Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang matinding kaapihan ng kababaihang magbubukid

 Read this article in English

Sa 70% ng populasyon ng Pilipinas na binubuo ng mga magsasaka, kalahati ay kababaihan. Tulad ng kalalakihang magsasaka, masidhi ang kaapihan at pagsasamantalang dinaranas nila dulot ng pyudal at malapyudal na kaayusan sa kanayunan. Kapwa nilang mabigat na pasanin ang laganap na kawalan ng lupa. Dagdag dito, malaking bahagi ng ani na kinokonsumo o pinagkakakitaan nila ay kinukuha ng mga nagsasamantalang uri sa pamamagitan ng mataas na upa sa lupa at gastos sa produksyon, usura, at pambabarat sa presyo ng kanilang mga produkto. Napakababa rin ng sahod na tinatanggap ng mga manggagawang bukid, babae man o lalaki.

Higit sa dinaranas ng kalalakihang magbubukid, ang kababaihang magsasaka ay dumaranas ng dagdag na pagsasamantala. Mababa ang pagtingin sa mga babae sa lipunang malakolonyal at malapyudal. Sa kanayunan, karaniwa'y ikinakahon sila sa tahanan bilang asawa at ina na ang responsibilidad lamang ay kaugnay ng mga usaping pampamilya.

Ni hindi kinikilala sa mga upisyal na estadistika ang kanilang matingkad na papel sa produksyon. Ayon sa isang pag-aaral, 47.55% lamang ng kababaihan sa kanayunan ang aktwal na ibinibilang sa pwersa ng paggawa. Sa kabilang panig, 84.24% ng kalalakihan ay kasama sa pwersa sa produksyon sa kanayunan.

Bukod rito, karaniwang mas mababa ang sahod o kita ng kababaihan kumpara sa mababa na ngang natatanggap ng mga lalaki sa kanayunan. Ayon sa isang sarbey na isinagawa ng National Statistics Office (NSO) noong 1997, mas mataas nang P14.92 ang ibinabayad sa mga lalaki kaysa mga babae para sa isang araw na trabaho. Mas mataas naman nang P6.26 ang tunay na halaga ng arawang sahod ng kalalakihan.

Ayon pa sa NSO, 52% ng 2.96 milyong kababaihang manggagawang bukid noong 2002 ay nakakategorya bilang unpaid family workers dahil wala silang tinatanggap na sahod sa pagtatrabaho para sa pamilya.

Sa mga palayan at maisan, umaabot lamang sa P80 bawat araw ang ibinibigay sa mga babae samantalang P100 naman ang sahod ng mga lalaki.

Mas mababa pa ang natatanggap ng kababaihan sa ibang lugar. Sa Negros, P50 bawat araw lamang ang tinatanggap ng kababaihang pana-panahong manggagawang bukid. Sistemang pakyaw naman ang ginagamit sa pagdadamo kung saan binabayaran lamang ng P600 kada ektarya ang 15-20 kababaihan. Ang bawas na sahod ng kababaihan ay lalong nagpapahirap sa kanilang mga pamilya na makatugon sa P398.28 na kailangan ng isang anim-kataong pamilya araw-araw ayon sa pagtaya ng gubyerno mismo para sa mga eryang agrikultural.

Mula nang isabak ng rehimen ang ekonomya ng Pilipinas sa "globalisasyon" sa pamamagitan ng pagpapaloob sa General Agreement on Tariffs and Trade at World Trade Organization (WTO), binaha ng mga murang imported na mga produktong agrikultural ang bansa. Nagdulot ito ng lalong pagbagsak kapwa ng produksyong agrikultural at ng kabuhayan ng masang magsasaka. Lalong tumaas ang bilang ng mga babaeng walang hanapbuhay sa kanayunan. Makikita pa rin ito kahit sa mga pinaliit na estadistika ng gubyerno. Mula sa 8.4% ng naitalang kababaihang walang hanapbuhay sa kanayunan noong 1988, tumaas ito sa 10.1% noong 1998. Naging 10.6% ito noong 2001 tatlong taon matapos pumaloob ang bansa sa WTO.

Ang patuloy na pananalasa ng "globalisasyon" sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka ay nagtutulak sa mga babae na lisanin ang kanilang mga komunidad upang humanap ng dagdag na mapagkakakitaan. Karaniwan nilang pinapasok ang pagiging tindera o saleslady, labandera, katulong sa bayan o sa Maynila; o kung nakapangingibang-bansa, bilang katulong kung hindi man tagabigay-aliw. Dahil sa malaking kawalan ng pagkakataong makakita ng matinong trabaho, marami rin ang nasasadlak sa prostitusyon at iba pang antisosyal na aktibidad para lamang may pagkakitaan.

Higit na mahigpit ang pangangailangan ng kababaihan na basagin ang umiiral na bulok na sistema ng lipunang Pilipino.

Isa pang malupit na bigwas sa buhay at kabuhayan ng masang magsasaka ang militarisasyon sa kanayunan. Kaakibat nito ang humahabang listahan ng mga paglabag sa mga karapatang-tao. Bukod sa mga kaso ng pagpaslang, pagdukot, iligal na pang-aaresto, pwersahang pagpapalikas, paninira ng mga pananim at mga kagamitan, maraming babae ang nagiging biktima ng sekswal na pang-aabuso ng mga pwersang militar at paramilitar. Sa Cordillera pa lamang, umabot sa 25 ang naitalang kaso ng panggagahasa, tangkang panggagahasa at sekswal na harasment mula 1986 hanggang 2002.

Higit na mahigpit ang pangangailangan ng kababaihan na basagin ang umiiral na bulok na sistema ng lipunang Pilipino.

Ang kababaihan ay nagtataglay ng karapatang kapantay ng sa kalalakihan na lumahok sa produksyon at tamasahin ang mga ani ng kaunlaran, serbisyong panlipunan at iba pang benepisyo mula rito. May kapantay silang karapatan na makilahok sa pulitika at iba pang mga usapin labas sa tahanan at mapaunlad ang kanilang kaisipan at mga kakayahan bilang mamamayan.

 


Previous articleBack to topNext article

07 Hunyo 2004
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Krisis sa pulitika, matabang lupa para sa rebolusyon

Mga kaso ng pandaraya at pandarahas sa eleksyon
NDF, nagbabalang aatras sa usapang pangkapayapaan
Ibayong pagtindi ng krisis pangkabuhayan
Panandaliang ilusyon ng pag-unlad
Malawakang paghihikahos: Ilang tampok na datos
Sumisirit ang presyo ng langis
Ang matinding kaapihan ng kababaihang magbubukid
Sa ibayong dagat:
Upisyal na patakaran ng US ang paggamit ng tortyur

Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.