Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal:
Labanan ang kontra-mamamayang maniobrahan ng mga reaksyunaryo

 Read this article in English

Walang hangganan ang traydoran at kutsabahan ng iba't ibang paksyon ng naghaharing uri habang nagmamaniobrahan at nagpapaligsahan sila para sa pampulitikang poder at pandarambong sa bayan. Habang lulong sila sa pagpapagulong ng kanilang maruruming laro sa reaksyunaryong pulitika, nasasaksihan ng buong bansa kung paano nila ikutan at baluktutin ang reaksyunaryong batas upang isulong ang kani-kanilang makikitid na interes. Nasisilip na rin ng mamamayan kung gaano karumi at karahas ang kalalabasan ng eleksyon sa 2004, kung matuloy man ito.

Ang kasalukuyang mainit na isyu kaugnay ng impeachment kay Hilario Davide Jr., chief justice ng Korte Suprema ay paimbabaw lamang na manipestasyon ng mas matinding maniobrahan, bangayan at kutsabahan ng iba't ibang paksyon sa naghaharing uri. Anuman ang merito ng kasong kinakaharap ni Davide, sa likuran nito ay malinaw na makikita na ang nagbabanggaang mga grupo na kampi o laban sa mahistrado ay kumakatawan sa malalaking pampulitika at pangekonomyang interes.

Ang numero unong nagmaniobra upang kasuhan si Davide ay si Eduardo "Danding" Cojuangco Jr. na pumapel bilang isa sa mga tagapagluklok at prinsipal na kroni ng mga nakaraang presidente. Ang nakataya ngayon: ang pangangalaga at pagpapalawak pa ng kanyang imperyo at kapangyarihan sa reaksyunaryong pulitika.

Nais matiyak ni Cojuangco na mababawi ang hatol ng Korte Suprema na pondong publiko ang coco levy na malaon na niyang inaangkin. Kaugnay nito, mahahawan din ang daan sa pag-angkin niya sa 27% sapi ng United Coconut Planters Bank sa San Miguel Corporation (SMC) na binili sa pamamagitan ng naturang pondo. Nagawa na niyang ipabaligtad sa Sandiganbayan ang utos ng Presidential Commission on Good Government noong 1986 na sekwesterin ang 20% ng mga sapi sa SMC na malaon na rin niyang inaangkin.

Ang lahat ng ito ay pagpapakitang-gilas din ni Cojuangco para sa eleksyong 2004. Nakakuha siya ng sapat na bilang ng mga pumirma sa impeachment kay Davide sa pamamagitan ng kanyang mga galamay sa Kongreso. Nagawa niya rin ito sa pamamagitan ng kooperasyon ni Arroyo at ng pagiging nyutral umano niya sa katwirang ang pangulo ay "tagapamagitan." Nangingibabaw naman ang kahayukan ni Arroyo sa pinansyal at pampulitikang suportang pangako ni Cojuangco para sa 2004, gayong wala pang binibitiwang salita si Cojuangco tungkol sa posibilidad ng pagkandidato niya mismo o pagsuporta sa kandidato ng oposisyon. Panay ang pagsakay ni Arroyo sa maruruming iskema ni Cojuangco. Sa kabilang banda, pinatampok at pinalubha lamang ng pakanang ito ni Cojuangco ang kahinaan ni Arroyo.

Ngayon pa lamang ay nagbubunga na ng malalaking bitak sa naghaharing sistema ang ganitong mga maniobrahan. Ang nagbabanggaang kampo ay naglalabanan sa pag-angkin ng pribilehiyo at pagkakataong maging pangunahing papet ng imperyalismo, at lumahok sa pandarambong at pagsasaid sa kabang-yaman ng bansa, pagpapatindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan at pagkabig ng maksimum na ganansya mula sa mga ito. Tiyak na mas titindi pa ang mga banggaan habang papalapit ang reaksyunaryong eleksyon.

Napakainam ng kalagayan para samantalahin ng mga progresibo at demokratikong pwersa. Ang kasong impeachment ni Davide ay ibayong nagpapatingkad sa talamak na korapsyon sa pinag-aagawan nilang lahat na reaksyunaryong gubyerno at sa kahayukan kapwa ng naghaharing pangkating Arroyo at ng kampo ng malaking burgeskumprador na si Cojuangco. Walang pagpipilian ang sambayanan kundi sila o mga sugo nila. Lalong lumilinaw ang kainutilan ng reaksyunaryong eleksyon para pawiin ang kabulukang tumagos na sa kaibuturan ng umiiral na sistema.

Sa partikular, nakapagngangalit lalo ang pagmamaniobra at kutsabahan nina Arroyo at Cojuangco para ipagkait ang pondong ilang taong hinuthot mula sa milyun-milyong maralitang magniniyog at nararapat na maibalik sa mga ito. Mahalagang kumilos ang mga maralitang magniniyog, mga manggagawa sa malawak na empresa ni Cojuangco at iba't iba pang sektor sa hanay ng mamamayan upang kundenahin ang mga maniobrahan at kutsabahan nina Gloria at Danding at igiit ang pagbabalik ng pondong coco levy sa mga tunay na nagmamay-ari nito.

Kailangang gamitin ang lahat ng paraan at pagkakataon upang maipagbigay-alam at maipaliwanag sa pinakamalawak na hanay ng mamamayan ang matitingkad na kaso ng korapsyon, maniobrahan at kutsabahan laban sa interes ng mamamayan, di lamang yaong mga nauungkat ngayon kundi yaong mga dati nang nabubunyag at hindi pa nabibigyan ng katarungan. Sa proseso ay mas marami pang kaso ang malalantad.

Kailangang mapanlikhang mapakilos ang pinakamaraming bilang ng mamamayan sa iba't ibang porma ng mga aksyong masa laban sa korapsyon at mga pakana ng pinakamalalaking reaksyunaryo. Bukod sa masang anakpawis, kabataan at estudyante, mahalagang makabig ang mga tao at organisasyon ng simbahan, maliliit na negosyante, mga guro at kawani sa gubyerno, maging ang mga positibong elemento sa AFP at maipaloob sila sa malawak na nagkakaisang prente.

Sa proseso ng paglalantad at pagbatikos ng maniobrahan, maruruming taktika, at kutsabahan ng malalaking reaksyunaryo laban sa mamamayan, maipapamalas natin ang bulok, reaksyunaryo at antimamamayan na kaibuturan ng naghaharing gubyerno at sistema, at kung bakit kailangan itong ibagsak at palitan ng isang dalisay, rebolusyonaryo at makamasang gubyerno at sistema.

 


 Back to topNext article

07 Nobyembre 2003
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Labanan ang kontra-mamamayang maniobrahan ng mga reaksyunaryo
Gubyernong US, negatibo ang pagtaya sa ekonomya ng Pilipinas
Matatagumpay na Opensiba ng BHB:
38 armas nasamsam ng BHB sa mga taktikal na opensiba

Hacienda Luisita, niyayanig ng protesta
Mga Ulat Koresponsal:
Naglalagablab ang Daba-daba sa Panay

Sa Ibayong Dagat:
Mga atake ng mga gerilyang Iraqi sa mga pwersa ng US, tumitindi

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.