Balita
5 armas nasamsam sa ambus sa Western Samar
Limang malalakas na armas at iba pang kagamitang militar ang nasamsam ng Arnulfo Ortiz Command (AOC) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Western Samar nang ambusin nito ang mga elemento ng 34th IB sa pagitan ng Barangay Quezon, San Jorge at Barangay Palencia, Tarangnan noong Marso 3. Dalawang sundalo ang napatay, bukod sa di pa mabilang na mga sugatan sa panig ng kaaway, samantalang wala ni isang kaswalti ang BHB. Ang mga tropa ay lulan ng isang Hummer Military Vehicle nang sila ay tambangan.
Ayon sa AOC, pinarusahan ang 34th IB dahil sa patuloy na paglulunsad ng mga di-makataong gawain ng mga Reengineered Special Operations Teams (RSOT) nito, tulad ng pagtatayo ng mga kampo sa mga kapilya, eskwelahan at bahay ng mga sibilyan, panghaharas sa taumbaryo at pagparatang na sila�y mga myembro ng BHB at pamimilit sa mga sibilyan na maggiya sa kanilang mga operasyong militar.
Mga kawani ng gubyerno, nagprotesta
Naglunsad ng pambansang araw ng protesta ang libu-libong guro, manggagawang pangkalusugan at iba pang kawani ng gubyerno sa iba�t ibang bahagi ng bansa nitong Marso 16 upang igiit ang `3,000 across the board na pagtaas sa kanilang sweldo. Kabilang sa mga lumahok na organisasyon ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), Alliance of Health Workers (AHW) at ang All Government Employees Unity.
Sa Maynila, humugos sa Mendiola ang libu-libong mga kawani ng gubyerno kung saan isinagawa nila ang isang programa. Binatikos nila ang kaaaprubang `907.56 bilyong pambansang badyet ngayong taon dahil wala ritong probisyon para sa pagtataas ng sweldo ng mga kawani ng gubyerno. Samantala, sangkatlo ng badyet ang mapupunta sa pagbabayad ng utang.
Ipinahayag ng mga kawani na hindi na makaagapay ang kanilang nakapakong sweldo sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Mga drayber sa Central Luzon, nagwelga
Naglunsad ng tigil-pasada ang mga drayber ng dyip, FX, van at traysikel sa mga prubinsya ng Bulacan, Pampanga, Tarlac at Quezon nitong Marso 16. Protesta ang tigil-pasadang ito sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, sa pagsirit ng toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX) at sa pagtaas ng VAT. Ipinanawagan din ng mga nagrali ang pagbasura sa oil deregulation law.
Sa Bulacan, umaga nang harangan ng mga raliyista ang Tabang exit NLEX sa Guiginto. Naparalisa ang 60% ng transportasyon sa prubinsya sa araw na iyon.
Sa Pampanga, nag-ipon sa toll gate sa Dau, Mabalacat ang mga demonstrador at simbolikong isinara ang NLEX.
Sa Tarlac, aabot sa 98% ng pampublikong transportasyon ang paralisado sa protesta. Ayon sa lokal na tsapter ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), 60% ng 15,000 traysikel na pumapasada sa 76 na komunidad sa Tarlac City ang sumali sa protesta.
Sa Lucena City, alas-7 pa lamang ng umaga ay wala nang pumapasadang pampasaherong dyip sa lansangan.
Samantala, naging katuwang naman ng NLEX ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga regional police command sa pamumuno ni Director Avelino Razon sa pagtatangkang pigilan ang protesta. Nagtagumpay pa rin ang tigil-pasada sa kabila ng pagtatalaga ng mga pulis upang matyagan ang mga pagkilos sa Metro Manila at mga kalapit prubinsya, at sa kabila rin ng utos ni Razon na arestuhin ang mga magpoprotesta sa NLEX.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|