Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Kasamang Antonio Zumel, pinarangalan

 Read this article in English

Ilang makabuluhang pagtitipon-parangal ang idinaos para sa dakilang rebolusyonaryong lider na si Kasamang Antonio Zumel na yumao nitong Agosto 13.

Si Ka Zumel ay kilala bilang isang rebolusyonaryong mamamahayag at lider noon pa mang dekada '70. Naging myembro siya ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, tagapangulo ng National Democratic Front noong 1990-94 at tagapangulong pandangal nito mula 1994. Nakatatandang tagapayo siya ng negotiating panel ng NDFP sapul noong 1992. Noong 1972, kabilang si Ka Zumel sa mga mamamahayag na nag-iwan sa kanilang relatibong maginhawang buhay at establisadong hanap buhay at buong-panahong umanib sa rebolusyonaryong kilusang lihim upang labanan ang diktadurang US-Marcos. Isa siya sa mga naunang myembro ng patnugutan ng Liberation (pahayagan ng NDF) at Balita ng Malayang Pilipinas (news agency ng NDF). Naging patnugot din siya ng Dangadang (rebolusyonaryong pahayagang masa ng Ilocos-Monta�osa). Bago siya itinalaga sa Europe noong huling bahagi ng dekada 1980, naging kagawad siya ng Pambansang Komisyon sa Propaganda ng Partido at patnugot ng Ang Bayan. Namatay siya bunga ng lumubhang sakit sa bato, diabetes at kumplikasyon sa puso.

Nitong Agosto 17, pinarangalan siya kapwa sa Pilipinas at The Netherlands ng iba't ibang rebolusyunaryo at progresibong organisasyon.

Sa Pilipinas, humigit-kumulang 1,000 ang bilang ng mga kamag-anak, kaibigan at kasamahan ni Ka Zumel at ilang myembro ng reaksyunaryong gubyerno ang dumalo sa "Parangal ng Bayan" (People's Tribute) para sa kanya. Nagtipun-tipon sila sa Church of the Holy Sacrifice sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman at nagbigay ng kani-kanilang mapagpugay na pamamaalam sa rebolusyonaryong lider.

Nagsalita para sa pamilya ni Kasamang Zumel si Ma. Luisa Zumel Lopez, ang kanyang pinakamatandang kapatid. Nagpahayag ang mga kasamahan ni Ka Zumel sa midya, gayundin ang mga dati niyang katrabaho sa lihim na kilusan na nasa hanay ng mga propesyunal o di kaya'y nasa ligal na demokratikong kilusan. Dumalo rin sa pagtitipon ang mga negosyador ng gubyerno sa usapang pangkapayapaan na sina punong-negosyador Silvestre Bello at DAR Sec. Hernani Braganza.

Isang myural (malaking ipinintang debuho) ni Kasamang Zumel ang nilikha ng mga progresibong artista para sa okasyon. Nagkaroon din ng eksibit ng mga larawan niya mula pagkabata.

Maghahatinggabi nang nagtapos ang pagtitipon sa pamamagitan ng isang video hinggil sa kanyang buhay at pakikibaka.

Sa Crematorium Daelwijk, Utrecht, The Netherlands naman, nagtipon para sa serbisyo sa paglilibing ang mga kapatid at kamag-anak ni Ka Zumel, kabilang si dating AFP Brig. Gen. Jose Ma. Carlos Zumel, mga kasama sa National Democratic Front of the Philippines, mga malalapit na kaibigan, mga kinatawan ng maraming organisasyon at partido at ang komunidad ng mga Pilipino sa The Netherlands.

Binuksan ni Kasamang Luis Jalandoni, punong-negosyador ng panel pangkapayapaan ng NDFP, ang pagtitipon. Sa kanyang pagpupugay, sinabi ni Kasamang Jalandoni na sa pagkatao ni Ka Zumel ay naramdaman niyang buhay na buhay ang mga rebolusyonaryong prinsipyo: mainit na pakikisama sa mga kasama, mga kaibigan, masa at mga kaalyado at ubos-lakas na pagpapatupad ng mga responsibilidad sa gawain, sa loob man o sa labas ng bansa.

"Sa kanyang pagpanaw, nawalan ang rebolusyonaryong kilusan ng isang dakilang lider," sabi ni Kasamang Coni Ledesma, na nagbaybay sa kanyang talambuhay.

Dagdag ni Kasamang Jose Maria Sison sa isang pahayag na binasa para sa kanya ni Kasamang Julie de Lima-Sison, "Isa siyang natatanging komunista. Napakahalaga ng kanyang mga kontribusyon sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino." Aniya, "Ginugol ni Ka Zumel sa kilusan ang kanyang talento at kakayahan bilang mamamahayag. Napakahusay niya sa gawaing impormasyon at edukasyon. Tinangan niya ang maningning na tradisyon nina Marcelo H. Del Pilar at Amado V. Hernandez. Kinukumplimentaryuhan ng panulat ang espada ng rebolusyong Pilipino."

Nilaman din ng parangal ang mga handog na panalangin mula sa mga komunidad ng mga migranteng Pilipino at mga mensahe ng pagpupugay mula sa mag-anak at kapatid ni Ka Zumel. Pagtatapos nito, pinatugtog ang mga paboritong awitin ng yumaong rebolusyonaryong lider.

Kinagabihan, mas marami pang mga Pilipino, mga kaibigan, tagahanga't mga kasama ang nagtipon sa lumang simbahan sa sentro ng Utrecht upang bigyang parangal si Ka Zumel. Mahigit 50 organisasyon, pampulitikang partido at indibidwal sa loob at labas ng bansa ang nagpaabot ng mga mensahe ng pakikiramay at pakikiisa, maging si Gloria Macapagal-Arroyo.

Kabilang sa mga nagbigay ng madamdaming pahayag si Kasamang Jose Ma. Sison. Muli ring nagpahayag si dating AFP General Zumel ng pagpupugay at ng pagkamangha sa bumubuhos na ekspresyon ng pagdalamhati sa pagyao ng kanyang rebolusyonaryong kapatid.

Buong araw ng Agosto 17 ay dumagsa sa NDFP International Information Office sa Utrecht ang maraming nakiramay at nagdalamhati sa pagpanaw ni Ka Zumel.

Ayon sa mga kasama, mistulang pamamaalam ni Ka Zumel ang kanyang panghuling pampublikong talumpati na binasa sa Solidarity Conference for a Just and Lasting Peace (Kumperensya ng Pagkakaisa para sa Makatarungan at Pangmatagalang Kapayapaan) noong Abril. Aniya rito: "Kaming sumampa sa kilusan sa panahon ng kasanggulan nito noong patapos ang dekada 1960 o maagang bahagi ng dekada 1970 ay tumatanda na. Kabilang sa mga relatibong nakatatanda kumpara sa mga kabataang nasa kilusan natin, ako mismo'y sasapit na sa ika-69 taon at di kalauna'y papanaw na. Pinagmamasdan na lamang namin nang may kasiyahan at pagmamalaki ang lumalapad na hanay ng rebolusyonaryong kilusan na ngayo'y nakikipaglaban para sa mga pambansa't demokratikong karapatan ng ating mamamayan-at sa hinaharap, para sa sosyalismo."

 


Previous articleBack to top 

Agosto 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Ilantad at labanan ang mga maka-imperyalista at anti-mahirap na "reporma" ng rehimeng US-Macapagal Arroyo

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Patuloy na paglala ng krisis pang-ekonomya sa bansa

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Matinding tama ng krisis sa mamamayan

Hinggil sa "mga reporma" ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo:
Mga kagyat na kahilingan ng mamamayan

Pribatisasyon ng Social Security System, patuloy na nilalabanan
Mula sa koresponsal: Mga operasyong militar sa Kabikulan, kinundena
Mga balita ng pakikibaka
Kasamang Antonio Zumel, pinarangalan
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.