Kolonyal na oryentasyon
Noong 1900, ang Pilipinas ay pinamamahalaan pa ng kolonyal na gubyernong Amerikano sa pamamagitan ng Philippine Commission. Sa bisa ng Act No. 74 ng komisyong ito, nagpadala ng 1,000 Amerikanong guro, ang Thomasites (pinangalanan batay sa barkong USS Thomas na kanilang sinakyan patungong Pilipinas); itinayo ang Department of Public Instruction; inorganisa ang mga paaralang pangguro, agrikultural, bokasyunal at pangmarino at nagbuhos ng di bababa sa $700,000 para sa mga gusali, kagamitan at sweldo. Layunin nitong gamitin ang edukasyon upang magkintal ng kolonyal na kaisipan imbes na kritikal na pag-iisip at patriyotismo.
Ipinadala ang Thomasites sa Pilipinas upang palaganapin ang maka-imperyalistang pilosopiya at kultura at palabnawin ang mga makabayan at progresibong ideya. Upang mapadulas ito, pinalaganap nila ang wikang Ingles. Pinalaganap din nila ang kamalayang mga bandido at magnanakaw ang mga rebolusyonaryong Pilipino. Nilayon ng Thomasites na paamuin ang mamamayan upang maluwag nilang yakapin ang kolonisasyon. Bahagi ito ng kampanyang pasipikasyon ng pamahalaang militar ng US sa bansa sa gitna ng sumisiklab na digmaang Pilipino-Amerikano.
Sa layuning maghubog ng mga elitistang lider na magsisilbi sa mga planong pampulitika at pang-ekonomya ng US sa bansa, itinatag ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1908. Ihinulma ang kurikulum at pinili ang materyales sa pagtuturo rito alinsunod sa aktwal na direksyon ng imperyalismong US.
Nagsilbi sa monopolyong interes ng US ang pagbuhos ng mga dayuhang donasyon sa UP at paglaganap dito ng mga institusyon at proyekto sa pananaliksik na pinondohan ng US Agency for International Development, WB, Leo Fulbright Foundation, Ford Foundation at mga katulad na imper-yalisang ahensya at institusyon. Bukod sa UP, nagsilbi na rin ang iba pang kolehiyo at unibersidad ng estado sa ganitong layunin.
Nagsanay din ng maraming Pilipinong iskolar sa mga unibersidad sa US at mga upisyal-militar sa mga paaralang militar ng US. Ganito ang nilaman ng mga dekadang "pagsanay" ng US sa mga Pilipino para sa "sariling paggugubyerno at demokrasya", bago pa man pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Matapos itatag ng US ang neokolonyal na estado sa Pilipinas sa anyo ng papet na republika noong 1946, napanatiling nasa kontrol at mapagpasyang impluwensya nito ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga pandaigdigang ahensyang tulad ng WB. Lipos ng anti-komunismo at paglilinang ng paghanga sa "kaayusang Amerikano", umigting ang pagdirehe at pagdisenyo ng US at mga pandaigdigang ahensya nito sa mga programa sa pag-aaral, libro at mga scholarship. Ang pag-iisip ng mga guro at mag-aaral ay signipikanteng inimpluwensyahan ng mentalidad na kontra sa pambansa at demokratikong mga adhikain ng mamamayan. Sa gayon, sinikap ng imperyalismong US na pigilang mag-alab ang makabayan at rebolusyonaryong diwa sa hanay ng mamamayan.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|