Pagkakaisa at pakikibaka ng mga migranteng manggagawa
Nagkumahog ang rehimeng Ramos na isabatas ang Migrant Act of 1995 o RA 8042 bilang reaksyon sa malawakang protesta laban sa tahasang pagpapabaya ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas sa pagbitay kay Flor Contemplacion noong 1995.
Subalit lalo lamang ginatungan ng hungkag na RA 8042 ang galit ng mamamayan, partikular ng mga migranteng Pilipino, dahil pinalakas lamang ng batas na ito ang pagkalakal sa mga manggagawang migrante. Lalo lamang nitong itinulak ang mga migranteng Pilipino na pahigpitin ang pagkakapit-bisig at umanib sa pakikibaka ng malawak na masa ng sambayanan laban sa sistemang umaalipusta sa kanila.
Dahil sa kanilang karanasan, patuloy na namumulat ang mga migrante na hindi nila kakampi ang reaksyunaryong gubyerno sa pagsusulong ng kanilang kapakanan at paggigiit ng kanilang mga karapatan.
Noong magtatapos ang 1998, iginiit ng mga organisadong migranteng Pilipino sa Hong Kong ang pagpapababa ng sinisingil na authentication fee sa kanila ng gubyerno ng Pilipinas. Dahil sa kawalang-aksyon ng rehimeng Estrada sa matagal na nilang petisyon, bumaling sa sariling lakas ang libu-libong migranteng manggagawang Pilipino. Sa pamamagitan ng pinagsanib na mga hakbang ng isang alyansang binubuo ng mahigit 80 organisasyon, naigiit ng mga migrante sa Philippine Consulate sa Hong Kong ang pagpapababa ng naturang bayarin mula HK$425 (P2,125) tungong HK$200 (P1,000).
Ang munting tagumpay na ito ay natamo ng mga manggagawang migrante kasabay ng paglaban sa pagkaltas sa kanilang sahod. Dalawampung porsyento (20%) ang orihinal na halagang kakaltasin ng gubyerno ng Hong Kong mula sa sahod ng mga migrante. Ngunit dahil pa rin sa sama-sama nilang pagpepetisyon, napabawasan nila nang 75% ang kaltas.
Sa kasalukuyan din, puspusang nilalabanan ng mga migranteng manggagawa ang Memorandum of Instruction No. 8 ni Estrada. Nagpapataw ito ng US$25 na bayarin para sa umano'y pagpoproseso ng mga kontrata. Matagumpay na nahahadlangan ng mga migrante sa Hong Kong ang kautusang ito.
Pagtagumpayan man muli ng mga migrante ang mga laban sa panggagantso ng gubyerno dito at sa ibayong dagat, tiyak namang muli�t muli silang lolokohin at kikikilan ng reaksyunaryong rehimen at ng mga kasabwat nitong mga dayuhang ganid.
Subalit may hangganan ang kanilang pagsasamantala. Ito'y dahil sa nagpapatuloy at ibayong sumisigla ang paglaban ng mga manggagawang migrante di lamang sa iba pang mga anti-migranteng patakaran at kalakaran, kundi sa naghaharing sistemang walang-tigil sa paglapastangan sa kanila, sa kanilang mga pamilya at sa buong sambayanang Pilipino. "
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|