Balita
Planong busalan ang midya, binatikos
Mariing binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na parusahan ang mga mamamahayag na nakikipanayam sa mga binansagang terorista. Kabilang ito sa nais isusog ng AFP sa mga panukalang batas laban sa terorismo na itinutulak ngayon ng Malakanyang.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, na nais pagbawalan ng rehimen ang mga rebolusyonaryo na magpahayag ng kanilang mga ideya na di hamak na superyor at mas makatotohanan kaysa sa mga kasinungalingan at misimpormasyon na palaging ipinagkakalat ni Arroyo at ng kanyang mga tagapagsalita sa AFP at Malakanyang. "Sa katuus-tuusan," aniya, "gagamitin ito ng rehimeng Arroyo para supilin ang mga tumututol sa mga maka-imperyalista at kontra-mamamayang patakaran ng gubyerno, kabilang na ang mga manggagawa at magsasakang nakikibaka para sa pagtataas ng sahod at tunay na reporma sa lupa."
Nanawagan si Ka Roger sa mamamayan na mariing tutulan ang Anti-Terrorism Bill sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga militanteng pakikibaka.
Binatikos din ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang naturang panukala. Ayon sa NUJP, walang kaparapatan ang AFP o anumang ahensya ng gubyerno na supilin ang isang karapatang nakasaad sa konstitusyon sa batayan ng kadalasa'y maling pangangatwiran nito.
Inihalintulad naman ito ng Katungod-Eastern Visayas sa batas militar, "dahil iisang panig lamang ang pwedeng marinig ng mamamayan."
Paglaban sa malawakang pagmimina, tumitindi
Papalawak at papatatag ang oposisyon ng samutsaring grupo at organisasyon sa malawakang pagmimina na isasagawa alinsunod sa Philippine Mining Act of 1995. Naitayo at gumugulong na ang alyansang Defend Patrimony na binubuo ng mga militanteng organisasyon, progresibong partido, institusyon at mga grupong pangkapaligiran na nangakong lalaban sa mga operasyon ng mga kumpanya ng pagmimina. Kabilang din sa pinakamariing tumututol ang mga grupo sa simbahan katulad ng Promotion of Church People's Response at National Secretariat for Social Action (NASSA)-Justice and Peace ng simbahang Katoliko.
Sa kongreso, nagsampa na ng panukalang batas ang pitong kinatawan para mapawalambisa ang Mining Act of 1995. Bahagi sila ng pambansang protesta na isinagawa sa ika-10 anibersaryo ng naturang batas nitong Marso 6.
Samantala, nagpahayag din ng pagtutol ang Moro Islamic Liberation Front sa basta-bastang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa kanilang mga lugar. Iginigiit ng MILF na gawin itong bahagi ng adyenda sa nakatakdang usapang pangkapayapaan ngayong Marso, pati na ang mga kaakibat na usapin tulad ng kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno na tiyak na masasagasaan ng dayuhang pagmimina.
Malawakang dislokasyon, patuloy na pag-atake sa Sulu
Sa kabila ng maririing panawagan ng iba't ibang organisasyon para itigil ang pag-aatake ng rehimen sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa Sulu, iniutos pa ni Arroyo sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Marso 5 ang pagpapatindi ng operasyong militar sa lugar.
Umaabot na sa daang libong mamamayan sa Sulu ang nadisloka ng pag-atake ng AFP at patuloy sa pagdami ang mga kaso ng karahasan laban sa mga sibilyan sa Sulu.
Marami na ring bahay ang nasira sa pag-atake ng AFP. Isang moske rin ang naiulat na nawasak. Ang nararanasan ng mamamayan sa Sulu ay taliwas sa ipinangangalandakan ni Arroyo na kaligtasan at seguridad ng mamamayan sa nagaganap na operasyong militar.
Katulad ng mga dating pangako ng rehimen sa mamamayang Moro sa mga naunang pag-atake ng AFP sa kanilang lugar, tiyak na mapapako ang pahayag ng rehimen na ligtas na makababalik ang mga Moro sa kanilang lugar at na tutulungan sila para manumbalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Sa harap ng pinaiigting na pakikibaka ng mamamayang Moro, pilit na pinalilitaw ng rehimen na sangkot ang Abu Sayyaf sa armadong paglaban sa Sulu. Ang malagim na pagpapasabog noong Pebrero sa Makati, Davao at General Santos City ay pinlano ng AFP upang palabasing kagagawan ang mga ito ng mga Moro sa Sulu at upang pilit na masabing mga "terorista" ang lumalabang mamamayang Moro.
![](../../angbayan/images/textend3.gif)
|