyang transaksyon sa pagsuplay ng halagang `66 milyon na 105-mm bala ng kanyon at halagang `40 milyon na rocket-propelled grenades. Ayon sa Nature Care, superyor sa iba at pinakamababa ang presyo nila pero tinanggihan ang alok nila dahil walang kikitain mula sa kanila ang mga upisyal ng militar. Sa halip, ibinigay ang kontrata sa iba na may depektibong produkto at mas mataas pa ang presyo. Marami pang ibang katulad na kaso ng anomalya sa sistema ng pangongontrata ng mga suplay para sa AFP.

Para pagtakpan ang mga anomalya, ikinalat ng Malakanyang na ang pagbubunyag ng reklamo ng Jodaar ay maaaring bahagi ng mga planong destabilisasyon laban sa gubyerno. Pinaratangan ni Carolina Hernandez, Presidential Adviser on the Feliciano Commission Recommendations na gumawa ng pag-aaral sa mga usapin ng nag-aklas na mga sundalo sa Oakwood Hotel, na maaaring sinusubukan lamang ng mga nagsisiwalat ng iskandalo kung kakagatin ito ng mga sundalo at magbubunsod ng panibagong pag-aaklas sa hanay ng AFP.

Tingnan din ang artikulong Talamak na korapsyon sa AFP sa isyung Agosto 21, 2003 ng AB para sa karagdagang impormasyon hinggil sa mga anomalya sa loob ng mersenaryong sandatahang pwersa ng gubyerno.

 


Previous articleBack to topNext article

21 Hunyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lumalalang krisis pangkabuhayan

Hindi mapapanatag ang paghahari ni GMA
Pananalanta ng Pasistang Estado:
Mga kaso ng pagpatay isinampa laban sa militar

Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, ginunita
Panibagong anomalya sa AFP, nabunyag
Kampanyang anti-malarya ng BHB
Ang sakit na malarya
Pagpapabaya ng gubyerno
Mga Ulat Koresponsal:
Mga tagumpay ng BHB sa Eastern Visayas

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
50 armas nasamsam sa mga reyd ng BHB

Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
Hepe ng pulisya sa Angat, Bulacan pinarusahan

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.