Krisis sa sistema ng pagbabangko
Tanda ng malalang krisis sa pagbabangko ang sunud-sunod na pagsasanib ng mga bangko sa Pilipinas. Noong nakaraang taon ay nagsanib ang pinakamalalaking bangko sa bansa. Ang pagsasanib ng Philippine Commercial International Bank (PCIB) at ng Equitable Bank ang una sa pinakamalalaki. Sinundan ito ng pagbili ng Metropolitan Bank and Trust Co. (Metrobank) sa Philippine Banking Corporation (Philbank) noong Agosto. Noong Nobyembre, nakuha ng pinagsanib na Bank of the Philippine Islands (BPI)-Far East Bank and Trust Co. (FEBTC) mula sa Metrobank ang pwesto bilang pinakamalaking bangko. Muli itong inungusan ng Metrobank nang magkasunod nitong binili ang Asian Banking Corp. at ang Solidbank.
Tumabo ng limpak-limpak na tubo ang mga bangko sa bula ng "paglago" ng ekonomya noong 1994-96 na kinatampukan ng pagbebenta sa pamilihan ng kanilang mga saping pinalabis ang halaga (overvalued stocks), kalakalan sa stocks at ispekulasyon sa pananalapi sa stock market, pagpapautang sa ispekulatibong pagnenegosyo sa real estate at pagpopondo sa ambisyosong ekspansyon ng mga korporasyon. Lalong lumaki ang tubo ng mga bangko nang dumagsa ang, at suhayan ng, dayuhang kapital noong 1995 ang papalaking bula sa stock market na siyang panandalian at artipisyal na nagpalobo sa sistema ng pinansya sa bansa.
Kaalinsabay at bago pa man nito, nakinabang nang husto ang mga bangko sa bwelo ng lokal na pangungutang ng sunud-sunod na reaksyunaryong rehimen mula kay Aquino upang punan ang depisito sa pambansang badyet, isalba ang mga naluluging pampublikong korporasyon at bayaran ang mga utang panlabas. Sa huling dalawang taon ng gubyernong Ramos, ang mga bangko ang pangunahing nagpondo sa programang pribatisasyon ng mga korporasyong pag-aari ng estado at sa iskemang build-operate-transfer ng mga pribadong korporasyong kasosyo ng gubyerno.
Nang pumutok ang bula ng ekonomyang likha ng ispekulatibong dayuhang kapital noong kalagitnaan ng 1997, agad na nalantad ang pundamental na kahinaan ng sistema ng pagbabangko sa Pilipinas at ang papel nito bilang baseng pampinansya ng burgesyang kumprador sa bansa.
Dumausdos ang halaga ng mga sapi at ari-arian ng mga bangko sa stock market. Nalantad ang sobrasobrang pagpapautang ng kapital sa mga ispekulatibong negosyo at mga kumpanya, laluna sa real estate. Sumingaw ang mga anomalya kaugnay ng paglustay sa mga nangaluging negosyo ng perang impok ng mga depositor.
Napilitang magsara ang maraming bangko, laluna ang mas maliliit na bangko, nang sabay-sabay na nag-withdraw ang mga depositor (bankrun). Nasaid ang kapital, lalupa't 20% lamang ng pangkabuuang rekurso ng mga bangko ang nakalaan sa arawang transaksyon ng mga indibidwal. Gayundin, nahirapang ibalik sa anyong salapi (liquidate) ang mga ari-arian ng mga lumubog na negosyong inilit ng mga bangko. Kumaripas palabas ng bansa ang mga mamumuhunan at naghigpit ang mas malalaking bangko at kumpanyang maaari sanang magsalba sa mas maliliit. Napilitan ang Bangko Sentral na isalba ang natitirang kapital ng maliliit na bangko at isara ang ilan sa mga ito.
Ilang ulit na lumaki ang bad loans (pautang na di mabayaran) ng mga bangko na naglagak ng bilyun-bilyon sa mga kumpanya at negosyong nalugi at/o nagsara. Hanggang sa huling kwarto ng 1999, 14.61% (o P217.6 bilyon) ng pangkabuuang pautang ng mga bangko ang di mabayaran; samantala, noong Agosto 1999, 34.95% ang bad loans ng maliliit na thrift bank.
Lalo lamang tumaas ang tantos ng mga pautang na di mabayaran nang tumanggi ang mga bangko na dagdagan ang pangkabuuang kapital na ipinapautang (total loan portfolio) bilang reaksyon sa patuloy na pagkitid ng kanilang kapital, paghina ng kakayahang magbayad ng mga kumpanya at ng gubyerno at pagbulusok ng ekonomya. Papaliit ang bagong mga pautang ng mga bangko noong 1998-99 mula sa rurok na 41% paglaki noong 1996. Patuloy itong lumiliit sa unang mga buwan ng taong 2000, taliwas sa iginigiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at gubyernong Estrada.
Bilang pagharap sa krisis sa pagbabangko, dinidireksyunan at kinukumpasan ng International Monetary Fund (IMF) sa pamamagitan ng BSP ang pagsasanib ng mga bangko. Tinatayang aabot na lamang sa apat, mula 10-15, ang bubuo ng pinakamalalaking bangko sa bansa. Iginigiit ito ng IMF alinsunod sa bangkaroteng paniniwala na ang pagkokonsentra ng sistema ng pagbabangko sa kamay ng iilan ay magpapatatag sa sistemang pampinansya sa Pilipinas.
Pinakamalalaking bangko sa Pilipinas:Bangko | May-ari | Pag-aari | Metrobank | Goerge Ty, may-ari ng Toyota Phils. | P285.6 B | Bank of the Philippine Islands | mga Ayala, kasosyo ng Mitsubishi | P218.85B | Philippine National Bank | Lucio Tan | P208.67B | PCI | pamilyang Go | P150.38B | Far East Bank | mga Ayala, Sakura Bank of Japan, Philam Life Group, Phinma, SSS | P135.22B | United Coconut Planters Bank | GRP | P108.21B | Equitable Bank | pamilyang Go | P110.35B |
Ang katotohana�y nagmumula ang pagiging mabuway ng sistemang pampinansya sa batayang usapin ng kawalan ng mga saligang industriya sa depormadong ekonomya ng Pilipinas. Industriya lamang ang makalilikha ng bagong mga halaga o yaman na natatransporma sa anyo ng salapi at inoorganisa ng sistemang pampinansya.
Nasa palagiang krisis ang ekonomya ng Pilipinas. Kahit sa kasagsagan ng bulang likha ng ispekulatibong kapital noong 1994-96, na siyang sanhi ng artipisyal na paglobo sa sektor ng pagbabangko at serbisyo, patuloy ang pagdausdos ng sektor ng manupaktura at agrikultura.
Sa sistemang malakolonyal at malapyudal, nakalutang ang sektor pampinansya at nagsisilbi lamang itong larangan para sa pagsusugal ng dayuhang malalaking ispekulador at malalaking burgesyang kumprador na kumakamal ng milyun-milyong dolyar sa mga transaksyon sa stock market at pagbili at pagbenta ng dayuhang salapi (currency speculation). Ang pagkaripas noong 1997 ng ispekulatibong kapital na ipinasok noong panahong 1994-96 ay nagbunga ng biglang pagbagsak ng sektor pampinansya na mula noon ay hindi na nakabangon.
Ang instabilidad sa sistemang pampinansya ay idinudulot din ng todo-todong pangungutang ng gubyerno upang pasikarin (pump-prime) ang dumadausdos na ekonomya. Noong 1999, halimbawa, umabot sa P111 bilyon ang kabuuang depisito na tinustusan sa pamamagitan ng pangungutang sa mga lokal at dayuhang bangko.
Sa pangunahin, ang lokal na malalaking bangko ay negosyo ng malalaking burgesyang kumprador at nagsisilbi sa interes ng dayuhang malalaking kapitalista. Ang pagsasanib ng mga ito ay mangangahulugan lamang ng ibayong paghigpit ng dayuhang kontrol sa sistema ng pagbabangko sa Pilipinas at kung gayon, ng paglakas sa kakayahan nitong direksyunan ang padron ng pamumuhunan at gastusin ng bansa.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|