Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  


 

Editoryal: Pag-ibayuhin ang mga rebolusyonaryong pagkilos sa harap ng gerang agresyon ng US at ng tumitinding reaksyon

 Read this article in English

Todo-todo ang pagsasamantala ng rehimen sa "kampanyang anti-terorismo" ng US upang ipwesto na rin ang sarisaring mga patakaran at hakbanging anti-nasyunal at anti-demokratiko. Layunin ng rehimen na gipitin at tugisin ang mga itinuturing nitong kaaway, pigilin ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan, supilin ang lumalakas na pagtutol ng mamamayan sa mga patakarang dikta ng imperyalismong US at pangalagaan ang interes nito at ng amo nitong imperyalista.

Kaugnay nito, inihahanda na ang pagsasabatas ng sistemang National ID. Mas masahol kaysa mga nagdaang rehimen, balak ng rehimeng Macapagal-Arroyo na ibukas sa US ang anumang impormasyong matitipon sa pamamagitan ng sistemang ito.

Malayong higit na pinalaki na ang bahagi ng AFP at PNP sa panukalang badyet ng gubyerno para sa 2002. Ang 25% o P19.8 bilyong inilaki ng badyet para sa AFP at PNP ay pumapangalawa sa 40.1% o P44.3 bilyong inilaki ng badyet para sa bayad sa utang panlabas.

Samantala, sa udyok ng mga militarista at pasistang nasa likod ng rehimen, arbitraryong pinatigil ng rehimen ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Tusong layunin nitong mailarga ang ibayong pagpapatindi ng pananalakay sa rebolusyonaryong kilusan at militarisasyon sa mga baseng erya ng hukbong bayan, tulad ng ginagawa nito ngayon sa hangganan ng Aurora at Nueva Ecija, sa Mindoro, Bohol at Hilaga-Silangang Mindanao, bago pa man ipagpatuloy ang usapan.

Walang kahihiyan ang pagpapakita ni Macapagal-Arroyo ng pagkatuta sa imperyalismong US at paglapastangan sa pambansang kasarinlan. Pagputok pa lamang ng digmaan, ibinukas na ng papet na rehimen ang walang limitasyong pagpapagamit sa tropang US ng mga pangunahing paliparan at daungan at sa buong himpapawid ng bansa. Nag-alok din ang rehimen ng tulong sa anyo ng pagpapadala ng mga tropang Pilipino, mga doktor, gamot, pagkain at iba pa.

Pinayagan ni Macapagal-Arroyo ang direktang panghihimasok ng US sa gera laban sa mga "lokal na terorista" sa pagpapapasok ng "ispesyalista sa kontra-terorismo" mula sa US upang magsilbing "tagapayo" ng mga sundalong Pilipino. Bukod sa gera laban sa Abu Sayyaf, sasaklawin ng mga ito ang gera laban sa rebolusyonaryong kilusan at ang armadong pakikibaka ng Moro Islamic Liberation Front. Nauna nang pinuntahan nitong 26-kataong "tagapayo" ang Basilan at isusunod nila ang pag-ikot sa lahat ng iba pang mayor na himpilan ng AFP sa bansa. Sa layuning sugpuin ang rebolusyonaryong armadong paglaban, nagpasok na rin sa bansa ng mga kagamitang pandigma galing sa US.

Walang kahihiyan ding ipinagmamalaki ni Macapagal-Arroyo ang pagiging pinakamasugid na tuta ng imperyalismong US sa buong Asia-Pacific. Ipinarada niya ang kanyang sarili bilang "numero unong" tagasuporta sa Asia ng digmang agresyon ng US sa harap ng pagtanggi ng mga lider sa Asia Pacific Economic Cooperation na endorsohin ang pag-atake ng US sa Afghanistan.

Ang lahat ng ito�y nagreresulta sa ibayong pagyurak sa karapatang-tao ng mamamayan. Ngayon pa lamang, higit nang tumindi ang mga paglabag ng AFP, PNP at mga pwersang paramilitar ng rehimen sa karapatang-tao. Sa napakaigsi pa lamang na panunungkulan ng rehimen, mas masahol na ang mga paglabag na ito kaysa sa dalawang taon ng napatalsik na rehimeng Estrada.

Kasabay ng todong pagsuko sa pambansang kasarinlan ang sukdulang pagsasakripisyo, ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa kapakanan ng mamamayan upang higit na pagsilbihan ang interes ng imperyalismo at kasapakat nitong lokal na mga naghaharing uri. Kamakailan ay nagbigay ng hulugang P30 alawans para sa mga manggagawa. Isa itong napakalaking insulto sa harap ng mabilis na pagdausdos ng kabuhayan ng mga manggagawa at panawagan nila para sa P125 solidong karagdagan sa arawang sahod.

Hindi rin pinakikinggan ng rehimen ang kahilingan ng mga magsasaka na bitiwan na ang mga komitment nito sa imperyalistang patakarang "globalisasyon" at sa World Trade Organization, pigilan ang pagpapalit-gamit sa mga lupang agrikultural at ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Bingi rin ang rehimen sa protesta ng maliliit na kawani ng gubyerno laban sa dikta ng International Monetary Fund at World Bank na isapribado ang mas marami pang korporasyon at ahensya ng gubyerno at tanggalin ang 100,000 kawani ng gubyerno.

Tungkulin ng Partido at ng buong rebolusyonaryong kilusan, sa harap ng mga ito, na pag-ibayuhin ang pagmumulat at pag-oorganisa sa mamamayan, pagsusulong ng mga kilusang masa at armadong pakikibaka laban sa imperyalismong US at lokal na reaksyon, pagpapalawak ng pambansang nagkakaisang prente, lalong pagpapahina sa reaksyon at pagkakamit ng ibayong mga rebolusyonaryong tagumpay.

Ibayong isulong ang mga pakikibaka ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis. Ipagpatuloy at igiit ang pakikibaka para sa makatarungang P125 karagdagan sa arawang sahod ng mga manggagawa, mga pakikibakang antipyudal at protesta laban sa "globalisasyon", sa pribatisasyon at iba pang anti-mamamayang patakaran ng imperyalismong US at ng gubyerno.

Bigyan ng partikular na diin ang tungkulin nating direktang mulatin, organisahin at pakilusin ang mamamayang Moro kapwa sa kanayunan at kalunsuran para sa pambansa-demokratikong rebolusyon at sa pagsasakatuparan ng kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili. Pag-ibayuhin natin ang gawaing pampulitika sa hanay nila upang ang kanilang lumalakas na damdaming anti-US ay mapatalas at mahimok sa wastong rebolusyonaryong landas. Kaalinsabay, patuloy nating paunlarin at patibayin ang kasalukuyang rebolusyonaryong pakikipag-alyansa ng National Democratic Front sa Moro Islamic Liberation Front.

Isulong ang malawakang kilusan laban sa ibayong pagyurak sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan sa ngalan ng "kampanyang anti-terorismo". Isulong ang mga protesta sa tumitinding mga paglabag sa karapatang-tao at di pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sa mga isinasagawa ng rehimen na mga panukala at plano para sa higit na pagsikil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ilantad, batikusin at labanan ang malinaw nang nangingibabaw na militaristang adyenda at patakaran ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo.

Higit na pasiglahin ang mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan. Palakasin natin ang mga ito laluna sa mga lugar na kasalukuyang maluwag dahil sa pagkonsentra ng kaaway sa kanilang mga pangunahing target ng pag-atake.

Palawakin at gawing makapangyarihan ang kilusan laban sa imperyalistang digma. Ilantad at labanan ang imperyalistang pagsasamantala at panunupil bilang pinakamalaking salot na lumilikha ng pinakamalaking ligalig at pinsala sa mga bansa at sambayanan ng daigdig. Matatag na tutulan at labanan ang pananalakay ng US sa Afghanistan at ilantad ang walang habas na pamiminsala ng US sa mamamayang Afghani.

Isulong ang pakikibaka para pawalambisa ang Mutual Defense Pact at iba pang kasunduan at patakarang may layuning gawing buntot ng mga patakaran ng imperyalismong US ang Pilipinas. Itaguyod ang tunay na nagsasarili at mapayapang patakarang panlabas. Isulong ang lahatang-panig na anti-imperyalistang pakikibaka ng mamamayang Pilipino at mahigpit itong iugnay sa namumuong pandaigdigang kilusan laban sa imperyalistang agresyon at reaksyon.

 


 Back to topNext article

Oktubre 2001
Edisyong Pilipino


Editoryal: Pag-ibayuhin ang mga rebolusyonaryong pagkilos sa harap ng gerang agresyon ng US at ng tumitinding reaksyon
Ang digmang agresyon ng US sa Afghanistan
Ano ang Northern Alliance?
Tuluy-tuloy ang protesta sa Pilipinas laban sa digmang agresyon at reaksyon
Nagngingitngit na galit laban sa gubyernong US at UK
Mga Ulat Koresponsal: Mga suliranin ng mga magsasaka�t manggagawang bukid sa mga niyugan sa Kabikulan
Mga Ulat Koresponsal: Mga pakikibaka ng mamamayan laban sa Lepanto Mines
Mga Ulat Koresponsal: Rebolusyong agraryo sumusulong sa Cagayan Valley
Mga Ulat Koresponsal: Paglalabas ng Kalatas habang nasa gawaing masa
Sagot sa tuluy-tuloy na atake ng kaaway sa Gitnang Luzon: Puspusang pagtangan at pagpapakahusay sa pakikidigmang gerilya
Pagpaparami at pagpapalaganap ng Ang Bayan: Kumbinasyon ng kilusang masa at paggamit ng modernong teknolohiya
Pananalanta ng pasistang estado: Mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao (Hulyo-Oktubre 2001)
Naghuhuramentado ang mga terorista at mersenaryong AFP at PNP ni Macapagal-Arroyo sa kanayunan:
Pahayag ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas

Mga Balita
Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and standpoint on current issues.

AB comes out fortnightly. It is published originally in Pilipino and translated into Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.

Acrobat PDF files of AB are available online for downloading and offline reading printing. If you wish to receive copies of AB via email, click here.

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.