Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina

 Read this article in English

Oktubre 1, 1999: Ginunita at ipinagdiwang ng sambayanang Tsino at ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa buong daigdig ang ika-50 taong anibersaryo ng dakilang tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng Tsina laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang pambansa at panlipunang paglaya ng may 600 milyong mamamayang Tsino na bumubuo ng sangkapat ng sangkatauhan ang pinakamahalagang tagumpay ng proletaryong rebolusyong pandaigdig pagkatapos ng Rebolusyong Oktubre ng 1917 sa Rusya. Ang makayanig-mundong pangyayaring iyon ay lumikha ng napakalaking guwang sa kapangyarihan ng imperyalismo sa Silangan at matatag na naghatid ng aping mga bansa at sambayanan sa mga kolonya at malakolonya sa landas ng rebolusyong anti-imperyalista at sosyalista.

Sa inspirasyon ng rebolusyong Tsino at ng higanteng pagsulong ng mga rebolusyonaryong kilusan sa iba�t ibang panig ng mundo matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa tulak ng ibayong pagtindi ng krisis ng imperyalismo, buong-siglang sumulong ang armadong rebolusyon sa Pilipinas. Gayunman, ang napakainam na mga kalagayang internal at eksternal at ang armado at pangmasang lakas na naipon ng Partido ay mabilis na winaldas ng sunud-sunod na malulubhang Kanan at �Kaliwang� oportunistang pagkakamali ng mga Lava at Taruc, na hindi kailanman nakaunawa sa linya ng dalawang-yugtong rebolusyon, sa karanasan ng bagong demokratikong rebolusyon sa Tsina sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at sa kaangkupan nito sa Pilipinas batay sa umiiral na obhetibong kalagayan.

Sa loob ng humigit-kumulang 25 taon pagkatapos ng pambansang tagumpay, sumulong ang proletaryado at sambayanang Tsino sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina at ni Kasamang Mao Zedong. Sa gayon, naipagtanggol at nakonsolida ang tagumpay ng rebolusyon. Hakbang-hakbang�sa pamamagitan ng pag-asa sa sarili at masikhay na pakikibaka, pananalig sa rebolusyonaryong adhikain at kapangahasang sumalungat sa agos�ang dating api, atrasado, at naghihikahos na Tsina ay naitransporma sa isang bayang malaya, maunlad at makapangyarihan. Nakamit ng Tsina ang mga makasaysayan at wala pang kapantay na pagsulong sa pambansang pagkakaisa, demokrasyang bayan, produksyong industriyal at agrikultural, siyensya at teknolohiya, edukasyon at kultura, kalusugan at iba pa.

Ang Partido Komunista ng Tsina at Republikang Bayan ng Tsina ay matatag na lumaban sa imperyalismo, rebisyunismo at lahat ng klase ng reaksyon at tumindig na isang matibay na muog ng proletaryong rebolusyon at anti-imperyalismo. Sa kabila ng walang humpay na imperyalistang pagkubkob at banta ng armadong pagsalakay, itinaguyod ng Partido Komunista ng Tsina ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya sa mga kolonya at malakolonya at aktibong tumulong sa pakikibaka sa imperyalistang agresyon gaya ng sa Korea at Indotsina. Nanguna rin ang Republikang Bayan ng Tsina sa pagbubuklod at samasamang pagkilos ng mga bayan ng Ikatlong Daigdig para tutulan at labanan ang kolonyalismo at neokolonyalismo.

Sa pamumuno ni Kasamang Mao, nanindigan ang Partido Komunista ng Tsina sa Marxismo-Leninismo at nagpursigi sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon at sa tuluy-tuloy na rebolusyonaryong pagbabago sa larangan ng pulitika at kultura sa kabila ng malalaking kahirapan at bantang panloob at panlabas. Nakipagtunggali sila sa rebisyunismong Krushchov na namayani sa Unyong Sobyet pagkamatay ni Stalin, gayundin sa tangka ng mga rebisyunistang rehimen ng Unyong Sobyet na manabotahe, manggipit at lumikha ng sarisaring gusot sa Tsina. Hinarap nila ang mga tunggaliang panloob na sumiklab at umigting kaugnay ng pagtindi ng paglaban sa rebisyunismong dala ng ilang susing lider ng Partido Komunista ng Tsina. Ang labanang ito ay kaakibat ng mga malakihang pagbabago bunga ng pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon at konstruksyon. Sa mga labanang iyon, na di hamak na mas kumplikado at mas mahirap pa kaysa sa rebolusyon laban sa sistemang malakolonyal at malapyudal, binuo ni Mao ang teorya at linya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa panahon ng diktadura ng proletaryado.

Inilunsad at pinamunuan ni Mao ang Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura noong 1966 upang pakilusin ang Partido at masa ng sambayanang Tsino para ilantad at labanan ang rebisyunismo at ang mga rebisyunistang elementong burges na nakapuslit sa pamunuan ng Partido Komunista at nagtataguyod sa linyang kapitalista. Sa loob ng 10 taon, nagtagumpay ito sa pagpapakilos ng daan-daang milyong mamamayan upang ipagtanggol ang proletaryong diktadura laban sa rebisyunismo at tuluy-tuloy na itaas ang antas ng ekonomya at kabuhayan sa Tsina. Bagamat sa kalauna�y nabigo nang mamayani ang rebisyunistang pangkating Deng pagkamatay ni Mao, ang kawastuan ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura at ng teorya at linya ng nagpapatuloy na rebolusyon sa panahon ng diktadura ng proletaryado ay lubos na kinumpirma ng mabilis na pagkabulok at tuluyang pagbagsak ng rebisyunismong Sobyet, gayundin ng tahasang panunumbalik ng kapitalismo sa Tsina at muling pagkalubog ng lipunan at bayang Tsino sa kumunoy ng neokolonyalismo at pambubusabos sa ilalim ng rebisyunistang rehimen.

Sa nakaraang humigit-kumulang 25 taon, ang rebisyunistang pangkating Deng at ang tagapagmana nitong burukratang kapitalistang pamunuang Jiang Zemin ay walang pakundangang dumistrungka sa mga pinakamahalagang tagumpay at mga pangunahing haligi ng sosyalismo sa Tsina. Gaya ng maraming kontraopensiba laban sa rebolusyon, ang anti-sosyalistang kampanyang demolisyon ng pangkating Deng ay nagwawagayway ng pulang bandila para ibagsak ang pulang bandila. Walang kahihiyang inaangkin at isinasangkalan nila ang prestihiyo ng Partido Komunista at ni Mao para ilako ang kanilang palsipikadong �sosyalismo na may katangiang Tsino� na walang iba kundi burukratikong pangungurakot, pagsasamantalang kumprador-burges at pakikipagsabwatan sa imperyalismo.

Agad tinumbok ng demolisyong anti-sosyalista ang sosyalistang kaayusan sa agrikultura, upang engganyuhin ang burges at petiburges na produksyon sa agrikultura, palakasin ang baseng sosyal para sa pagpapanumbalik ng kapitalismo at kitlin ang pundasyon hindi lamang ng industriyalisasyong sosyalista kundi kahit ng industriyalisasyong umaasa sa sarili. Ang pangako ng mabilisang modernisasyon at kalayaan ng indibidwal na magpayaman sa sarili ay ginamit upang ikonsolida ang pwersa ng burgesya, tuluyang talikuran ang sosyalistang rebolusyon at konstruksyon at lubos na muling yakapin ang kapitalismo at neokolonyalismo. Ang akumulasyon ng kapital para sa mabigat na industriya upang tuluytuloy na lahatang-panig na mapaunlad ang produksyon sa agrikultura at magaang industriya ay isinakripisyo sa patakarang umasa sa dayuhang kapital at makaisang-panig na pagtuon ng produksyon sa magaang produktong pangkonsumo at para sa eksport.

Muli na namang namamayagpag ang dayuhang monopolyong kapital sa pagpiga sa lakas-paggawa at pagaagawan sa pamilihan ng Tsina. Ang pagwasak sa mga komuna at kooperatiba sa kanayunan ay agad lumikha ng karagatan ng daan-daang milyong magsasakang nawalan ng sakahan at hanapbuhay at nagbebenta ng lakaspaggawa sa napakababang halaga. Milyun-milyon pa taun-taon ang nadaragdag sa reserbang hukbo ng paggawa bunga ng pangangamkam ng lupa, pagpapalit-gamit ng lupa at simpleng kawalan ng kakayahan ng agrikultura at industriya na makapagbigay ng empleyo sa mga bagong pasok sa pamilihan ng paggawa. Sa mga �export processing zone� ng Tsina matatagpuan ang kabilang sa maituturing na pinakamasahol na mga kalagayan sa paggawa kaugnay ng sahod, oras ng paggawa, kalagayan sa kaligtasan at kalusugan at mga karapatang pang-unyon.

Upang ipagmayabang ang mga �bentahe� ng kapitalismo, ang mga ulat ng masmidya ng Kanluran ay madalas na nagbibigay-tuon sa mga bagong-sibol na kapitalista at sa maluhong paggasta at marangyang pamumuhay ng sandakot na mga bagong-yaman. Pero kinakaligtaang iulat na ang lipunang Tsino ay nililigalig ng mabilis na lumalalim na sosyo-ekonomikong krisis at malawakang diskuntento ng mamamayan na humahantong na sa mga armado at iba pang popular na pagaalsa ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang karaniwang mamamayan. Ang madugong pagsupil sa protesta ng mamamayan sa Tienanmen noong 1989 ay

pansamantala lamang na nakapagpatahimik sa pagpapahayag ng galit at pagkundena ng karaniwang mamamayan sa malubhang korupsyon at kabulukan ng mga upisyal at patuloy na paglala ng paghihikahos ng marami habang nagpapasasa ang iilan. Sa malawak na bahagi nga kanayunan, mabilis na nahihinog ang mga kundisyon para sa muling pagsiklab ng armadong paglaban ng mamamayan.

Bagamat hindi nahagip ng pinakamasahol na epekto ng krisis na sumalanta sa Silangang Asya mula 1997, ang Tsina ay hindi nakakaalpas sa bingit ng tuluyang pagbagsak. Nahihirapan sa kumpetisyon ang mga pangunahing eksport nito na binubuo ng mumurahing produktong pangkonsumo na mababa ang teknolohiya dulot ng malubhang sobrang produksyon ng gayong mga kalakal sa buong daigdig, laluna mula sa mga atrasadong bansang neokolonyal. Sa mga unang buwan ng 1999 bumagsak nang malaki ang eksport (nang halos sangkapat sa kaso ng tela) at ito ay nagbunga ng pangkalahatang pagtamlay ng produksyon at ekonomya.

Ang pagdagsa ng dayuhang pamumuhunan na pangunahing inasahan ng Tsina sa industriyalisasyong nakatuon sa eksport mula 1992 hanggang 1997 ay mabilis na natuyo mula 1998 at hindi inaasahang babalik uli sa matagal na panahon. Ang mga pangunahing sentro ng ekonomyang import-eksport, laluna sa Katimugang Tsina na ibinukas sa malayang pagdagsa ng dayuhang monopolyong kapital, ay dumaranas ng sobrang konstruksyon, sobrang kapasidad at dumaraming pagkalugi. Samantala, sa mga prubinsya sa Gitna at Hilagang Tsina, nangangabulok ang industriya at bumabagsak ang produksyong agrikultural bunga ng pagpapabaya dito ng sentral na gubyerno. Bangkrap ang karamihan ng mga korporasyong pagaari ng estado at ang mga bangko ay gumigiray dala ng gabundok na di mabayarang pautang na tinatayang aabot sa 30% ng kabuuang pautang ng mga bangko. Upang pasiglahin ang matamlay na produksyon at pamilihan, pinalalaki ang paggasta nang sobra sa kita ng gubyerno.

Habang lumalaon, lalong nalulubog ang Tsina sa utang sa mga dayuhan.

Sa ganap na pagkabulok ng Partido Komunista ng Tsina, ang pagpapanibagong- tatag ng rebolusyonaryong partido at kilusan ay nakasalalay sa mga tunay na proletaryong rebolusyonaryong nasa labas ng, at lumalaban sa, naghaharing partido. Sa harap ng patuloy na lumalalang krisis ng imperyalismo sa buong daigdig, ng umiigting na krisis sa loob ng Tsina at papalalang pambubusabos sa mga manggagawa at magsasakang Tsino, lalong mahigpit ang pangangailangan sa pagpapanibagong-lakas ng proletaryong rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka sa Tsina.

Sa paggunita sa ika-50 taong anibersaryo ng pambansang tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina, alalahanin at ipagbunyi ang dakila at maningning na rebolusyonaryong halimbawa at pamana ng Partido at sambayanang Tsino sa pamumuno ni Mao. Kaalinsabay nito, kundenahin ang mga rebisyunistang taksil na nagwasak sa sosyalismo at nagpanumbalik sa kapitalismo, neokolonyalismo at pambubusabos.

Anuman ang mga liko at ikot na nangyari, binago ng rebolusyong Tsina ang takbo ng kasaysayan at lipunan hindi lamang sa Tsina kundi maging sa buong mundo. At sa kabila ng malaking kabiguang dinanas ng rebolusyong Tsino, kailanma�y hindi magmamaliw ang pinakamahalagang pamana nito sa proletaryong rebolusyong pandaigdig�ang teorya at linya ng Maoismo na nagdala ng Marxismo-Leninismo sa bago at mas maunlad na yugto at ngayo�y tumatanglaw sa pagpupunyagi ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa buong daigdig na magpanibagong-lakas at muling sumulong sa dakilang landas ng proletaryong rebolusyong sosyalista.

 


Previous articleBack to topNext article

00 Setyembre 1999
Edisyong Pilipino


Editoryal:
Lumalawak at lumalakas ang militanteng pakikibaka ng mga manggagawa

Ang Bayan, sa internet
Mga rali at welga sa Nobyembre 16:
Patuloy na pag-igting ng pakikibaka para sa P125 dagdag sa sahod

Deregulasyon sa industriya ng langis
Sabwatan ng mga imperyalista, mga kartel ng langis at ng reaksyunaryong gubyerno

Liham mula sa Rehiyong Ilokos-Kordilyera
Ang usapin ng sesesyon at karapatan sa pagpapasya-sa-sarili ng mamamayang Moro
Ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina
Sa ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina
Ang busabos na kalagayan ng mga manggagawa sa Tsina

Sa ika-50 taong anibersaryo ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon sa Tsina
Ang sosyalistang transpormasyon ng kanayunan at pagbabaligtad nito

Binabati ng mamamayang Pilipino ang mamamayan ng East Timor at tinutuligsa ang mga atake laban sa kanila ng mga pasistang Indones
Hudyat sa ibayong pagsulong ng antipyudal na pakikibaka sa Timog Katagalugan
Panimulang tagumpay sa pagpawi ng resikada

Patuloy na paglulunsad ng mga taktikal na opensiba ng BHB-Bikol
Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.