Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Mga Lumad sa Timog Mindanao
Matatatag na Base ng Rebolusyon

Hitik sa aral ang mahabang karanasan ng pagkilos ng mga rebolusyunaryong pwersa sa hanay ng mamamayang lumad. Tulad ng iba pang aral ng kasaysayan, marami rito ang isinulat sa dugo at pinagbuwisan ng buhay.

Subalit masalimuot man ang daan at batbat man ito ng pagkakamali, ito'y tumungo sa pag-iral ng mas mahigpit na pagkakaisa sa pagitan ng mamamayang lumad at rebolusyunaryong pwersa. Sa kasalukuyan, maraming komunidad ng lumad ang matatatag na base ng rebolusyon.

Sino ang Lumad?

Ang itinuturing na mga lumad sa Mindanao ay yaong mga orihinal na naninirahan sa isla na hindi pa nasasaklaw ng Islamisasyon pag-abot ng mga kolonyalistang Kastila. Karamihan ngayon ng mga tribung lumad ay naninirahan sa mga mabundok at magubat na bahagi ng Mindanao. Sa pangkalahatan, ang kasalukuyang umiiral na organisyong panlipunan, kabuhayan at kultura sa mga tribung ito ay iyon ding umiral sa panahon ng kanilang mga ninuno. Ito rin ang pinagmumulan ng kanilang identidad bilang mga lumad.

Itinatayang may dalawang milyon ang populasyon ng lumad sa buong Mindanao. Ilan sa mga mayor na tribung lumad ay ang Manobo (may populasyong 514,121 ayon sa pinakahuling sensus ng gubyerno, at may pinakamalaking konsentrasyon sa Agusan del Sur); Subanen (479,131 ang populasyon at konsentrado sa Zamboanga peninsula); Higaonon (may populasyong 322,635 at konsentrado sa hilagakanlurang Bukidnon); Mandaya (may populasyong 291,807 at konsentrado sa Davao Oriental); at B'laan (212,882 ang populasyon at konsentrado sa South Cotabato at Davao del Sur).

Bukod sa mga naturang mayor na tribu, marami pang identipikadong sub-groupings sa ilalim ng mga ito. Ang mga sub-groupings ay may malaking pagkakahawig sa lenggwahe, kultura, organisasyong panlipunan at mga tradisyon sa mayor na tribung kinapapalooban nila sa klasipikasyon. Ang ilan dito ay ang Ata-Manobo at Bagobo (mga sub-groupings ng tribung Manobo); Mansaka (isang sub-group ng tribung Mandaya); at T'boli (isang sub-group ng tribung B'laan).

Pagtaboy sa Kabundukan

Bagamat may mga tribung dati nang naninirahan sa kabundukan bago dumating ang mga Kastila, mas maraming tribu ang matatagpuan noon sa kapatagan at baybaying dagat.

May ilang ulit na itinaboy ang mga tribung ito patungong kabundukan.

Ang una ay sa panahon ng agresibong ekspansyon ng Islam noong ika-13 hanggang ika-15 siglo. Nasaklaw ng Islam at napailalim sa Islamikong Sultanato ng Sulu ang malalaking tribu sa Timog Mindanao, tulad ng Maguindanao, Maranaw, Tausug, Iranun, Sama at iba pa. Yaong mga ayaw magpasakop at nais mapreserba ang kanilang nakagisnang sistemang panlipunan ay nagsilikas patungo sa interyor. Samantala, sa kakulangan na rin ng pwersa ay nahirapang sakupin ng Islam ang mga tribu sa hilaga, silangan at kanlurang Mindanao bago dumating ang mga Kastila.

Ang ikalawang pagkakataon ay noong ika-16 hanggang ika-19 na siglo, sa panahon ng kolonyalismong Kastila. Nabigo ang mga Kastila na pawiin ang Islam at wasakin ang mga Sultanato (nabuo rin ang Sultanato ng Maguindanao noong 1619). Subalit madali nitong nilupig sa pamamagitan ng krus at espada ang mga patriarkal-alipin na tribu sa kapatagan. Sa kabundukan muling nagsilikas ang mga lumad na ayaw magpasakop sa mga Kastila. Sa kabilang banda, hindi gaanong nagtagumpay ang mga Kastila na ipailalim sa kanilang otoridad ang mga primitibo komunal na tribu sa interyor. Sa mga malayong gubat at bundok, napanatili ng mga lumad ang marami nilang mga tradisyunal na kaugalian.

Ang ikatlong pagkakataon ay noong panahon ng kolonyalismong Amerikano. Dito nasimulan ang malawakang pagmimina at pagtotroso na isinagawa, kalakhan, sa lupain ng mga lumad. Sa proseso, maraming katutubo ang pinalayas at inagawan ng lupa.

Patuloy na inaagaw ang lupa at pinalilikas ang mga lumad sa Mindanao sa ilalim ng mga programang pang-ekonomya ng rehimeng Ramos na agresibong nag-eengganyo sa malalaking dayuhang kapitalista na magmina, magtroso at magtayo ng mga korporasyong agribusiness at proyektong real estate sa naturang mga lupain.

Rebolusyunaryong Kilusan at Mamamayang Lumad

Samantala, dala ng matinding impact ng kolonyalismong Kastila at Amerikano sa kabuuan ng lipunang Pilipino, ang dating umiiral na sistemang primitibo komunal at patriarkal alipin sa hanay ng mga lumad ay napawi at nagbigay-daan sa pag-iral ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Lumitaw ang mga panginoong maylupa, komersyante at mga tenante sa hanay ng mga lumad at umiral ang pagbubuwis sa lupa, sistemang usura at iba pang porma ng malapyudal na pagsasamantala.

Ang mga gubat at kabundukang tinitirahan ng mga lumad ay estratehiko at napakapaborable para sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya.

Ang higit na nakararaming bilang ng mamamayang lumad na mula sa pinagsasamantalahan at inaaping uri ay kabilang sa mayorya ng mamamayang Pilipino na biktima ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ito ang nagsisilbing matibay na batayan ng pag-uugat ng rebolusyunaryong kilusan sa mamamayang lumad. Mahalaga rin ang rebolusyunaryong pagkilos sa kanilang hanay dahil ang gubat at kabundukang tinitirahan ng mga lumad ay estratehiko at napakapaborable para sa paglulunsad ng pakikidigmang gerilya.

Sa kabilang banda, ang diskriminasyon na nararanasan ng mga lumad sa kamay ng mayoryang populasyon at nagsisilbing dagdag na pabigat sa kanila, ay nagtatakda ng espesyal na karakter sa pagkilos ng mga rebolusyunaryong pwersa sa kanilang hanay. Malaking kunsiderasyon din sa pagkilos ang patuloy na pag-iral ng katutubong kultura at organisasyong panlipunan sa komunidad ng mga lumad.

Pagkilos sa Hanay ng Mandaya

Bagamat hindi matatawaran ang kawastuan at kahalagahan ng huling nabanggit na prinsipyo, may ilang ulit itong nalabag ng mga rebolusyunaryong pwersa sa kanilang pagkilos noong dekada '80 sa hangganan ng Davao del Norte, Davao Oriental, Surigao del Sur at Agusan del Sur. Ang naturang lugar ay erya ng Mandaya. May humigit-kumulang na 200,000 Mandayang naninirahan dito. Mayroon ding ilampung libong Mansaka at Manobong naninirahan sa mga komunidad sa paligid.

Uminog ang mga pagkakamali sa pag-iral ng adbenturismong militar, na namayagpag noong panahong iyon.

Sinimulang kilusan ang erya ng isang iskwad ng Bagong Hukbong Bayan sa pagtatapos ng dekada '70. Sa unang dalawa hanggang tatlong taon ay umani ng mga panimulang tagumpay ang rebolusyunaryong kilusan. May mga grupo at komiteng pang-organisa na naitayo at lumaki ang saklaw ng organisadong masa. Marami ring lumad na sumampa sa Hukbo.

Subalit hindi mahusay na napanghawakan ng mga rebolusyunaryong pwersa ang mga kontradiksyon sa hanay ng masang lumad at sa pagitan ng mga Bisayanong setler at mga katutubo. Nagkulang ang mga kasama sa pagunawa sa mga katutubong batas at pamamaraan ng pagresolba sa mga alitan, at arbitraryo nilang pinairal ang pamantayan sa hustisya ng rebolusyunaryong kilusan.

Isang halimbawa ay ang pagtrato sa mga kaso ng pagnanakaw. Sa tribung Mandaya, ang pagsauli ng mga bagay na ninakaw ay katanggaptanggap nang solusyon sa problemang ito. Katanggap-tanggap din na pagnakawan ng biktima ang salarin ng katumbas na halaga ng bagay na ninakaw sa kanya. Sa halip na hanapan ng mga kasama ng pampulitikang solusyon ang problema ng pagnanakaw at ikonsidera ang mga ganitong tradisyon sa pagdedesisyon, pinatawan ng parusang kamatayan ang mga napatunayang nagnakaw � isang kalabisan kahit sa pamantayan ng rebolusyunaryong hustisya. Dahil na rin sa kakulangan ng pagunawa sa kultura ng mga lumad, mas madalas na katutubo ang naparurusahan kapag may mga alitan sa pagitan nila at ng mga Bisaya.

Nagkaroon din ng mga pagkakataong pilit na pinagdaos ng pagpuna at pagpuna-sa-sarili ang mga lumad. Hindi kinunsidera ng mga kasama na para sa mga katutubo, ang pagkastigo o pagpuna sa isang nagkasala sa harap ng publiko ay nagdudulot ng matinding kahihiyan hindi lamang sa indibidwal kundi sa buo niyang angkan.

Sa patuloy na pagwawalambahala ng mga kasama sa tradisyon ng mga lumad, unti-unting lumamig ang trato ng mga katutubo sa kasama, at nahiwalay ang rebolusyunaryong kilusan sa masa. Dumami ang mga kaso ng pagsusuplong ng lumad sa militar hinggil sa kilos ng Hukbo. May mga katutubo ring sumapi sa Civilian Home Defense Force (CHDF).

Nagkulang ang mga kasama sa pag-unawa sa mga katutubong batas at pamamaraan ng pagresolba sa mga alitan, at arbitraryong pinairal ang pamantayan sa hustisya ng rebolusyunaryong kilusan.

Matingkad na halimbawa ang naganap sa Man-ay, isang bulubunduking bayan sa Davao Oriental. Napilitang atrasan ng Hukbo ang mga kinikilusan nitong baryo dito noong 1982 nang magdeklara ng pangayaw o "tribal war" laban sa mga kasama ang pinagsanib na pwersa ng mga tribu at mga lumad na CHDF. Lumipas ang tatlong taon bago ito muling nakilusan.

Bunga ng ganitong mga pangyayari, nagtasa ang mga kasama at may inilabas na study paper ang komite ng Partido sa Timog Silangang Mindanao na nagpalalim sa iba't ibang aspeto ng kultura ng mga lumad. Idiniin ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang sa mga katutubong tradisyon sa pagkilos sa kanilang hanay.

Sa gabay ng mga aral na halaw sa karanasan ng mga dating kumilos dito, sinikap ng Partido na bawiin ang nawalang erya.

Napatunayang wasto ang mga aral. Hindi lamang nabawi ang mga dating erya; nakapagpalawak pa ang kilusan sa ibang lugar. Pagsapit ng 1985, dumoble ang bilang ng organisadong masa at saklaw na baryo at bayan. Dumoble rin ang bilang ng mga lumad na sumampa sa Hukbo at naging myembro ng Partido.

Subalit muli itong hindi nasustini.

Kasagsagan noon ng adbenturismong militar. Maraming mandirigma ang tinanggap sa Hukbo kahit hindi pasado sa pamantayan sa rekrutment. Magaspang ang kanilang kilos, arogante sa kanilang pakikitungo sa masa at mababa ang antas ng disiplina. Naging laganap ang mga kaso ng pag-iinom, paglalasing at arbitraryong pagpapaputok ng baril. Lalong tumindi ang pagka-arogante ng Hukbo nang nakapaglunsad ito ng malalaking taktikal na opensiba, na ang tanging naging sukatan ng tagumpay ay ang ganansyang militar.

Bagamat hindi na gaanong laganap ang mga kaso ng arbitraryong pagpapataw sa parusang kamatayan, may pagluluwag pa rin ang pagtangan ng Hukbo sa prinsipyo ng linyang masa sa hanay ng mga lumad. Isa sa mga madalas ikagalit noon ng mga katutubo ay ang pagpapasampa sa kanilang mga katribu nang hindi ipinagpapaalam sa angkan. Mas matindi ang kaso kapag babae ang sumasampa. Ikinagagalit din ang panliligaw at pagpapakasal sa mga dalagang lumad ng mga Pulang mandirigma nang walang pahintulot ang kanilang angkan.

May pagkakataon ding nagkulang sa pagsusuri-sa-uri ang mga kasama nang ipagkamali nilang panginoong maylupa ang isang mayamang magsasakang lumad at singilin ito ng malaking buwis.

Kampanyang Anti-Marijuana

Sa kaso naman ng ilang baryo sa Baganga at Caraga, Davao Oriental noong kalagitnaan ng dekada '80, naging "Kaliwa" ang pagdadala ng mga kasama sa kampanyang anti-marijuana na inilunsad sa mga komunidad ng lumad.

Isang "hayag na lihim" ang pag-iral ng malalaking plantasyon ng marijuana sa mga liblib na baryo ng Baganga at Caraga. Nasimulan ang pagtatanim ng marijuana dito nang pasukin ang erya ng PANAMIN (Presidential Assistant on National Minorities), isang ahensyang binuo ng diktador na si Ferdinand Marcos upang pangalagaan diumano ang interes ng mga katutubo.

Ang PANAMIN ang siyang nag-akit sa mga katutubong Mandaya na magtanim ng marijuana. Madaling nakumbinsi ang mga lumad na magtanim nito dahil mas malaki ang kinikita mula dito, at mas magaan ding pasanin ang mga dahon nito patungo sa sentrong baryo kaysa sa mga dati nilang produkto, gaya ng abaka o kape.

Ayon kay Ka Caloy, isang kadre ng Partido Komunista sa Timog Mindanao, laganap pa rin hanggang ngayon sa naturang erya ang pagtatanim ng ipinagbabawal na marijuana. May mga kaso, aniya, na sa 17 pamilyang naninirahan sa isang sityo, 16 ang nagtatanim nito. Napakaordinaryo na lang nito, dagdag niya, kaya't mga dahon na rin ng marijuana ang ipinanglalaman sa mga unan. Syempre pa, protektado ng militar ang "industriyang" ito.

Sandaling kinilusan ang erya noong 1973 hanggang 1975, subalit naiwan ito nang siyam na taon, bago ito muling nabalikan. Pagdating dito ng isang kumpanya ng BHB noong 1984, agad nitong dinisarmahan ang pwersa ng CHDF na pinopondohan ng PANAMIN, at kanilang kinilusan ang lugar.

Sa mga unang buwan ng pagkilos dito ng mga kasama ay nakapagtayo sila ng mga grupong pang-organisa. Sadyang mababa pa ang bilang at antas ng organisasyon sa hanay ng masa nang ipinasya ng Hukbo na ipagbawal ang pagtatanim ng marijuana. Pahapyaw lamang na kampanyang propaganda ang inilunsad bago sinimulan ang "marijuana eradication campaign" noong 1985, kaya't hindi talaga nakumbinsi ang mga lumad hinggil dito.

Pinagbubunot at pinagsusunog ng Hukbo ang lahat ng tanim ng marijuanang kanilang matagpuan. "Sa isang pagkakataon," ani Ka Caloy, "napuno ng kumpiskadong marijuana mula sahig hanggang kisame ang isang silid-aralan bago ito inilabas para sunugin."

"Hindi kilusang masa ang naturang kampanya," diin ni Ka Caloy. "Isa lamang itong lantay militar na aksyon." Aniya, may ilang lumad ding tinortyur dahil ipinatuturo sa kanila ang iba pang taniman ng marijuana. Sa halip na madagdagan ang suportang masa nito, galit at sama ng loob ang inani ng Hukbo.

Lumala pa ang kalagayan nang magpasya ang Hukbo na maglunsad ng pagsasanay-militar sa lugar, kasama ng isa pang kumpanya ng mga Pulang mandirigma.

Bilang paghahanda sa treyning, ibinaba ang patakarang "linisin ang base". Umabot sa 15 pinaghinalaang impormer ang binira. Nagkataon ding mga middlemen sa pagbebenta ng marijuana at kabilang sa malalaki at prominenteng angkang lumad ang mga ito.

Nagdeklara ng pangayaw ang mga Mandaya. Tinarget ang mga kasama.

Sa serye ng labanan na naganap noong huling bahagi ng 1985, walong kasama ang namatay (kabilang ang isang lima-kataong Sandatahang Yunit Pampropaganda) at tatlo ang nasugatan. Marami ring kaswalti sa hanay ng mga katutubo.

Subalit ang pinakamalaking kaswalti, ani Ka Caloy, ay ang demoralisasyon na lumaganap sa hanay ng mga lumad sa loob ng Hukbo. Marami ang nagsialis o sumurender sa kaaway.

Pagsapit ng 1986, napilitan muli ang Hukbo na atrasan ang malaking bahagi ng larangang gerilya, dahil halos dalawang bayan ang naging saklaw ng pangayaw. Lumiit nang lumiit ang kanilang erya ng maniobra hanggang sa iniwan ng Hukbo ang buong larangan noong 1988. Apat na taon itong hindi nakilusan.

Puspusang Pag-oorganisa

Sa ikalawang pagkakataon, seryosong tinalakay ng Partido ang usapin ng pagkilos sa hanay ng mga lumad. Tinalakay din ang mga problemang unti-unti nang naglilitawan at bumabagabag sa kilusan: ang dumaraming kaso ng paglabag sa disiplinang Hukbo, ang kumikitid na baseng masa at erya ng maniobra, ang lumalaganap na demoralisasyon sa hanay ng masa at kasama. Ilang buwan bago nagsimula ang kampanyang rektipikasyon na ipinanawagan ng sentrong pamunuan ng PKP, may isang antas ng pagwawastong inilunsad ang komite ng Partido sa Timog Mindanao.

Noong Enero 1992, isang iskwad ng piling mga kadre at Pulang mandirigma ang ipinadala sa iniwang larangan upang mabawi ito. Mulat sa mga naging pagkakamali, binigyan ng Partido ng pormal na oryentasyon ang iskwad hinggil sa kasaysayan ng pagkilos sa lugar, at sa mga partikularidad ng kulturang lumad. Tiniyak na may mahuhusay na rekord, mataas na antas ng disiplina at malalim na paggagap sa mga prinsipyo ng pag-oorganisa ang mga ito. Kinailangan ding tiyakin na may sapat na kasanayang militar ang buong iskwad.

Unang binalikan ang "malalambot" na erya sa kapatagan � hindi mga komunidad ng lumad kundi ng mga Bisaya. Bagamat hindi gaanong matindi ang mga nagawang pagkakamali dito ng mga Hukbo, naging malamig pa rin ang pagtanggap ng masa sa mga kasama. "Maraming galit. Maraming ayaw magpatuloy sa bahay," salaysay ni Ka Caloy. "Madalas mag-pisikal (physical basing) na lang ang iskwad." Meron ding nagpapatuloy, aniya, dahil marami silang mga tanong na gustong linawin.

Para mapalapit muli sa mga tao, naglunsad ng mass clinics ang mga kasama. Dalawang medik ang kabilang sa iskwad, at talagang "factored in" ito sa programa ng rekoberi.

"Lagnat, ubo, sugat; pagtutuli, pagbubunot ng ngipin; tsek-ap ng mga buntis at bata; libreng gamot. Ito ang serbisyong ibinigay namin," ani Ka Caloy. Tumulong din sila sa produksyon.

Para mapalapit muli sa tao, naglunsad ng mass clinics ang mga kasama.

Palagi't palagi, nagsasagawa sila ng panlipunang pagsisiyasat para mapalalim ang kanilang kaalaman sa erya. Sinuyod nila ang kapatagan hanggang sa unti-unti ay inabot nila ang mga komunidad ng lumad sa kabundukan � pero iyon munang hindi gaanong nakaranas ng mga pagkakamali ng Hukbo ang kanilang inuna.

Dito'y ipinagpatuloy nila ang pagsisiyasat. Mapagkumbaba nilang inaalam kung ano ang naging kamalian ng mga dating kasama, at humingi ng tawad. Kapag nakapalagayang-loob na nila ang masa, hinihiling nila dito na ipaabot sa iba pang kakilala nila (yaong mga walang hinanakit sa kilusan) ang tungkol sa mga kauban (kasama). Ang mga bagong kontak na inirerekomenda ng masa ay iniimbitang makipagtalakayan, at hinihingan din ng tulong sa pagsisiyasat. Pinahihiwatigan sila ng mga kasama na nais sana nilang bumisita rin sa kanilang bahay balang araw.

Sa ganitong paraan, lumawak ang bilang ng kontak ng Hukbo. Maraming naging bagong kaibigan. Pagkaraan, hindi na kailangang magpahiwatig ng mga kasama. Ang masa na mismo ang umiimbita sa kanilang dumalaw sa kanilang bahay.

Matapos ang limang buwan, lumawak na ang eryang kinikilusan at nagpatawag na ng dagdag na mga kasama mula sa ibang larangang gerilya para gumampan ng gawaing ekspansyon, konsolidasyon at rekoberi. Marami pang kasama ang nagtreyning sa gawaing medikal upang lalong mapatingkad ang pagbibigay ng serbisyong medikal sa masa. Sa panahon ding ito, may ilan na ring Bisaya na sumampa na sa Hukbo.

Bagamat wala pa muling narerekrut na lumad sa BHB, may nabubuo nang panimulang pagkakaisa ang masang katutubo at mga kasama. Nagpapatuloy na sila sa bahay, at nagbibigay ng impormasyon hinggil sa kilos ng kaaway at ng security force ng mga kumpanya sa logging.

Patuloy na nagpunyagi ang mga kasama. Nasuklian ito ng mas malawak pang erya ng maniobra at ng panunumbalik ng kumpyansa ng mas malaking bilang ng mga lumad sa Hukbo. Pagsapit ng ikalawang hati ng 1993, pumasok na ang mga unang rekrut na katutubo sa BHB.

Halos dalawang taon ng puspusang pagwawasto at pag-oorganisa ang isinagawa ng mga kasama upang mabawi ang nawalang larangang gerilya.

Hindi naging madali ang proseso ng rekoberi. Apat na Pulang mandirigma ang namatay at dalawa ang nasugatan sa tatlong depensibong labanan na naganap habang isinasagawa ito. Naantala rin nang ilang buwan ang proseso nang ang mga mandirigmang hindi nakaangkop o nakatanggap sa pagsusuri at mga bagong panawagan sa ilalim ng kampanyang rektipikasyon ng Partido ay nademoralisa, nagsitakas, sumurender sa kaaway, o nagbalak maglunsad ng mutiny o pag-aalsa. Isinaayos muna ang pagkonsolida sa hanay ng Hukbo at organisadong masa bago muling hinarap ang gawaing pagbawi at pagpapalawak.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang puspusang pag-oorganisa at pag-ani ng tagumpay sa diwa at gabay ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto.

Ilang Mga Aral

May ilang mga partikular na aral na nahalaw ang rebolusyunaryong kilusan mula sa pagkilos nito sa hanay ng mamamayang lumad.

Una, dahil sa matingkad pa rin ang sistemang angkan sa mga lumad, kailangan ng mas malalim na pagsisiyasat bago makapagbubuo ng mga grupong pang-organisa.

Hindi sapat na malaman kung ano ang rekord ng pagkatao at uring pinagmulan ng mga magiging kasapi. Kailangang matiyak din na hindi pinagsasama sa isang grupo ang mga lumad na kabilang sa magkakaaway na angkan o pamilya. Marami ring lumad ang ayaw sumapi sa grupo kung hindi rin isasama ang lider ng kanilang angkan (kahit na mula sa matataas na uri o saray ang mga ito). Ani Ka Caloy, "Bukod sa pagpapatupad sa class line, kailangan ding alamin at isaalang-alang ang 'blood line.'" Ibig sabihin, pagkatapos makakuha ng mga kontak at makapanayam ang mga ito, kailangang alamin kung sinu-sino ang mga magkaka-angkan at magkapamilya, kung sino ang kanilang mga lider, at kung anu-ano ang mga umiiral na kontradiksyon sa pagitan ng mga angkan at pamilya.

Sa halip na magtayo agad ng mga grupong pang-organisa, maaaring mga barrio liaison groups o grupong tagapag-ugnay sa baryo ang unang itatag. Ito'y kinabibilangan ng mga mapagkakatiwalaang lumad na maaaring magmula sa iba't ibang uri at saray.

Tumutulong ang barrio liaison group sa pagsisiyasat at paghahanap ng mga dagdag na kontak.

Sinisikap na lapatan ng mga pampulitikang solusyon ang mga kontradiksyon sa hanay ng mamamayan upang huwag na itong humantong sa pagdanak ng dugo.

Samantala, kapag may kontradiksyon sa hanay ng mga lumad o sa pagitan ng mga katutubo at setler, iminumungkahi ng mga kasama ang pagdaraos ng assembly o pagpupulong para mapag-usapan ang mga ito. Sa mga pagpupulong na ito, nireresolba ang mga alitan sa pamamagitan ng dayalog. Pinagkakaisahan din ang mga balaud o batas na iiral at mga karampatang parusa kapag nilabag ang mga ito. Kapag naresolba na ang mga kontradiksyon, nagiging daan ito upang ang mga myembro ng dating magkakaaway na angkan ay magkaisa sa isang grupo.

Sa ganitong paraan, sinisikap na magkaroon ng pampulitikang solusyon ang mga kontradiksyon upang huwag nang tumungo ang mga ito sa pagdanak ng dugo. Kinikilala at binibigyang-halaga sa mga pagpupulong na ito ang impluwensya ng mga lider-angkan ng mga katutubo.

Sa kabilang banda, kung lumabas sa panimulang pagsisiyasat ng Hukbo na hindi na matingkad ang otoridad ng mga lider-angkan sa komunidad, wala nang pangangailangang magpatali pa sa sistemang angkan kapag nag-oorganisa at nagreresolba ng mga kontradiksyon sa hanay ng mamamayan. Sa ganitong pagkakataon, hinihikayat din ang pagbubuo ng mga grupo at organisasyong kinabibilangan ng mga lumad at Bisaya. Ito'y upang maiwasan ang "lumadismo" o ang sobrang pagbibigay-halaga sa mga institusyong katutubo sa halip na gawing gabay ang linyang makauri at linyang masa.

Samantala, kung may mga di kanais-nais na gawi ang mga liderbarangay na katutubo, maaari rin itong punahin sa mga naturang pagpupulong. Nagiging daan ito sa pagbabago o di kaya'y nyutralisasyon ng mga naturang lider.

Signipikanteng debelopment ito sa lipunang lumad, sa kalagayang marami sa mga lider barangay ay mga lider din ng angkan. Ang ganitong mga panimulang pagkwestyon sa dating hindi mababaling orotidad ng mga lider angkan ay maaaring maging batayan ng pag-iral ng mas mataas na antas na pagkakaisang nakabatay sa makauring interes ng mamamayang lumad, at ng kanilang karapatan bilang mga pam