Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ang pagpapabagsak kay Estrada at mga kagyat na hamon sa gubyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo

 Read this article in English

Pahayag ni Gregorio �Ka Roger� Rosal
Pambansang Tagapagsalita
Partido Komunista ng Pilipinas

Ikinagagalak ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanayunan ang matagumpay na demonstrasyon ng daanlibong mamamayan sa EDSA na naggigiit para sa pagbibitiw o pagpapatalsik kay Estrada. Inaasahan namin na ang demonstrasyong ito ay hudyat ng mas malalaki pang demonstrasyon na hahantong sa pagkubkob ng milyong mamamayan sa Malakanyang.

Tiyak na gugulong na ang proseso ng impeachment bunga ng sunud-sunod na pagbaligtad ng mga reaksyunaryong pulitikong dating maka-Estrada. Tiyak na lalong malalantad sa proseso ng impeachment ang kabulukan ng gubyernong Estrada at lalong mahihimok ang mamamayan na kumilos at lumaban upang patalsikin si Estrada. Nais ni Estrada na patagalin ang proseso ng impeachment upang sa minimum ay mabigyan siya ng pagkakataong makipagnegosasyon sa mga reaksyunaryong anti-Estrada upang makatakas siya sa paglilitis at kaparusahan matapos siyang bumaba sa poder; o sa maksimum ay kumapit pa sa poder sa pagaakalang huhupa rin ang protestang anti-Estrada.

Kailangang gamitin ng lahat ng pwersang anti-Estrada, laluna ng mga pwersang patriyotiko at demokratiko, ang lahat ng pagkakataon, kabilang na ang prosesong impeachment, upang palawakin at lalo pang paigtingin ang mga protesta laban kay Estrada. Sa katapus-tapusan, hindi ang impeachment ang magpapatalsik kay Estrada kundi ang lalo pang malalaking demonstrasyon sa lansangan kaakibat ng iba�t ibang anyo ng sama-samang pagkilos kabilang na ang mga welgang manggagawa at kawani, boykoteo ng mga estudyante, sabay-sabay na kusang pagsasara ng mga negosyo at iba pa. Tiyak na gaano pa man kahigpit kumapit sa poder si Estrada, mapupwersa rin siyang bumitiw kapag pinalibutan ang Malakanyang ng milyong mamamayan na nagkakaisang sumisigaw para sa kanyang pagpapatalsik.

Naghahanda na si Gloria Macapagal-Arroyo na maging bagong pangulo ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas batay sa konsensus sa pagitan ng mga pwersang anti-Estrada at sa basbas ng imperyalismong US.

Sa pagbabalangkas ng programa ng bagong gubyerno, hinihikayat namin ang pagbubuo ng isang komite o konseho na bubuuin ng mga kinatawan ng mga pwersang anti-Estrada. Kailangang tiyakin na magkakaroon rito ng angkop na representasyon ang mga organisasyong masa, laluna ang mga organisasyon ng batayang masang ibayong pinahirapan ni Estrada.

Higit sa mga reaksyunaryong pulitikong kamakailan lamang naging anti- Estrada, kinakailangang pakinggan ni Arroyo ang mga kinatawan ng mga organisasyong simula�t sapul ay nanindigan at lumaban sa anti-mamamayan at kontramahirap na gubyernong Estrada.

Ang malawak na pagkilos ng mamamayan laban sa gubyernong Estrada ay tanda ng kanilang malalim na pagnanais na lutasin ang krisis sa lipunan at makaahon mula sa masidhing kahirapan. Sariwang-sariwa pa sa alaala ng mamamayan kung paanong naunsyami ang kanilang mga inaasam na pagbabago matapos ng EDSA 1986. Kayat hindi na nila basta-basta pababayaan na muling yurakan ng gubyerno ang kanilang mga hangarin para sa katarungan at kabuhayan.

Tungo rito, kailangang harapin at lutasin ng itatayong gubyerno ni Arroyo ang sumusunod na isinisigaw ng mamamayan:

  1. Arestuhin at pagbayarin si Estrada, ang mga Marcos at mga kroni nila sa pandarambong sa mamamayan. Si Estrada ay hindi dapat pabayaang makatakas katulad ni Marcos. Kailangang arestuhin si Estrada at kumpiskahin ang mga nakaw niyang yaman at ari-arian sampu ng kanyang mga pangunahing mga kasapakat at kroni, kabilang na ang pamilyang Marcos, si Lucio Tan at Danding Cojuangco. Kailangang litisin si Estrada sa kanyang walang-awat na pandarambong at paglulustay sa kabang-bayan laluna sa panahon ng malawak na kahirapan at kasalatan. Bukod sa mga kaso ng korupsyon, mahusay na magsampa rin ng class suit ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng gubyernong Estrada. Kaalinsabay nito, kinakailangang mapagpasya nang pagbayarin ang pamilyang Marcos, laluna si Imelda Marcos, sa mga napatunayan nang krimen ng diktadurang Marcos.
  2. Ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang karaniwang bilihin. Sa lalong madaling panahon, kailangang ibasura ang batas sa deregulasyon at ipatupad ang mga hakbangin upang kontrolin ang presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang karaniwang bilihin ng mamamayan.
  3. Makatwirang itaas ang sahod ng mga manggagawa. Sadyang kakarampot ang karagdagang humigit-kumulang P26 bawat araw na iniutos ng mga Regional Wage Board nitong nakaraang Oktubre. Marapat lamang na magkaroon ng espesyal na kautusan o batas na magpapatupad ng hinihiling na P125/araw na across-the-board na pagtataas sa sahod.
  4. Ibasura ang Oplan Makabayan. Kailangang itakwil ni Arroyo ang pasistang pamanang ito ni Estrada. Sa nakaraang dalawang taongpagpapatupad nito, hinigitan ni Estrada ang diktadurang Marcos sa lupit at walang-habas na paglabag sa mga karapatang-tao laluna sa kanayunan. Kaugnay nito, at bilang isang hakbanging makatao, maaaring iutos ni Arroyo ang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, kabilang na sina Donato Continente at Juanito Itaas na kapwa mahigit 12 taon nang nakakulong dahil sa kanilang paninindigang pampulitika. Gayundin, kinakailangang tapusin na ang lahat ng negosasyon sa pamilyang Marcos at agad na ipatupad ang pagbibigay ng indemnipikasyon o bayad-pinsala sa lahat ng biktima ng batas militar.
  5. Ibasura ang Visiting Forces Agreement. Walang pakundangang niyuyurakan ang pambansang kasarinlan at karangalan ng Pilipinas ng VFA na pinagtibay ni Estrada. Sa ngalan ng di pantay na kasunduang ito, nagagamit ng mga tropang Amerikano ang alinmang lugar sa Pilipinas bilang base militar at lugar para sa kanilang mga pagsasanay. Kahit ang probisyon ng konstitusyon na nagbabawal sa pagpasok ng mga armas nukleyar ay walang kaabog-abog na nilalabag ng US.
  6. Itigil ang todo-digmang anti-Moro sa Mindanao. Maaaring iutos agad ni Arroyo bilang commander-in-chief ng AFP na itigil ang mga opensibang militar sa Gitna at Kanlurang Mindanao. Kasabay nito, kailangang bigyan ng sapat na indemnipikasyon ang lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-tao kabilang na ang daan-daan libong mamamayang pwersahang pinalikas ng mga operasyong militar. Kailangang gumawa ng mga hakbang tungo sa pagwawakas ng pambansang pang-aapi sa mamamayang Moro, kabilang na ang pagsisikap na makipagusap sa MILF lagpas sa makitid na balangkas ng pagpapasuko.

Sa ngayon ay wala pang ipinapakitang indikasyon si Arroyo na tutugunan niya ang kagyat at pangmatagalang interes ng mamamayan. Katunayan, ipinahiwatig na ni Arroyo na ipagpapatuloy lamang ng kanyang gubyerno ang �makamahirap� na programa ni Estrada kabilang ang mga patakaran sa ekonomya na nagdulot ng walang kaparis na pahirap sa mamamayan.

Hangga�t hindi tinutugunan ni Arroyo ang kanilang mga hinaing, haharapin niya ang paparami, papalawak at papatinding mga welga ng manggagawa, gayundin, ang ibayong pagsulong ng mga pakikibaka ng mga magsasaka sa kanayunan. Kung mabibigo ang magiging gubyerno ni Arroyo na harapin at lutasin ang mga kagyat na hinaing ng mamamayan, hindi malayong sapitin nito ang kapalarang sinasapit ngayon ng gubyernong Estrada.

Upang pigilan ang pagdausdos ng ekonomya, kailangang ibasura ng itatayong gubyerno ni Arroyo ang mga patakarang dikta ng IMF laluna ang programa ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na walangrendang isinakatuparan ni Estrada. Sa partikular, kailangang wakasan ang bulag na pagpapatupad ng patakaran ng pagpawi sa lahat ng taripa at iba pang proteksyon sa lokal na industriya. Kailangang ihinto rin ang kaliwa�t kanang pagsasapribado ng mga ospital, paaralan at iba pang institusyong nagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Gayundin, kailangang wakasan ang tuluy-tuloy na pagpapalit-gamit ng lupa na pwersahang nagpapalayas sa puu-puong libong mamamayan.

Nakahanda ang Partido at National Democratic Front of the Philippines na kausapin ang mga kinatawan ng gubyernong Arroyo upang pag-aralan ang posibilidad na buhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Subalit, nakasalalay ito pangunahin sa kahandaan ni Arroyo na itaguyod ang mga nauna nang kasunduang nabuo kabilang ang The Hague Joint Declaration of 1990 at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL, 1998). Kung pagtitibayin ng bagong gubyerno ang CARHRIHL, maaari nang talakayin ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms, ang unang paksa sa substantibong adyenda ng usapang pangkapayapaan.

Malinaw sa mga rebolusyonaryong pwersa na ang pagpapabagsak kay Estrada, tulad ng pagpapabagsak kay Marcos, ay nakatutulong sa, ngunit di katumbas ng, estratehikong layuning ibagsak ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema. Tungo rito, patuloy na paiigtingin ng rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ang rebolusyonaryong pakikibaka para maitayo ang isang sistemang panlipunang tunay na tumutugon at nagsusulong sa pambansa at demokratikong interes ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis.

 


 Back to top 

04 Nobyembre 2000
Edisyong Pilipino


Ang pagpapabagsak kay Estrada at mga kagyat na hamon sa gubyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.